Unang Hari
21 Pagkatapos ng mga bagay na ito, isang pangyayari ang naganap may kinalaman sa isang ubasan na pag-aari ni Nabot na Jezreelita; nasa Jezreel+ ito, sa tabi ng palasyo ni Ahab na hari ng Samaria. 2 Sinabi ni Ahab kay Nabot: “Ibigay mo sa akin ang ubasan mo at gagawin kong taniman ng gulay, dahil malapit iyon sa bahay ko. Papalitan ko iyon ng mas magandang ubasan. O kung gusto mo, bibilhin ko iyon.” 3 Pero sinabi ni Nabot kay Ahab: “Hinding-hindi ko ibibigay sa iyo ang pag-aaring minana ng mga ninuno ko, dahil ipinagbabawal iyon ni Jehova.”+ 4 Kaya umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sinabing ito ni Nabot na Jezreelita: “Hindi ko ibibigay sa iyo ang pag-aaring minana ng mga ninuno ko.” Humiga siya sa kama niya, nakatalikod sa mga tao, at ayaw niyang kumain.
5 Lumapit sa kaniya ang asawa niyang si Jezebel+ at nagtanong: “Bakit napakalungkot mo* at ayaw mong kumain?” 6 Sinabi niya kay Jezebel: “Sinabi ko kasi kay Nabot na Jezreelita, ‘Ipagbili mo sa akin ang ubasan mo. O kung gusto mo, papalitan ko iyon ng ibang ubasan.’ Pero sinabi niya, ‘Hindi ko ibibigay sa iyo ang ubasan ko.’” 7 Sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Jezebel: “Hindi ba ikaw ang hari ngayon sa Israel? Bumangon ka, kumain ka, at maging masaya ka. Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot na Jezreelita.”+ 8 Kaya sumulat ito ng mga liham sa pangalan ni Ahab at tinatakan iyon ng pantatak+ ni Ahab. Pagkatapos, ipinadala nito ang mga liham sa matatandang lalaki+ at sa maiimpluwensiyang tao sa lunsod ni Nabot. 9 Sinabi nito sa mga liham: “Magdeklara kayo ng pag-aayuno,* at paupuin ninyo si Nabot sa harap ng buong bayan. 10 At magpaupo kayo ng dalawang walang-kuwentang lalaki sa harap niya. Tetestigo sila laban sa kaniya+ at sasabihin, ‘Isinumpa mo ang Diyos at ang hari!’+ Pagkatapos, ilabas ninyo siya at batuhin hanggang sa mamatay.”+
11 Kaya ang mga lalaki sa lunsod ni Nabot, ang matatandang lalaki at ang maiimpluwensiyang tao sa lunsod niya, ay sumunod sa sinabi ni Jezebel sa mga liham na ipinadala sa kanila. 12 Nagdeklara sila ng pag-aayuno at pinaupo si Nabot sa harap ng buong bayan. 13 Pagkatapos, dalawang walang-kuwentang lalaki ang umupo sa harap niya at tumestigo laban kay Nabot sa harap ng bayan. Sinabi nila: “Isinumpa ni Nabot ang Diyos at ang hari!”+ At inilabas nila siya sa hangganan ng lunsod at pinagbabato hanggang sa mamatay.+ 14 Ipinasabi nila ngayon kay Jezebel: “Si Nabot ay pinagbabato hanggang sa mamatay.”+
15 Pagkarinig ni Jezebel na si Nabot ay pinagbabato hanggang sa mamatay, sinabi niya kay Ahab: “Bumangon ka, kunin mo ang ubasan ni Nabot na Jezreelita+ na ayaw niyang ipagbili sa iyo, dahil wala na si Nabot. Patay na siya.” 16 Nang marinig ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta agad si Ahab sa ubasan ni Nabot na Jezreelita para kunin iyon.
17 Pero sinabi ni Jehova kay Elias+ na Tisbita: 18 “Puntahan mo si Ahab na hari ng Israel, na nasa Samaria.+ Naroon siya sa ubasan ni Nabot para kunin iyon. 19 Sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Pumatay ka ba ng tao,+ pagkatapos ay kinuha mo ang pag-aari niya?”’+ At sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Sa lugar kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, hihimurin ng mga aso ang sarili mong dugo.”’”+
20 Sinabi ni Ahab kay Elias: “Nakita mo ako, kaaway ko!”+ Sumagot si Elias: “Nakita kita. ‘Dahil determinado kang* gawin ang masama sa paningin ni Jehova,+ 21 magpapadala ako ng kapahamakan sa iyo. Pupuksain ko kayo at lilipulin ko ang bawat lalaki* sa sambahayan ni Ahab,+ pati na ang mga hamak at mahihina sa Israel.+ 22 At ang sambahayan mo ay gagawin kong gaya ng sambahayan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat at gaya ng sambahayan ni Baasa+ na anak ni Ahias, dahil ginalit mo ako at pinagkasala mo ang Israel.’ 23 At sinabi ni Jehova may kinalaman kay Jezebel: ‘Kakainin ng mga aso si Jezebel sa lupain sa Jezreel.+ 24 Ang mamamatay sa lunsod mula sa sambahayan ni Ahab ay kakainin ng mga aso at ang mamamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa langit.+ 25 Walang sinuman noon ang naging gaya ni Ahab,+ na determinadong* gawin ang masama sa paningin ni Jehova, dahil sa panunulsol ng asawa niyang si Jezebel.+ 26 Ginawa niya ang pinakakarima-rimarim na bagay nang sumunod siya sa kasuklam-suklam na mga idolo,* gaya ng ginawa ng lahat ng Amorita, na itinaboy ni Jehova mula sa harap ng mga Israelita.’”+
27 Pagkarinig ni Ahab sa mga salitang ito, pinunit niya ang damit niya at nagsuot siya ng telang-sako. Nag-ayuno siya; lagi siyang nakahiga na may suot na telang-sako at naglalakad nang malungkot. 28 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Elias na Tisbita: 29 “Nakita mo ba kung paano nagpakumbaba si Ahab dahil sa sinabi ko?+ Dahil nagpakumbaba siya sa harap ko, hindi ako magpapadala ng kapahamakan habang nabubuhay siya. Magpapadala ako ng kapahamakan sa sambahayan niya sa panahon ng anak niya.”+