Unang Hari
22 Sa loob ng tatlong taon, walang digmaan sa pagitan ng Sirya at Israel. 2 Nang ikatlong taon, pumunta si Haring Jehosapat+ ng Juda sa hari ng Israel.+ 3 At sinabi ng hari ng Israel sa mga lingkod niya: “Alam naman ninyo na ang Ramot-gilead+ ay sa atin. Pero nag-aatubili tayong kunin iyon sa kamay ng hari ng Sirya.” 4 Pagkatapos, sinabi niya kay Jehosapat: “Sasama ka ba sa akin sa paglaban sa Ramot-gilead?” Sinabi ni Jehosapat sa hari ng Israel: “Ikaw at ako ay iisa. Ang bayan mo at ang bayan ko ay iisa rin, pati na ang mga kabayo mo at ang mga kabayo ko.”+
5 Pero sinabi ni Jehosapat sa hari ng Israel: “Pakisuyo, sumangguni ka muna+ kay Jehova.”+ 6 Kaya tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, mga 400 lalaki, at sinabi niya sa kanila: “Makikipaglaban ba ako sa Ramot-gilead o hindi?” Sinabi nila: “Makipaglaban ka, at ibibigay iyon ni Jehova sa kamay ng hari.”
7 Pagkatapos, sinabi ni Jehosapat: “Wala na bang propeta si Jehova rito? Sumangguni rin tayo sa pamamagitan niya.”+ 8 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehosapat: “May isa pa na puwede nating lapitan para makasangguni tayo kay Jehova;+ pero galit ako sa kaniya,+ dahil hindi siya humuhula ng mabubuting bagay tungkol sa akin, kundi laging masasama.+ Siya si Micaias na anak ni Imla.” Pero sinabi ni Jehosapat: “Hindi dapat magsalita ng ganiyan ang hari.”
9 Kaya tinawag ng hari ng Israel ang isang opisyal sa palasyo at sinabi: “Dalhin mo agad dito si Micaias na anak ni Imla.”+ 10 Ang hari ng Israel at si Jehosapat na hari ng Juda ay nakaupo ngayon sa kani-kaniyang trono, suot ang kanilang damit na panghari, sa giikan sa pasukan ng pintuang-daan ng Samaria, at ang lahat ng propeta ay nanghuhula sa harap nila.+ 11 Pagkatapos, si Zedekias na anak ni Kenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay susuwagin* mo ang mga Siryano hanggang sa malipol sila.’” 12 Ganoon din ang inihuhula ng lahat ng iba pang propeta. Sinasabi nila: “Pumunta ka sa Ramot-gilead at magtatagumpay ka; ibibigay iyon ni Jehova sa kamay ng hari.”
13 Kaya sinabi ng mensaherong isinugo para tawagin si Micaias: “Pabor sa hari ang sinasabi ng lahat ng propeta. Pakisuyo, ganoon din ang sabihin mo, at magsalita ka ng pabor sa hari.”+ 14 Pero sinabi ni Micaias: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, kung ano ang sabihin ni Jehova sa akin, iyon ang sasabihin ko.” 15 Pagkatapos, pumunta siya sa hari, at tinanong siya ng hari: “Micaias, makikipaglaban ba kami sa Ramot-gilead o hindi?” Agad siyang sumagot: “Makipaglaban ka at magtatagumpay ka; ibibigay iyon ni Jehova sa kamay ng hari.” 16 Sinabi ng hari sa kaniya: “Ilang beses ba kitang panunumpain na katotohanan lang ang sasabihin mo sa akin sa ngalan ni Jehova?” 17 Kaya sinabi niya: “Nakikita ko ang lahat ng Israelita na nagkalat sa mga bundok,+ tulad ng mga tupang walang pastol. Sinabi ni Jehova: ‘Wala silang panginoon. Pabalikin sila nang payapa sa kani-kanilang bahay.’”
18 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehosapat: “Hindi ba sinabi ko sa iyo, ‘Hindi siya manghuhula ng mabubuting bagay tungkol sa akin, kundi laging masasama’?”+
19 Pagkatapos, sinabi ni Micaias: “Pakinggan mo ang sinabi ni Jehova: Nakita ko si Jehova na nakaupo sa trono niya+ at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya, sa kaniyang kanan at kaliwa.+ 20 Pagkatapos, sinabi ni Jehova, ‘Sino ang lilinlang kay Ahab, para makipaglaban siya at mamatay sa Ramot-gilead?’ Iba-iba ang sinasabi nila. 21 At lumapit ang isang espiritu*+ at tumayo sa harap ni Jehova at nagsabi, ‘Ako ang lilinlang sa kaniya.’ Tinanong ito ni Jehova, ‘Paano mo gagawin iyon?’ 22 Sumagot ito, ‘Pupunta ako roon at maglalagay ako ng kasinungalingan sa bibig ng lahat ng propeta niya.’+ Kaya sinabi niya, ‘Linlangin mo siya, at magtatagumpay ka. Pumunta ka roon at ganoon ang gawin mo.’ 23 At ngayon, hinayaan ni Jehova ang isang espiritu na maglagay ng kasinungalingan sa bibig ng lahat ng propeta mong ito,+ pero sinabi ni Jehova na mapapahamak ka.”+
24 Si Zedekias na anak ni Kenaana ay lumapit ngayon kay Micaias at sinampal niya ito at sinabi: “Saan dumaan ang espiritu ni Jehova mula sa akin para makipag-usap sa iyo?”+ 25 Sumagot si Micaias: “Malalaman mo kung saan kapag pumasok ka na sa kaloob-loobang silid para magtago.” 26 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Israel: “Kunin mo si Micaias, at ibigay mo siya kay Amon na pinuno ng lunsod at kay Joas na anak ng hari. 27 Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng hari: “Ikulong ninyo ang taong ito+ at bawasan ninyo ang suplay ng tinapay at tubig na ibibigay ninyo sa kaniya hanggang sa makabalik ako nang payapa.”’” 28 Pero sinabi ni Micaias: “Kung makabalik ka nang payapa, ibig sabihin ay hindi nakipag-usap sa akin si Jehova.”+ Sinabi pa niya: “Kayong lahat, tandaan ninyo ang sinabi ko.”
29 At ang hari ng Israel at si Jehosapat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.+ 30 Sinabi ngayon ng hari ng Israel kay Jehosapat: “Magbabalatkayo ako at sasabak sa digmaan, pero isuot mo ang iyong damit na panghari.” Kaya nagbalatkayo ang hari ng Israel+ at sumabak sa digmaan. 31 Iniutos ngayon ng hari ng Sirya sa 32 pinuno ng mga karwahe niya:+ “Wala kayong ibang lalabanan, sundalo man o opisyal, kundi ang hari lang ng Israel.” 32 Nang makita ng mga pinuno ng mga karwahe si Jehosapat, naisip nila: “Siguradong iyon ang hari ng Israel.” Kaya hinabol nila siya; at humingi ng saklolo si Jehosapat. 33 Nang makita ng mga pinuno ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, agad silang tumigil sa paghabol sa kaniya.
34 Pero isang lalaki ang basta na lang pumana, at tinamaan nito ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng kutamaya* niya. Kaya sinabi ng hari sa tagapagpatakbo niya ng karwahe: “Bumalik tayo at ilayo mo ako sa labanan,* dahil nasugatan ako nang malubha.”+ 35 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay kinailangang panatilihing nakatayo sa karwahe na nakaharap sa mga Siryano. Tumulo nang tumulo ang dugo niya sa loob ng karwaheng pandigma, at namatay siya nang gabing iyon.+ 36 Sa paglubog ng araw, may sumigaw sa buong kampo: “Bumalik ang bawat isa sa sarili niyang lunsod! Bumalik ang bawat isa sa sarili niyang lupain!”+ 37 Namatay ang hari, at dinala siya sa Samaria; inilibing nila ang hari sa Samaria. 38 Nang hugasan nila ang karwaheng pandigma sa tipunan ng tubig ng Samaria, hinimod ng mga aso ang dugo niya at naligo roon ang mga babaeng bayaran,* gaya ng sinabi ni Jehova.+
39 Ang iba pang nangyari kay Ahab, ang lahat ng ginawa niya at ang bahay* na garing*+ na itinayo niya at ang lahat ng lunsod na itinayo niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 40 Si Ahab ay namatay;*+ at ang anak niyang si Ahazias+ ang naging hari kapalit niya.
41 Si Jehosapat+ na anak ni Asa ay naging hari sa Juda nang ikaapat na taon ni Haring Ahab ng Israel. 42 Si Jehosapat ay 35 taóng gulang nang maging hari, at 25 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Azuba na anak ni Silhi. 43 Patuloy niyang tinularan ang halimbawa ng ama niyang si Asa.+ Hindi siya lumihis doon, at ginawa niya ang tama sa paningin ni Jehova.+ Pero hindi naalis ang matataas na lugar, at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.+ 44 Pinanatili ni Jehosapat ang mapayapang kaugnayan sa hari ng Israel.+ 45 Ang iba pang nangyari kay Jehosapat, ang mga tagumpay niya sa labanan at kung paano siya nakipagdigma, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 46 Inalis din niya mula sa lupain ang natirang mga lalaking bayaran sa templo+ noong panahon ng ama niyang si Asa.+
47 Walang hari noon sa Edom;+ isang kinatawang opisyal ang namamahala bilang hari.+
48 Gumawa rin si Jehosapat ng mga barkong Tarsis* na pupunta sa Opir para kumuha ng ginto,+ pero hindi nakaalis ang mga barko dahil nawasak ang mga ito sa Ezion-geber.+ 49 Noon sinabi kay Jehosapat ng anak ni Ahab na si Ahazias: “Pasamahin mo ang mga lingkod ko sa mga lingkod mo sa paglalayag,” pero hindi pumayag si Jehosapat.
50 Pagkatapos, si Jehosapat ay namatay*+ at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David na kaniyang ninuno; at ang anak niyang si Jehoram+ ang naging hari kapalit niya.
51 Ang anak ni Ahab na si Ahazias+ ay naging hari sa Israel, sa Samaria, nang ika-17 taon ni Haring Jehosapat ng Juda, at namahala siya sa Israel nang dalawang taon. 52 At patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova at tinularan niya ang kaniyang ama+ at ina+ at si Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 53 Patuloy niyang pinaglingkuran si Baal+ at niyukuran ito at patuloy na ginalit si Jehova na Diyos ng Israel,+ gaya ng ginawa ng ama niya.