Unang Cronica
20 Sa pasimula ng taon,* noong nakikipagdigma ang mga hari, nanguna si Joab+ sa isang pakikipagdigma at sinira ang lupain ng mga Ammonita; pumunta siya sa Raba+ at pinalibutan nila ito, pero si David ay nanatili sa Jerusalem.+ Sinalakay ni Joab ang Raba at giniba iyon.+ 2 Pagkatapos, kinuha ni David ang korona ni Malcam mula sa ulo nito, at nalaman niyang isang talento* ng ginto ang bigat nito at ito ay may mamahaling mga bato; at inilagay ito sa ulo ni David. Kumuha rin siya ng napakaraming samsam mula sa lunsod.+ 3 At kinuha niya ang mga tagaroon at pinaglagari sila ng mga bato at pinagtrabaho+ gamit ang matatalas na kasangkapang bakal at mga palakol. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita. Bandang huli, si David at ang lahat ng sundalo ay bumalik sa Jerusalem.
4 Pagkatapos nito, nakipagdigma sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang iyon, napatay ni Sibecai+ na Husatita si Sipai, na mula sa lahi ng mga Repaim,+ at natalo ang mga ito.
5 At muli silang nakipagdigma sa mga Filisteo, at napatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat+ na Giteo, na ang hawakan ng sibat ay kasinlaki ng baras ng habihan.+
6 Muling nagkaroon ng digmaan sa Gat,+ kung saan may isang lalaki na pambihira ang laki+ at may 6 na daliri sa bawat kamay at 6 na daliri sa bawat paa, 24 lahat; at mula rin siya sa lahi ng mga Repaim.+ 7 Wala siyang tigil sa pang-iinsulto+ sa Israel. Kaya pinatay siya ni Jonatan na anak ni Simea,+ na kapatid ni David.
8 Ang mga ito ay mula sa lahi ng mga Repaim+ sa Gat,+ at namatay sila sa kamay ni David at ng mga lingkod niya.