LAGARI
Isang kasangkapang pamutol na may talim na binubuo ng maraming maliliit na ngipin at may isa o dalawang hawakan. Ang sinaunang mga lagari ay hindi nakapuputol sa magkabilang direksiyon; ang ilan ay dinisenyong pumutol kapag hinihila ng gumagamit nito; ang iba naman ay kapag itinutulak. Karaniwan na, ang mga lagari ng mga Ehipsiyo noon ay yari sa bronse at kadalasan, nakaturo ang mga ngipin ng mga ito sa direksiyon ng hawakan. Ang gayong lagari ay nakapuputol lamang kapag hinihila ng taong gumagamit nito. Ang talim nito ay nakasuksok sa hawakan o ikinabit doon sa pamamagitan ng mga panaling katad. Mga lagaring may dalawang hawakan at talim na bakal ang ginamit noon ng mga Asiryano. Ginamit ng mga karpinterong Hebreo ang lagari sa pagputol ng kahoy, at mga lagaring nakapuputol naman ng bato ang ginamit ng kanilang mga mason.—Isa 10:15; 1Ha 7:9.
Pinagtrabaho ni David ang mga bihag na Ammonita sa mga gawaing gaya ng paglalagari ng mga bato. (2Sa 12:29-31) Kabilang sa kanilang mga kasangkapan ang “mga palakol,” o, sa literal, “mga lagaring para sa bato,” ayon sa tekstong Masoretiko sa 1 Cronica 20:3. Sa ilang kaso, waring ginamit na pamutol ng bato ang mga lagaring may talim na tanso at mga ngiping bato. Ngunit kung minsan, kapag tanso o bronse ang talim ng lagari, lumilitaw na nilalagyan iyon ng bagay na magaspang, gaya ng pulbos ng esmeril, sa mismong talim upang mas madaling maputol ang bato.
Bago ang panahong Kristiyano, kung minsan ay naging napakatindi ng pag-uusig sa tapat na mga saksi ni Jehova anupat ang ilan sa kanila ay pinatay sa pamamagitan ng ‘paglagari.’ (Heb 11:37, 38) Ayon sa tradisyon, ipinapatay si Isaias ng balakyot na si Haring Manases sa gayong napakasakit na paraan, bagaman hindi ito sinasabi ng Kasulatan.