Ayon kay Lucas
24 Pero maagang-maaga noong unang araw ng linggo, pumunta sila sa libingan, dala ang mababangong sangkap na inihanda nila.+ 2 Gayunman, nakita nilang naalis na* ang bato sa libingan,*+ 3 at nang pumasok sila, hindi nila nakita ang katawan ng Panginoong Jesus.+ 4 Habang naguguluhan pa sila sa nangyari, dalawang lalaki na may nagniningning na damit ang nakita nilang nakatayo sa tabi nila. 5 Natakot ang mga babae at yumuko, kaya sinabi ng mga lalaki: “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay?+ 6 Wala siya rito dahil binuhay na siyang muli. Alalahanin ninyo nang makipag-usap siya sa inyo noong nasa Galilea pa siya. 7 Sinabi niyang ang Anak ng tao ay kailangang maibigay sa kamay ng mga makasalanan at ibayubay sa tulos at buhaying muli sa ikatlong araw.”+ 8 Kaya naalaala nila ang mga sinabi niya,+ 9 at umalis sila sa libingan* para ibalita sa 11 apostol at sa iba pang alagad ang lahat ng ito.+ 10 Sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago, gayundin ang iba pang babae+ na kasama ng mga ito, ang nagbalita sa mga apostol. 11 Pero iniisip nilang imahinasyon lang ang sinabi ng mga babae, at hindi sila naniwala sa mga ito.
12 Pero tumayo si Pedro at tumakbo papunta sa libingan.* Yumuko siya para sumilip, at mga telang lino lang ang nakita niya. Kaya umalis siya na nagtataka sa nangyari.
13 Pero nang mismong araw na iyon, may dalawang alagad na naglalakbay papunta sa isang nayon na tinatawag na Emaus, mga 11 kilometro mula sa Jerusalem, 14 at pinag-uusapan nila ang lahat ng nangyari.
15 Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol dito, si Jesus mismo ay lumapit at lumakad kasabay nila, 16 pero hindi nila siya nakilala.+ 17 Sinabi niya: “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo habang naglalakad?” At tumigil sila sa paglalakad, na nalulungkot. 18 Sumagot ang isa sa kanila na si Cleopas: “Dayuhan ka ba sa Jerusalem at walang nakakausap? Bakit hindi mo alam ang mga nangyari doon nitong nakaraan?”* 19 Nagtanong siya: “Ano?” Sinabi nila: “Ang mga nangyari kay Jesus na Nazareno.+ Isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, sa harap ng Diyos at ng lahat ng tao.+ 20 Ibinigay siya ng aming mga punong saserdote at mga tagapamahala para mahatulan ng kamatayan,+ at ipinako nila siya sa tulos.+ 21 Pero inaasahan namin na ang taong ito ang magliligtas sa Israel.+ At ito na ang ikatlong araw mula nang mangyari ang mga iyon. 22 Isa pa, nagulat din kami sa sinabi ng ilan sa mga babaeng alagad. Maaga silang pumunta sa libingan,*+ 23 at nang hindi nila nakita ang katawan niya, pinuntahan nila kami at sinabing may nagpakita sa kanilang mga anghel na nagsabing buháy si Jesus. 24 Kaya ang ilan sa mga kasama namin ay pumunta sa libingan,*+ at nakita nilang totoo ang sinabi ng mga babae, pero hindi nila nakita si Jesus.”
25 Kaya sinabi niya sa kanila: “Mga di-makaunawa at mabagal ang puso sa pagtanggap sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba kailangang danasin ng Kristo ang mga ito+ para matanggap niya ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya?”+ 27 At pasimula kay Moises at sa lahat ng Propeta,*+ ipinaliwanag niya sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaniya.
28 Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan ng mga alagad, nagkunwari siyang mas malayo pa ang lalakbayin niya. 29 Pero pinigilan nila siyang umalis at sinabi: “Sumama ka muna sa amin, dahil lumulubog na ang araw at malapit nang dumilim.” Kaya tumuloy siya sa bahay at nanatiling kasama nila. 30 Habang nakaupo* siya sa mesa kasama nila, kumuha siya ng tinapay, nanalangin, pinagpira-piraso ito, at ibinigay sa kanila.+ 31 Nang pagkakataong iyon, nabuksan ang mga mata nila at nakilala nila siya; pero bigla siyang nawala.+ 32 Sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi ba nagniningas ang puso natin habang kinakausap niya tayo sa daan, habang malinaw niyang ipinapaliwanag* sa atin ang Kasulatan?” 33 Nang mismong oras na iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem, at nakita nila ang 11 apostol at ang iba pang nagtitipong kasama ng mga ito, 34 na nagsabi: “Talaga ngang binuhay-muli ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon!”+ 35 Ikinuwento naman nila ang mga nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay.+
36 Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo si Jesus sa gitna nila at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 37 Pero nagulat sila at natakot dahil akala nila, isang espiritu ang nakikita nila.+ 38 Kaya sinabi niya: “Bakit kayo naguguluhan, at bakit nagkaroon ng mga pag-aalinlangan sa puso ninyo? 39 Tingnan ninyo ang mga kamay at paa ko para malaman ninyo na ako nga ito; hawakan ninyo ako at tingnan, dahil ang isang espiritu ay walang laman at buto, hindi gaya ng nakikita ninyo sa akin.” 40 Nang sabihin niya ito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at paa. 41 Pero habang hindi pa sila makapaniwala dahil sa sobrang saya at pagkamangha, sinabi niya: “Mayroon ba kayong pagkain?”+ 42 Kaya binigyan nila siya ng inihaw na isda, 43 at kinuha niya ito at kinain sa harap nila.
44 Pagkatapos, sinabi niya: “Ito ang sinasabi ko sa inyo noong kasama pa ninyo ako,+ na kailangang matupad ang lahat ng bagay tungkol sa akin na nakasulat sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa mga Awit.”+ 45 At binuksan niya ang isip nila para lubusan nilang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan,+ 46 at sinabi niya, “Ito ang nakasulat: Ang Kristo ay magdurusa at mabubuhay-muli sa ikatlong araw,+ 47 at sa ngalan niya ay ipangangaral ang mensahe ng pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan+ sa lahat ng bansa,+ pasimula sa Jerusalem.+ 48 Kayo ay magpapatotoo tungkol sa mga ito.+ 49 At ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Pero manatili muna kayo sa lunsod hanggang sa matanggap ninyo ang* kapangyarihan mula sa kaitaasan.”+
50 Pagkatapos, isinama niya sila sa labas ng lunsod hanggang sa Betania, at itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila. 51 Habang pinagpapala niya sila, nahiwalay siya sa kanila at umakyat sa langit.+ 52 Yumukod sila sa kaniya at bumalik sa Jerusalem na masayang-masaya.+ 53 At palagi silang nasa templo, na pumupuri sa Diyos.+