Ayon kay Lucas
1 Marami ang nagtipon ng detalye at gumawa ng ulat tungkol sa mga bagay na talagang pinaniniwalaan natin,+ 2 kaayon ng mga bagay na narinig natin mula sa mga nakasaksi+ noong una at mga tagapaghayag ng mensahe.+ 3 Kaya naman, kagalang-galang na Teofilo,+ nagpasiya rin akong isulat sa iyo ang mga iyon ayon sa lohikal na pagkakasunod-sunod matapos kong maingat na saliksikin ang lahat ng bagay mula sa pasimula at makuha ang tumpak na impormasyon,+ 4 para matiyak mo kung gaano katotoo ang mga bagay na itinuro* sa iyo.+
5 Noong panahon ni Herodes,+ na hari ng Judea, may isang saserdote na nagngangalang Zacarias na mula sa grupo ni Abias.+ Ang asawa niya ay si Elisabet, na mula sa pamilya ni Aaron. 6 Pareho silang matuwid sa harap ng Diyos at hindi mapipintasan, dahil sinusunod nila ang lahat ng utos at kahilingan ng batas ni Jehova. 7 Pero wala silang anak dahil baog si Elisabet at matanda na sila.+
8 Noong ang grupo niya+ ang may atas na maglingkod sa templo at nagsisilbi siyang saserdote sa harap ng Diyos, 9 siya ang napiling pumasok sa templo ni Jehova+ para maghandog ng insenso,+ ayon sa matagal nang kaugalian ng mga saserdote. 10 Nang oras na iyon ng paghahandog ng insenso, nananalangin ang lahat ng tao sa labas. 11 Nagpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova, na nakatayo sa kanan ng altar ng insenso. 12 Nagulat si Zacarias sa nakita niya, at takot na takot siya. 13 Kaya sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias, dahil pinakinggan ang pagsusumamo mo, at kayo ng asawa mong si Elisabet ay magkakaanak ng lalaki, at papangalanan mo siyang Juan.+ 14 Magsasaya ka at matutuwa nang husto, at marami ang magagalak sa kaniyang pagsilang+ 15 dahil magiging dakila siya sa paningin ni Jehova.+ Pero hindi siya kailanman iinom ng alak o anumang inuming de-alkohol,+ at mapupuspos siya ng banal na espiritu kahit hindi pa siya naipanganganak,*+ 16 at marami sa mga anak ni Israel ang tutulungan niyang manumbalik kay Jehova na kanilang Diyos.+ 17 Gayundin, mauuna siya sa Diyos* taglay ang sigla at lakas ni Elias,+ para ang puso ng mga ama ay gawing tulad ng sa mga anak+ at para tulungan ang mga masuwayin na maging marunong at gawin ang tama, nang sa gayon ay maihanda ang mga tao para kay Jehova.”+
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel: “Paano mangyayari iyan? Matanda na ako, at matanda na rin ang asawa ko.”+ 19 Sumagot ang anghel: “Ako si Gabriel,+ na nakatayo malapit sa harap ng Diyos.+ Isinugo ako para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Pero dahil hindi ka naniwala sa mga sinabi ko, na matutupad sa takdang panahon, hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga iyon.”+ 21 Samantala, hinihintay ng mga tao si Zacarias, at nagtataka sila kung bakit napakatagal niya sa templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya naisip nilang nakakita siya ng isang di-pangkaraniwang pangyayari* sa loob ng templo. Dahil napipi siya, sumesenyas lang siya sa kanila. 23 Nang tapos na ang paglilingkod niya sa templo, umuwi na siya.
24 Pagkalipas ng ilang araw, nagdalang-tao ang asawa niyang si Elisabet, at hindi ito umalis ng bahay sa loob ng limang buwan, at sinabi nito: 25 “Ginawa ito ni Jehova alang-alang sa akin. Binigyang-pansin niya ako para alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.”+
26 Noong ikaanim na buwan na niya, isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel+ sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, 27 sa isang birhen+ na nakatakdang mapangasawa ni Jose na mula sa pamilya ni David. Maria+ ang pangalan ng birhen. 28 Nagpakita ang anghel kay Maria, at sinabi nito: “Magandang araw sa iyo, lubos na pinagpala. Si Jehova ay sumasaiyo.” 29 Pero nagulat siya sa pagbating ito at inisip niya kung ano ang ibig sabihin nito. 30 Kaya sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot, Maria, dahil nalulugod sa iyo ang* Diyos. 31 Magdadalang-tao* ka at magkakaanak ng isang lalaki,+ at papangalanan mo siyang Jesus.+ 32 Siya ay magiging dakila+ at tatawaging Anak ng Kataas-taasan,+ at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama,+ 33 at maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang Kaharian.”+
34 Pero sinabi ni Maria sa anghel: “Paano ito mangyayari? Wala pa akong asawa.”*+ 35 Sumagot ang anghel: “Sasaiyo* ang banal na espiritu,+ at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang isisilang mo ay tatawaging banal,+ Anak ng Diyos.+ 36 Nagdadalang-tao rin ang kamag-anak mong si Elisabet. Anim na buwan na niyang ipinagbubuntis ang isang anak na lalaki, kahit matanda na siya at tinatawag na babaeng baog; 37 dahil walang imposible sa Diyos.”+ 38 Sinabi ni Maria: “Ako ay aliping babae ni Jehova! Mangyari nawa sa akin ang lahat ng sinabi mo.” At umalis na ang anghel.
39 Pagkatapos, nagmadaling maglakbay si Maria papunta sa isang mabundok na lugar, sa isang lunsod ng Juda, 40 at pumasok siya sa bahay ni Zacarias at binati si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, lumukso ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos si Elisabet ng banal na espiritu, 42 at sinabi niya nang malakas: “Pinagpala ka sa lahat ng babae, at pinagpala ang sanggol na isisilang mo! 43 Sino ba ako para mabigyan ng ganitong karangalan, na madalaw ng ina ng aking Panginoon? 44 Dahil nang marinig ko ang pagbati mo, napalukso sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45 At maligaya ka dahil naniwala ka sa mga sinabi sa iyo, dahil lubusan itong tutuparin ni Jehova.”
46 Sinabi ni Maria: “Dinadakila ko si Jehova,+ 47 at hindi mapigilan ng puso* ko na mag-umapaw sa kagalakan dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas,+ 48 dahil binigyang-pansin niya ang mababang kalagayan ng kaniyang aliping babae.+ Mula ngayon, tatawagin akong maligaya ng lahat ng henerasyon+ 49 dahil ang makapangyarihang Diyos ay gumawa ng dakilang mga bagay para sa akin, at banal ang pangalan niya,+ 50 at sa bawat lumilipas na henerasyon, ang kaniyang awa ay para sa mga natatakot sa kaniya.+ 51 Kumilos siya gamit ang malakas niyang bisig;+ pinangalat niya ang mga hambog.*+ 52 Ibinaba niya ang makapangyarihang mga tao mula sa kanilang trono,+ at itinaas niya ang mabababa;+ 53 lubusan niyang binusog ng mabubuting bagay ang mga gutom+ at pinaalis nang walang dala ang mayayaman. 54 Sinaklolohan niya ang Israel na kaniyang lingkod para ipakitang naaalaala niya ang pangako niyang magpakita ng awa magpakailanman,+ 55 gaya ng sinabi niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kaniyang mga supling.”*+ 56 Mga tatlong buwang nanatili si Maria kasama ni Elisabet, at saka siya umuwi.
57 Dumating ang panahon na manganganak na si Elisabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay niya at kamag-anak na nagpakita si Jehova ng malaking awa sa kaniya, at nakipagsaya sila sa kaniya.+ 59 Noong ikawalong araw, dumating sila para sa pagtutuli ng sanggol,+ at papangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng sa tatay nito. 60 Pero sinabi ni Elisabet: “Hindi! Juan ang pangalan niya.” 61 Sinabi nila sa kaniya: “Wala kayong kamag-anak na may ganiyang pangalan.” 62 Kaya tinanong nila ang tatay ng sanggol sa pamamagitan ng mga senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan dito. 63 Humingi siya ng isang piraso ng kahoy, at isinulat niya rito: “Juan ang pangalan niya.”+ Kaya namangha silang lahat. 64 Pagkatapos, bigla siyang nakapagsalita+ at pumuri sa Diyos. 65 Manghang-mangha ang lahat ng nakatira sa palibot nila at naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mabundok na rehiyon ng Judea. 66 Pinag-isipan ito ng lahat ng nakarinig,* at sinabi nila: “Magiging ano kaya ang batang ito paglaki?” Dahil talagang sumasakaniya ang kamay ni Jehova.
67 Pagkatapos, ang tatay niyang si Zacarias ay napuspos ng banal na espiritu at humula: 68 “Purihin nawa si Jehova, ang Diyos ng Israel,+ dahil ibinaling niya ang pansin niya sa kaniyang bayan at naglaan siya sa kanila ng kaligtasan.+ 69 At binigyan niya tayo ng isang makapangyarihang tagapagligtas+ mula sa sambahayan ni David na kaniyang lingkod,+ 70 gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang banal na mga propeta noon.+ 71 Nangako siyang ililigtas niya tayo mula sa mga kaaway natin at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.+ 72 Magpapakita siya ng awa sa atin gaya ng ipinangako niya sa ating mga ninuno, at aalalahanin niya ang kaniyang banal na tipan.+ 73 Ito ang binitiwan niyang pangako* sa ating ninunong si Abraham.+ 74 Kapag nailigtas na niya tayo mula sa mga kaaway, ibibigay niya sa atin ang pribilehiyong gumawa ng sagradong paglilingkod sa kaniya nang walang takot 75 at nang may katapatan at katuwiran* sa harap niya sa lahat ng araw natin. 76 Pero ikaw, anak ko, tatawagin kang propeta ng Kataas-taasan, dahil mauuna ka kay Jehova para ihanda ang kaniyang mga daan,+ 77 para ipaalám sa kaniyang bayan na ililigtas niya sila sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga kasalanan nila,+ 78 dahil sa matinding habag ng ating Diyos. Ang habag na ito mula sa langit ay magiging tulad ng liwanag na sumisinag sa bukang-liwayway,+ 79 para magbigay ng liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa ilalim ng anino ng kamatayan+ at para patnubayan ang ating mga paa tungo sa daan ng kapayapaan.”
80 At ang bata ay lumaki at naging matatag,* at nanatili siya sa ilang hanggang sa araw na humarap siya sa bayang Israel.