Deuteronomio
28 “At kung talagang makikinig kayo sa tinig ng Diyos ninyong si Jehova at susundin ninyong mabuti ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon, tiyak na gagawin kayo ng Diyos ninyong si Jehova na nakahihigit sa lahat ng iba pang bansa sa lupa.+ 2 Dahil patuloy kayong nakikinig sa tinig ng Diyos ninyong si Jehova, mapapasainyo ang lahat ng pagpapalang ito:+
3 “Pagpapalain kayo sa lunsod, at pagpapalain kayo sa parang.+
4 “Pagpapalain ang mga anak* ninyo+ at ang bunga ng inyong lupain at ang anak ng inyong mga alagang hayop, ang inyong mga guya* at kordero.*+
5 “Pagpapalain ang inyong basket+ at ang inyong masahan.*+
6 “Pagpapalain ang lahat ng gagawin ninyo.*
7 “Kikilos si Jehova para matalo sa harap ninyo ang inyong mga kaaway.+ Sasalakayin nila kayo mula sa isang direksiyon, pero magtatakbuhan sila palayo sa inyo sa pitong* direksiyon.+ 8 Pagpapalain ni Jehova ang inyong mga imbakan+ at ang lahat ng gagawin ninyo, at talagang pagpapalain niya kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova. 9 Gagawin kayo ni Jehova na isang banal na bayan na pag-aari niya,+ gaya ng ipinangako niya sa inyo,+ dahil patuloy ninyong tinutupad ang mga utos ng Diyos ninyong si Jehova at lumalakad kayo sa mga daan niya. 10 At makikita ng lahat ng bayan sa lupa na taglay ninyo ang pangalan ni Jehova,+ at matatakot sila sa inyo.+
11 “Pagpapalain kayo ni Jehova ng napakaraming anak at alagang hayop at magiging mabunga ang lupaing+ ipinangako ni Jehova sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo.+ 12 Bubuksan ni Jehova para sa inyo ang kaniyang punong-punong imbakan, ang langit, para magpaulan sa inyong lupain sa takdang panahon nito+ at para pagpalain ang lahat ng ginagawa ninyo. Magpapahiram kayo sa maraming bansa, pero hindi ninyo kakailanganing manghiram.+ 13 Gagawin kayo ni Jehova na ulo at hindi buntot, at ilalagay niya kayo sa itaas+ at hindi sa ibaba, kung lagi ninyong susundin ang mga utos ng Diyos ninyong si Jehova, na iniuutos ko sa inyo na gawin ninyo. 14 Huwag kayong lilihis sa lahat ng salitang iniuutos ko sa inyo ngayon; huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa+ para sumunod at maglingkod sa ibang mga diyos.+
15 “Pero kung hindi kayo makikinig sa tinig ng Diyos ninyong si Jehova at hindi ninyo susunding mabuti ang lahat ng utos at batas niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon, mapapasainyo ang lahat ng sumpang ito:+
16 “Susumpain kayo sa lunsod, at susumpain kayo sa parang.+
17 “Susumpain ang inyong basket+ at ang inyong masahan.*+
18 “Susumpain ang mga anak* ninyo+ at ang bunga ng inyong lupain at ang inyong mga guya at kordero.+
19 “Susumpain ang lahat ng gagawin ninyo.*
20 “Susumpain kayo ni Jehova—lilituhin niya kayo at paparusahan sa lahat ng gagawin ninyo hanggang sa mapuksa kayo at agad na malipol, dahil sa masamang ginagawa ninyo at dahil iniwan ninyo siya.*+ 21 Bibigyan kayo ni Jehova ng napakalalang sakit hanggang sa malipol kayo sa lupaing magiging pag-aari ninyo.+ 22 Paparusahan kayo ni Jehova ng tuberkulosis, nag-aapoy na lagnat,+ pamamaga, matinding init ng katawan, digmaan,+ at napakainit na hangin, at mamamatay* ang inyong mga pananim;+ sasalutin kayo ng mga ito hanggang sa malipol kayo. 23 Ang inyong langit ay magiging tanso, at ang inyong lupa ay magiging bakal.+ 24 Ang ulan mula sa langit na pababagsakin ni Jehova sa inyong lupain ay buhangin at alikabok, hanggang sa malipol kayo. 25 Hahayaan ni Jehova na matalo kayo ng inyong mga kaaway.+ Sasalakayin ninyo sila mula sa isang direksiyon, pero magtatakbuhan kayo palayo sa kanila sa pitong* direksiyon; at matatakot ang lahat ng kaharian sa lupa dahil sa nangyari sa inyo.+ 26 At ang inyong bangkay ay kakainin ng mga ibon sa langit at mga hayop sa parang, at walang magtataboy sa mga ito.+
27 “Paparusahan kayo ni Jehova ng pigsa ng Ehipto, almoranas, eksema, at pangangati sa balat na hindi gagaling. 28 Dahil sa mga gagawin ni Jehova, mababaliw kayo, mabubulag,+ at malilito.* 29 Kahit katanghaliang-tapat, kayo ay magiging parang bulag na nangangapa sa dilim,+ at hindi kayo magtatagumpay sa anumang gagawin ninyo; lagi kayong dadayain at pagnanakawan, at walang sasaklolo sa inyo.+ 30 Makikipagtipan ka sa isang babae, pero gagahasain siya ng ibang lalaki. Magtatayo ka ng bahay, pero hindi mo iyon matitirhan.+ Magtatanim ka ng ubasan, pero hindi mo iyon mapapakinabangan.+ 31 Kakatayin ang iyong toro sa harap mo, pero wala kang makakain doon. Nanakawin ang iyong asno sa harap mo, pero hindi na iyon babalik sa iyo. Kukunin ng mga kaaway mo ang iyong mga tupa, pero walang magtatanggol sa iyo. 32 Kukunin ng ibang bayan ang iyong mga anak na lalaki at babae+ habang nakatingin ka, at lagi kang mananabik sa kanila, pero wala kang magagawa. 33 Ang lahat ng iyong ani at pagkain ay kakainin ng isang bayan na hindi mo kilala,+ at lagi kang dadayain at aapihin. 34 Mababaliw ka sa makikita mo.
35 “Paparusahan kayo ni Jehova ng mga pigsa sa mga tuhod at mga binti ninyo, masasakit at hindi gumagaling, mula sa talampakan hanggang sa tuktok ng ulo ninyo. 36 Kayo at ang haring pinili ninyong mamahala sa inyo ay dadalhin ni Jehova sa isang bansa na hindi ninyo kilala, pati ng mga ninuno ninyo,+ at maglilingkod kayo roon sa ibang mga diyos, mga diyos na kahoy at bato.+ 37 Ang lahat ng bayan na pagdadalhan sa inyo ni Jehova ay matatakot dahil sa nangyari sa inyo; magiging usap-usapan* kayo, at pagtatawanan nila kayo.+
38 “Magtatanim ka ng maraming binhi sa bukid, pero kaunti lang ang aanihin mo+ dahil kakainin iyon ng mga balang. 39 Magtatanim ka at mag-aalaga ng mga ubasan, pero wala kang aanihin at maiinom na alak,+ dahil kakainin iyon ng mga uod. 40 May mga punong olibo sa buong teritoryo ninyo, pero wala kang langis na maipapahid sa sarili mo dahil maglalaglagan ang mga bunga nito. 41 Magkakaanak ka ng mga lalaki at babae, pero mawawala sila sa piling mo dahil magiging bihag sila.+ 42 Sisirain ng kulumpon ng* mga insekto ang lahat ng puno at bunga ng iyong lupain. 43 Ang dayuhang naninirahang kasama ninyo ay lalakas nang lalakas, pero ikaw ay hihina nang hihina. 44 Magpapahiram siya sa iyo, pero wala kang maipapahiram sa kaniya.+ Siya ang magiging ulo, at ikaw ang magiging buntot.+
45 “Tiyak na mapapasainyo ang lahat ng sumpang ito+ hanggang sa malipol kayo,+ dahil hindi kayo nakinig sa tinig ng Diyos ninyong si Jehova at hindi ninyo sinunod ang mga utos at batas na ibinigay niya sa inyo.+ 46 Ang mga ito ay daranasin ninyo at ng mga supling ninyo at magsisilbing permanenteng tanda at babala+ 47 na hindi kayo naglingkod sa Diyos ninyong si Jehova nang may kagalakan at masayang puso samantalang sagana kayo sa lahat ng bagay.+ 48 Isusugo ni Jehova laban sa inyo ang inyong mga kaaway, at paglilingkuran ninyo sila+ habang kayo ay gutom,+ uhaw, walang maisuot, at kapos sa lahat ng bagay. Maglalagay siya ng pamatok na bakal sa leeg ninyo hanggang sa malipol niya kayo.
49 “Magsusugo si Jehova sa inyo ng isang kaaway, isang malayong bansa+ mula sa dulo ng lupa; mandaragit itong gaya ng isang agila,+ isang bansa na ang wika ay hindi ninyo naiintindihan,+ 50 isang bansang mabagsik na walang galang sa matatanda at walang awa sa mga bata.+ 51 Kakainin nila ang anak ng mga alagang hayop ninyo at ang bunga ng inyong lupain hanggang sa mapuksa kayo. Uubusin nila ang inyong mga butil, bagong alak o langis, at guya o kordero, hanggang sa malipol nila kayo.+ 52 Papalibutan nila kayo at ikukulong sa mga lunsod* ninyo hanggang sa bumagsak ang pinagtitiwalaan ninyong matataas at matitibay na pader ng lupain ninyo. Oo, papalibutan nila ang lahat ng lunsod ninyo sa buong lupain na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+ 53 Kaya kakainin ninyo ang sarili ninyong anak,* ang laman ng mga anak ninyong lalaki at babae+ na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, dahil sa tindi ng pagpapahirap at pananakop ng kaaway ninyo.
54 “Kahit ang pinakamaselan at pihikang lalaki sa inyo ay hindi maaawa sa kaniyang kapatid o mahal na asawa o buháy pang anak, 55 at hindi siya mamimigay ng laman ng kaniyang anak na kakainin niya, dahil wala nang matitira sa kaniya sa tindi ng pagpapahirap at pananakop ng inyong kaaway sa mga lunsod ninyo.+ 56 At ang maselan at pihikang babae sa inyo na hindi man lang maisayad sa lupa ang paa niya dahil sa sobrang selan+ ay hindi maaawa sa kaniyang mahal na asawa o sa anak niyang lalaki o babae, 57 kahit pa sa inunan na lumabas sa sinapupunan* niya at sa anak na isinilang niya. Palihim niyang kakainin ang mga ito dahil sa tindi ng pagpapahirap at pananakop ng inyong kaaway sa lunsod ninyo.
58 “Kung hindi ninyo susunding mabuti ang lahat ng salita sa Kautusang ito na nakasulat sa aklat na ito+ at hindi ninyo katatakutan ang pangalang ito na maluwalhati at kahanga-hanga,*+ ang pangalan ni Jehova+ na inyong Diyos, 59 paparusahan kayo ni Jehova ng napakatinding mga salot, pati na ang mga anak ninyo, malala at nagtatagal na mga salot+ at malubha at nagtatagal na mga sakit. 60 Pasasapitin niya sa inyo ang lahat ng karamdaman sa Ehipto na kinatatakutan ninyo, at hindi na kayo gagaling mula sa mga iyon. 61 Pasasapitin din sa inyo ni Jehova kahit ang mga sakit o salot na hindi nakasulat sa aklat na ito ng Kautusan hanggang sa malipol kayo. 62 Kahit pa naging kasindami kayo ng mga bituin sa langit,+ kaunting-kaunti lang ang matitira sa inyo,+ dahil hindi kayo nakinig sa tinig ng Diyos ninyong si Jehova.
63 “At kung gustong-gusto noon ni Jehova na gawan kayo ng mabuti at paramihin kayo, gugustuhin naman ngayon ni Jehova na puksain kayo at lipulin; at itataboy kayo mula sa lupaing kukunin ninyo bilang pag-aari.
64 “Pangangalatin kayo ni Jehova sa lahat ng bayan mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo nito,+ at doon ay maglilingkod kayo sa mga diyos na gawa sa kahoy at bato, mga diyos na hindi ninyo kilala, pati ng mga ninuno ninyo.+ 65 Magiging kaaway kayo ng mga bansang iyon+ at walang maaapakan ang inyong paa. Bibigyan kayo ni Jehova ng balisang puso,+ mga matang pagod sa paghihintay, at kawalang pag-asa.+ 66 Malalagay sa malaking panganib ang inyong buhay, at matatakot kayo araw at gabi; at walang katiyakan ang buhay ninyo. 67 Sa umaga ay sasabihin ninyo, ‘Gabi na sana!’ at sa gabi ay sasabihin ninyo, ‘Umaga na sana!’ dahil sa takot sa puso ninyo at sa makikita ng inyong mga mata. 68 At tiyak na ibabalik kayo ni Jehova sa Ehipto sakay ng barko, isang paglalakbay na sinabi kong hindi na ninyo ulit gagawin, at doon ay ipagbibili ninyo ang inyong sarili bilang mga aliping lalaki at babae sa mga kaaway ninyo, pero walang bibili.”