SALOT
Ang mga salitang Hebreo na isinasalin bilang “salot” ay literal na nangangahulugang “paghipo,” “pananakit,” “dagok,” “pagkatalo,” at “kamatayan.” Nagpasapit ang Diyos na Jehova ng mga dagok bilang kaparusahan sa mapaghimagsik na pagbubulung-bulungan (Bil 16:41-50), sa pagtangging sumunod sa kaniyang kalooban (Zac 14:12, 15, 18), sa lapastangang paggamit sa isang bagay na sagrado (1Sa 5:1–6:4), sa paggalaw sa kaniyang mga pinahiran (Gen 12:17; Aw 105:15), at sa kawalang-katapatan o mga paglabag sa kaniyang kautusan (Lev 26:21; Bil 14:36, 37; 31:16; Deu 28:59-61; 1Cr 21:17, 22; 2Cr 21:12-15). Maaaring ilapat ang gayong mga dagok sa pamamagitan ng mga anghel o mga tao. (2Sa 24:17; Jer 19:1-8; 25:8, 9; 49:17; 50:13, 14) Upang maalis ang mga salot na pinasapit ni Jehova, kailangang mamagitan ang kaniyang mga lingkod sa panalangin o taimtim na magsisi at manalangin ang mga tao.—Gen 20:17, 18; 1Ha 8:37, 38; 2Cr 6:28, 29.
Posible rin na ang isang salot ay likas na resulta ng pagkakasala ng isang tao. (Kaw 6:32, 33) Maaaring ito ay isang sakit, gaya ng “salot na ketong” (Lev 13:2), o isang kapighatiang dulot ng panahon at mga kalagayan.—Aw 38:11; 73:5, 14.
Ipinakita ng mga salot na pinasapit ni Jehova sa Ehipto noong panahon ni Moises ang kaniyang dakilang kapangyarihan at pinangyari ng mga ito na mahayag ang kaniyang pangalan sa gitna ng mga bansa. (Exo 9:14, 16) Sa loob ng maraming salinlahi pagkatapos nito, pinag-uusapan pa rin ng ibang mga bayan ang mga epekto ng mga ito. (Jos 2:9-11; 9:9; 1Sa 4:8; 6:6) Karagdagan pa, pinatunayan ng mga salot na ito na ang mga diyos ng Ehipto ay inutil.—Exo 12:12; Bil 33:4; tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA (Ang Sampung Salot); MOISES (Sa Harap ni Paraon ng Ehipto).
Maliwanag na ang mga salot (sa Gr., ple·gaiʹ, sa literal, “mga dagok o mga hampas”) na binabanggit sa aklat ng Apocalipsis ay mga kapahayagan ng galit ng Diyos at makasagisag na tumutukoy sa resulta o epekto ng kaniyang mga hudisyal na pasiya.—Apo 9:18, 20; 11:6; 15:1, 6, 8; 16:9, 21; 18:4, 8; 21:9; 22:18.
Sakit. Ang salot ay maaari ring tumukoy sa anumang sakit na nakahahawa na mabilis kumalat at maaaring maging epidemya at humantong sa kamatayan. Kapag ginamit sa ganitong diwa, ang salitang Hebreo para sa salot (deʹver) ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “lipulin.” (2Cr 22:10) Sa maraming teksto, ang salot ay nauugnay sa paglalapat ng hatol ng Diyos, kapuwa may kaugnayan sa bayang nagtataglay ng pangalan ng Diyos at sa mga sumasalansang sa kanila.—Exo 9:15; Bil 14:12; Eze 38:2, 14-16, 22, 23; Am 4:10.
Resulta ng Pag-iwan sa Kautusan ng Diyos. Binabalaan ang bansang Israel na ang pagtangging tumupad sa tipan ng Diyos sa kanila ay magbubunga ng kaniyang ‘pagpapasapit ng salot sa gitna nila.’ (Lev 26:14-16, 23-25; Deu 28:15, 21, 22) Sa buong Kasulatan, ang kalusugan, maging sa pisikal o sa espirituwal na diwa, ay iniuugnay sa pagpapala ng Diyos (Deu 7:12, 15; Aw 103:1-3; Kaw 3:1, 2, 7, 8; 4:21, 22; Apo 21:1-4), samantalang ang karamdaman naman ay iniuugnay sa kasalanan at di-kasakdalan. (Exo 15:26; Deu 28:58-61; Isa 53:4, 5; Mat 9:2-6, 12; Ju 5:14) Kaya, bagaman totoo na sa ilang kaso ay tuwiran at kagyat na nagpasapit ang Diyos na Jehova ng ilang sakit sa mga tao, gaya ng ketong ni Miriam, ni Uzias, at ni Gehazi (Bil 12:10; 2Cr 26:16-21; 2Ha 5:25-27), lumilitaw na sa maraming kaso, ang mga karamdaman at mga salot na sumapit ay likas at di-mababagong mga resulta ng makasalanang landasing tinahak ng mga tao o mga bansa. Inani lamang nila ang kanilang inihasik; dinanas ng kanilang mga katawang laman ang mga epekto ng kanilang maling landasin. (Gal 6:7, 8) Tungkol sa mga bumaling sa malaswang seksuwal na imoralidad, sinabi ng apostol na ‘ibinigay sila ng Diyos sa karumihan upang ang kanilang mga katawan ay mawalang-dangal sa gitna nila anupat tinatanggap sa kanilang sarili ang lubos na kabayaran, na siyang nararapat sa kanilang kamalian.’—Ro 1:24-27.
Naapektuhan ang Israel. Kaya naman sa diwa ay binanggit sa babala ng Diyos sa Israel na maraming sakit ang tiyak na ibubunga sa kanila ng landasin ng pagsuway sa kaniyang kalooban. Ang kaniyang Kautusan na ibinigay sa kanila ay nagsilbing hadlang at proteksiyon laban sa karamdaman, dahil sa mataas na mga pamantayan nito sa moral at kalinisan (tingnan ang KARAMDAMAN AT PANGGAGAMOT [Katumpakan ng mga Konsepto sa Kasulatan]), at dahil sa nakapagpapalusog din ito sa kanilang isip at emosyon. (Aw 19:7-11; 119:102, 103, 111, 112, 165) Ang inilalarawan sa Levitico 26:14-16 ay hindi ang paminsan-minsang paglabag sa Kautusan kundi ang tahasang pag-iwan at pagtatakwil sa mga pamantayan nito, at dahil dito, ang bansa ay tiyak na madaling dadapuan ng lahat ng uri ng karamdaman at nakahahawang sakit. Pinatutunayan ng kasaysayan, kapuwa ng nakaraan at ng kasalukuyan, ang katotohanan ng bagay na ito.
Nahulog sa malubhang pag-aapostata ang bansang Israel, at ipinakikita ng hula ni Ezekiel na tinutukoy ng mga tao ang kanilang sarili bilang “nabubulok” dahil sa kanilang mga paghihimagsik at mga kasalanan. (Eze 33:10, 11; ihambing ang 24:23.) Gaya ng inihula, naranasan ng bansang ito ang ‘tabak at ang taggutom at ang salot,’ anupat umabot ito sa sukdulan noong panahon ng pagsalakay ng mga Babilonyo. (Jer 32:24) Ang malimit na pag-uugnay ng salot sa tabak at taggutom (Jer 21:9; 27:13; Eze 7:15) ay kasuwato ng mga bagay na alam na. Ang salot ay kadalasang kasabay o kasunod ng pagsiklab ng digmaan at ng kaakibat nitong mga kakapusan sa pagkain. Kapag ang lupain ay sinalakay ng isang hukbo ng kaaway, apektado ang mga gawaing pang-agrikultura, anupat ang mga ani ay kadalasang kinukumpiska o sinusunog. Ang mga lunsod na nakubkob ay hindi makakakuha ng mga panustos mula sa labas, at lalaganap ang taggutom sa mga taong-bayan na napipilitang mamuhay nang siksikan sa maruruming kalagayan. Sa ganitong mga situwasyon, humihina ang resistensiya laban sa sakit at madaling lumaganap ang nakamamatay na salot.
Sa “Katapusan ng Sistema ng mga Bagay.” Noong inihuhula ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ang “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ipinakita niya na ang salot ay magiging kapansin-pansing bahagi ng yugto ng panahon bago ang “malaking kapighatian.” (Mat 24:3, 21; Luc 21:10, 11) Ang Apocalipsis 6:1-8, isinulat pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem (na may kasabay na matinding taggutom at karamdaman), ay tumuturo sa hinaharap sa isang panahon ng tabak, taggutom, at “nakamamatay na salot.” Ang mga ito ay kasunod ng pagdating ng may-koronang mangangabayo na nakasakay sa isang kabayong puti at humahayo upang manaig, isang larawan na katulad na katulad niyaong nasa Apocalipsis 19:11-16, na maliwanag na tumutukoy sa naghaharing si Kristo Jesus.
Pagsasanggalang ni Jehova. Idinalangin ni Haring Solomon na, kapag pinagbantaan ng salot, nawa’y manalangin ang bayan ni Jehova sa Kaniya ukol sa kaginhawahan, na iniuunat ang kanilang mga palad patungo sa templo, at malugod nawa Niya silang pakinggan. (1Ha 8:37-40; 2Cr 6:28-31) Ang kakayahan ni Jehova na ipagsanggalang ang kaniyang tapat na lingkod laban sa espirituwal na pinsala, pati na sa moral at espirituwal na “salot na lumalakad sa karimlan,” ay ipinahahayag sa Awit 91.