Ikalawang Samuel
20 May isang lalaki na gumagawa ng gulo na ang pangalan ay Sheba,+ na anak ni Bicri na isang Benjaminita. Hinipan niya ang tambuli+ at sinabi: “Wala tayong kaugnayan kay David, at wala tayong mana sa anak ni Jesse.+ Bumalik kayong lahat sa inyong mga diyos,* O Israel!”+ 2 Kaya tumigil ang lahat ng lalaki ng Israel sa pagsunod kay David at sumunod sila kay Sheba na anak ni Bicri;+ pero hindi iniwan ng mga lalaki ng Juda ang kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem.+
3 Pagdating ni David sa bahay* niya sa Jerusalem,+ kinuha ng hari ang 10 pangalawahing asawa na iniwan niya noon para mag-asikaso sa bahay,+ at inilagay niya sila sa isang bahay na may bantay. Pinaglaanan niya sila ng pagkain pero hindi niya sila sinipingan.+ Nanatili silang may bantay hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at para silang mga biyuda kahit buháy pa ang asawa nila.
4 Sinabi ngayon ng hari kay Amasa:+ “Tipunin mo ang mga lalaki ng Juda sa loob ng tatlong araw at iharap mo sila sa akin, at dapat nandito ka rin.” 5 Kaya tinipon ni Amasa ang Juda, pero dumating siya nang lampas sa takdang panahon na ibinigay sa kaniya. 6 Pagkatapos, sinabi ni David kay Abisai:+ “Baka mas malala pa sa nagawa ni Absalom ang gawing pinsala+ sa atin ni Sheba+ na anak ni Bicri. Kunin mo ang mga lingkod ng iyong panginoon at habulin mo siya, para hindi siya makahanap ng mga napapaderang* lunsod at makatakas sa atin.” 7 Kaya ang mga tauhan ni Joab,+ ang mga Kereteo, mga Peleteo,+ at lahat ng malalakas na lalaki ay lumabas kasunod niya; umalis sila sa Jerusalem para habulin si Sheba na anak ni Bicri. 8 Noong malapit na sila sa malaking bato sa Gibeon,+ sinalubong sila ni Amasa.+ Suot ni Joab ang kaniyang damit na pandigma, at may espada siya na nasa lalagyan nito at nakasabit sa balakang niya. Paglapit niya, nahulog ang espada.
9 Sinabi ni Joab kay Amasa: “Kumusta ka, kapatid ko?” Pagkatapos, gamit ang kanang kamay, hinawakan ni Joab ang balbas ni Amasa na para bang hahalikan ito. 10 Hindi nag-ingat si Amasa sa espada na nasa kamay ni Joab, at sinaksak siya ni Joab sa tiyan,+ at lumuwa ang mga bituka niya sa lupa. Hindi na nito kinailangan pang saksakin siyang muli; sapat na ang isang beses para patayin siya. Pagkatapos, hinabol ni Joab at ng kapatid niyang si Abisai si Sheba na anak ni Bicri.
11 Isa sa mga tauhan ni Joab ang tumayo sa tabi ni Amasa. Sinasabi niya: “Sinumang nasa panig ni Joab at sinumang kay David, sundan niya si Joab!” 12 Samantala, naliligo sa sariling dugo si Amasa sa gitna ng daan. Nang makita ng lalaki na napapahinto ang lahat ng nakakakita rito, inilipat niya si Amasa mula sa daan papunta sa parang at tinakpan ito ng damit. 13 Nang maalis niya ito sa daan, ang lahat ng lalaki ay sumunod kay Joab sa paghabol kay Sheba+ na anak ni Bicri.
14 Dumaan si Sheba sa lahat ng tribo ng Israel hanggang sa Abel ng Bet-maaca.+ Ang mga Bicrita ay nagtipon at sumunod sa kaniya.
15 Dumating si Joab at ang mga tauhan nito* at pinaligiran nila siya sa Abel ng Bet-maaca. Naglagay sila ng rampang pangubkob para salakayin ang lunsod, na napapalibutan ng matibay na pader. Pagkatapos, ang lahat ng tauhan ni Joab ay naghukay sa may pader para mapabagsak iyon. 16 Isang marunong na babae ang sumigaw mula sa lunsod: “Makinig kayo, mga lalaki, makinig kayo! Pakisuyo, sabihin ninyo kay Joab, ‘Lumapit ka rito, at makikipag-usap ako sa iyo.’” 17 Kaya lumapit ito, at sinabi ng babae: “Ikaw ba si Joab?” Sumagot ito: “Ako nga.” Sinabi ng babae sa kaniya: “Makinig ka sa sasabihin ng iyong lingkod.” Sinabi naman nito: “Nakikinig ako.” 18 Sinabi ng babae: “Lagi nilang sinasabi noon, ‘Sumangguni muna sila sa Abel,’ at maaayos ang lahat. 19 Ako ang kumakatawan sa mga mapagpayapa at tapat na mga tao sa Israel. Sinisikap mong lipulin ang lunsod na maituturing na ina sa Israel. Bakit mo lilipulin* ang mana ni Jehova?”+ 20 Sumagot si Joab: “Hindi ko magagawang lipulin at wasakin ito. 21 Hindi ganiyan ang sitwasyon. Isang lalaki na nagngangalang Sheba,+ na anak ni Bicri na mula sa mabundok na rehiyon ng Efraim,+ ang nagrebelde kay Haring David. Kung isusuko ninyo ang lalaking iyon, iiwan ko ang lunsod.” Sinabi ng babae kay Joab: “Sige! Ihahagis sa iyo ang ulo niya sa labas ng pader!”
22 Kaagad na umalis ang marunong na babae at kinausap ang buong bayan, at pinugot nila ang ulo ni Sheba na anak ni Bicri at inihagis iyon kay Joab. Pagkatapos, hinipan ni Joab ang tambuli, at iniwan nila ang lunsod at umuwi sa kani-kanilang bahay;+ at si Joab ay bumalik sa hari sa Jerusalem.
23 Si Joab ang namumuno sa buong hukbo ng Israel;+ si Benaias+ na anak ni Jehoiada+ ang namamahala sa mga Kereteo at mga Peleteo.+ 24 Si Adoram+ ang namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho; si Jehosapat+ na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 25 Si Seva ang kalihim; sina Zadok+ at Abiatar+ ang mga saserdote. 26 At si Ira na Jairita ay naging punong opisyal* din ni David.