Ikalawang Cronica
25 Si Amazias ay 25 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 29 na taon sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Jehoadan ng Jerusalem.+ 2 Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova, pero hindi nang buong puso. 3 Nang matatag na ang paghahari niya, pinatay niya ang mga lingkod niyang pumatay sa kaniyang amang hari.+ 4 Pero hindi niya pinatay ang mga anak nila. Sinunod niya ang utos na ito ni Jehova na nakasulat sa Kautusan, sa aklat ni Moises: “Ang ama ay hindi dapat mamatay dahil sa anak niya, at ang anak ay hindi dapat mamatay dahil sa ama niya; ang bawat isa ay mamamatay dahil sa sarili niyang kasalanan.”+
5 At tinipon ni Amazias ang Juda at pinatayo sila ayon sa kani-kanilang angkan, sa pamamahala ng mga pinuno ng libo-libo at ng mga pinuno ng daan-daan. Ginawa niya ito sa buong Juda at Benjamin.+ Inirehistro niya ang mga edad 20 pataas,+ at umabot sa 300,000 ang mga sinanay na* mandirigma na maglilingkod sa hukbo, mga bihasa sa paggamit ng sibat at malaking kalasag. 6 Umupa rin siya mula sa Israel ng 100,000 malalakas na mandirigma sa halagang 100 talento* ng pilak. 7 Pero isang lingkod ng tunay na Diyos ang pumunta sa kaniya at nagsabi: “O hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel, dahil wala ang suporta ni Jehova sa Israel+ o sa sinumang Efraimita. 8 Ikaw lang ang makipaglaban, kumilos ka, at lakasan mo ang loob mo sa pakikipagdigma. Kung hindi, maibubuwal ka ng tunay na Diyos sa harap ng kaaway, dahil may kapangyarihan ang Diyos na tumulong+ at magbuwal.” 9 Sinabi ni Amazias sa lingkod ng tunay na Diyos: “Pero paano na ang 100 talento na ibinigay ko sa hukbo ng Israel?” Sumagot ang lingkod ng tunay na Diyos: “Higit pa roon ang kayang ibigay sa iyo ni Jehova.”+ 10 Kaya pinauwi ni Amazias ang hukbong nanggaling sa Efraim. Pero galit na galit sila sa Juda, kaya umuwi silang nagngingitngit.
11 Pagkatapos, buong tapang na pinangunahan ni Amazias ang kaniyang hukbo papunta sa Lambak ng Asin,+ at 10,000 lalaki ng Seir ang napatay niya.+ 12 Nakabihag din ang mga lalaki ng Juda ng 10,000. Kaya dinala nila ang mga ito sa tuktok ng malaking bato at inihagis ang mga ito mula roon, at nagkalasog-lasog ang katawan ng lahat ng ito. 13 Pero ang mga sundalong pinauwi ni Amazias at hindi pinasama sa digmaan+ ay sumalakay sa mga lunsod ng Juda, mula sa Samaria+ hanggang sa Bet-horon;+ 3,000 ang napatay nila roon at kumuha sila ng napakaraming samsam.
14 Pero pagbalik ni Amazias mula sa pagpapabagsak sa mga Edomita, dinala niya ang mga diyos ng mga lalaki ng Seir at sinamba ang mga iyon.+ Nagsimula siyang yumukod sa mga ito at gumawa ng haing usok para sa mga ito. 15 Dahil diyan, galit na galit si Jehova kay Amazias, kaya nagsugo siya ng propeta para sabihin dito: “Bakit ka sumusunod sa mga diyos na ito na hindi nakapagligtas ng sarili nilang bayan mula sa kamay mo?”+ 16 Habang sinasabi niya ito, sinabi ng hari: “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari?+ Tumigil ka!+ Gusto mo bang ipapatay kita?” Kaya tumigil ang propeta, pero sinabi niya: “Alam kong ipinasiya ng Diyos na puksain ka dahil sa ginawa mo at dahil hindi ka nakinig sa payo ko.”+
17 Matapos sumangguni sa mga tagapayo niya, si Haring Amazias ng Juda ay nagpadala ng ganitong mensahe kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu na hari ng Israel: “Magharap tayo sa digmaan.”+ 18 Nagpadala ng ganitong mensahe si Haring Jehoas ng Israel para kay Haring Amazias ng Juda: “Ang matinik na panirang-damo sa Lebanon ay nagpadala ng ganitong mensahe sa sedro sa Lebanon, ‘Ibigay mo ang anak mong babae sa anak ko bilang asawa.’ Pero isang mabangis na hayop ng Lebanon ang dumaan at tinapakan ang matinik na panirang-damo. 19 Sinabi mo, ‘Napabagsak ko* ang Edom.’+ Kaya nagmamalaki ka, at gusto mong luwalhatiin ka. Pero diyan ka na lang sa bahay* mo. Bakit ka naghahanap ng kapahamakan na magpapabagsak sa iyo at sa Juda?”
20 Pero hindi nakinig si Amazias,+ dahil gusto ng tunay na Diyos na maibigay sila sa kamay ng kaaway,+ dahil sumunod sila sa mga diyos ng Edom.+ 21 Kaya sumalakay si Haring Jehoas ng Israel, at naglaban sila ni Haring Amazias ng Juda sa Bet-semes,+ na sakop ng Juda 22 Natalo ng Israel ang Juda, kaya nagsitakas ang mga ito sa kani-kaniyang bahay.* 23 Nabihag ni Haring Jehoas ng Israel si Haring Amazias ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Jehoahaz,* sa Bet-semes. Pagkatapos, dinala niya ito sa Jerusalem, at winasak niya ang pader ng Jerusalem mula sa Pintuang-Daan ng Efraim+ hanggang sa Panulukang Pintuang-Daan,+ 400 siko.* 24 Kinuha niya ang lahat ng ginto at pilak at ang lahat ng kagamitan sa bahay ng tunay na Diyos na nasa pangangalaga ni* Obed-edom at ang lahat ng nasa kabang-yaman ng bahay* ng hari,+ pati ang mga bihag. Pagkatapos, bumalik siya sa Samaria.
25 Si Amazias+ na anak ni Jehoas na hari ng Juda ay nabuhay pa nang 15 taon pagkamatay ni Jehoas+ na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.+ 26 Ang iba pang nangyari kay Amazias, mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel. 27 Mula nang tumigil si Amazias sa pagsunod kay Jehova, nagsabuwatan sila+ laban sa kaniya sa Jerusalem, at tumakas siya papuntang Lakis, pero pinasundan nila siya sa Lakis at pinatay roon. 28 Iniuwi nila siya sakay ng kabayo at inilibing kasama ng mga ninuno niya sa lunsod ng Juda.