Ikalawang Cronica
33 Si Manases+ ay 12 taóng gulang nang maging hari, at 55 taon siyang namahala sa Jerusalem.+
2 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova at tinularan ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga bansang pinalayas ni Jehova mula sa harap ng Israel.+ 3 Muli niyang itinayo ang matataas na lugar na giniba ng ama niyang si Hezekias,+ nagtayo siya ng mga altar para sa mga Baal at gumawa ng mga sagradong poste,* at yumukod siya sa buong hukbo ng langit at naglingkod sa mga ito.+ 4 Nagtayo rin siya ng mga altar sa bahay ni Jehova,+ ang bahay na tinutukoy ni Jehova nang sabihin niya: “Sa Jerusalem mananatili ang pangalan ko magpakailanman.”+ 5 At nagtayo siya ng mga altar para sa buong hukbo ng langit sa dalawang looban* ng bahay ni Jehova.+ 6 At sinunog niya ang sarili niyang mga anak bilang handog+ sa Lambak ng Anak ni Hinom;+ nagsagawa siya ng mahika,+ panghuhula, at pangkukulam,* at nag-atas siya ng mga espiritista at manghuhula.+ Napakarami niyang ginawang masama sa paningin ni Jehova para galitin siya.
7 Ang inukit na imaheng ginawa niya ay ipinasok niya sa bahay ng tunay na Diyos+ na tinutukoy ng Diyos nang sabihin Niya kay David at sa anak nitong si Solomon: “Permanente kong ilalagay ang pangalan ko sa bahay na ito at sa Jerusalem, na pinili ko mula sa lahat ng tribo ng Israel.+ 8 At hindi ko aalisin ang Israel* sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila kung susundin nilang mabuti ang lahat ng iniutos ko sa kanila, ang buong Kautusan, mga tuntunin, at mga hudisyal na pasiya na ibinigay ko sa pamamagitan ni Moises.” 9 Patuloy na iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga-Jerusalem, kaya mas masahol pa ang ginawa nila kaysa sa ginawa ng mga bansang nilipol ni Jehova sa harap ng mga Israelita.+
10 Patuloy na kinausap ni Jehova si Manases at ang bayan niya, pero hindi sila nagbigay-pansin.+ 11 Kaya pinasalakay sa kanila ni Jehova ang mga pinuno ng hukbo ng hari ng Asirya, at binihag ng mga ito si Manases gamit ang mga pangawit* at iginapos ng dalawang kadenang tanso at dinala sa Babilonya. 12 Sa paghihirap niya, nagmakaawa siya sa* Diyos niyang si Jehova at patuloy na nagpakumbaba nang husto sa Diyos ng kaniyang mga ninuno. 13 Patuloy siyang nanalangin sa Diyos, at naawa ang Diyos sa kaniya dahil sa mga pakiusap niya at dininig ng Diyos ang pagmamakaawa niya at ibinalik siya sa Jerusalem para muling maghari.+ At nalaman ni Manases na si Jehova ang tunay na Diyos.+
14 Pagkatapos nito, nagtayo siya ng pader sa labas ng Lunsod ni David+ sa kanluran ng Gihon+ na nasa lambak* na umabot sa Pintuang-Daan ng mga Isda,+ at itinuloy niya ito sa palibot ng lunsod hanggang sa Opel;+ ginawa niya itong napakataas. Nag-atas din siya ng mga pinuno ng hukbo sa lahat ng napapaderang* lunsod sa Juda. 15 At inalis niya ang mga diyos ng mga banyaga at ang idolo sa bahay ni Jehova+ at ang lahat ng altar na itinayo niya sa bundok ng bahay ni Jehova+ at sa Jerusalem; pagkatapos, ipinatapon niya ang mga iyon sa labas ng lunsod. 16 Inihanda rin niya ang altar ni Jehova+ at naghandog siya roon ng mga haing pansalo-salo+ at mga hain ng pasasalamat,+ at sinabi niya sa Juda na paglingkuran si Jehova na Diyos ng Israel. 17 Gayunman, naghahandog pa rin ang bayan sa matataas na lugar, pero para lang sa Diyos nilang si Jehova.
18 Ang iba pang nangyari kay Manases, ang panalangin niya sa kaniyang Diyos, at ang mga sinabi sa kaniya ng mga nakakakita ng pangitain sa ngalan ni Jehova na Diyos ng Israel ay nakasulat sa kasaysayan ng mga hari ng Israel. 19 Pati ang panalangin niya+ at kung paano ipinagkaloob ang kahilingan niya, ang lahat ng kasalanan niya at pagtataksil,+ ang mga lugar na pinagtayuan niya ng matataas na lugar at pinaglagyan ng mga sagradong poste*+ at mga inukit na imahen bago siya nagpakumbaba ay nasa ulat ng mga nakakakita ng pangitain. 20 Pagkatapos, si Manases ay namatay,* at inilibing nila siya sa bahay niya; at ang anak niyang si Amon ang naging hari kapalit niya.+
21 Si Amon+ ay 22 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang dalawang taon sa Jerusalem.+ 22 At patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng ama niyang si Manases;+ at naghandog si Amon sa lahat ng inukit na imaheng ginawa ng ama niyang si Manases,+ at patuloy siyang naglingkod sa mga iyon. 23 Pero hindi siya nagpakumbaba kay Jehova+ gaya ng ama niyang si Manases na nagpakumbaba;+ sa halip, dinagdagan pa ni Amon ang mga kasalanan niya. 24 Bandang huli, nagsabuwatan ang mga lingkod niya laban sa kaniya+ at pinatay siya sa sarili niyang bahay. 25 Pero pinatay ng bayan ang lahat ng nagsabuwatan laban kay Haring Amon,+ at ginawa nilang hari ang anak niyang si Josias+ kapalit niya.