Deuteronomio
4 “Ngayon, O Israel, pakinggan ninyo ang mga tuntunin at hudisyal na pasiya na itinuturo kong sundin ninyo, para mabuhay kayo+ at makuha ninyo ang lupain na ibinibigay sa inyo ni Jehova, ang Diyos ng mga ninuno ninyo. 2 Huwag ninyong daragdagan o babawasan ang iniuutos ko sa inyo,+ para masunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo mula sa Diyos ninyong si Jehova.
3 “Nakita ninyo mismo ang ginawa ni Jehova dahil sa Baal ng Peor; ang mga sumunod sa Baal ng Peor ay nilipol ng Diyos ninyong si Jehova mula sa gitna ninyo.+ 4 Pero kayong nananatiling tapat sa Diyos ninyong si Jehova ay buháy pang lahat ngayon. 5 Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at hudisyal na pasiya,+ gaya ng iniutos sa akin ni Jehova na aking Diyos, para masunod ninyo ang mga iyon sa lupaing kukunin ninyo. 6 Sundin ninyong mabuti ang mga iyon;+ sa gayon, ang inyong karunungan+ at kaunawaan+ ay makikita ng mga bayang makaririnig ng lahat ng tuntuning ito, at sasabihin nila, ‘Talagang isang bayang marunong at may kaunawaan ang dakilang bansang ito.’+ 7 Dahil anong dakilang bansa ang may mga diyos na malapit sa kanila, gaya ng Diyos nating si Jehova kapag tumatawag tayo sa kaniya?+ 8 At anong dakilang bansa ang may matuwid na mga tuntunin at hudisyal na pasiya na gaya ng buong Kautusang ito na inihaharap ko sa inyo ngayon?+
9 “Mag-ingat lang kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili, para hindi ninyo malimutan ang mga bagay na nakita ninyo mismo at hindi mahiwalay ang mga iyon sa puso ninyo habambuhay. Ipaaalam din ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak at apo.+ 10 Nang araw na humarap kayo sa Diyos ninyong si Jehova sa Horeb, sinabi ni Jehova sa akin, ‘Tipunin mo sa harap ko ang bayan para maiparinig ko sa kanila ang mga salita ko,+ para matuto silang matakot sa akin+ habang nabubuhay sila at para maturuan nila ang kanilang mga anak.’+
11 “Kaya lumapit kayo at tumayo sa paanan ng bundok; nag-aapoy ang bundok, at ang liyab nito ay umaabot sa langit;* madilim ang paligid at may maitim at makapal na ulap.+ 12 At kinausap kayo ni Jehova mula sa apoy.+ May naririnig kayong nagsasalita pero wala kayong nakikita+—tinig lang.+ 13 At sinabi niya sa inyo ang kaniyang pakikipagtipan,+ na iniutos niyang sundin ninyo—ang Sampung Utos.*+ Pagkatapos, isinulat niya ang mga iyon sa dalawang tapyas ng bato.+ 14 Iniutos sa akin noon ni Jehova na turuan kayo ng mga tuntunin at hudisyal na pasiya, na susundin ninyo sa lupaing magiging pag-aari ninyo.
15 “Kaya bantayan ninyo ang inyong sarili—dahil wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na makipag-usap sa inyo si Jehova sa Horeb mula sa apoy— 16 para hindi kayo gumawi nang kapaha-pahamak at gumawa para sa inyong sarili ng inukit na imahen na may anumang anyo, gaya ng anyo ng lalaki o babae,+ 17 anyo ng anumang hayop sa lupa o anyo ng anumang ibon na lumilipad sa langit,+ 18 anyo ng anumang gumagala sa lupa o anyo ng anumang isda na nasa tubig.+ 19 At kapag tumingin kayo sa langit at nakita ninyo ang araw, buwan, at mga bituin—ang buong hukbo ng langit—huwag kayong matutuksong yumukod at maglingkod sa mga iyon.+ Ibinigay ng Diyos ninyong si Jehova ang mga iyon sa lahat ng bayan sa ibabaw ng lupa.* 20 Pero kayo ang inilabas ni Jehova mula sa hurnong tunawan ng bakal, sa Ehipto, para maging bayan na pag-aari* niya,+ gaya ng kalagayan ninyo ngayon.
21 “Nagalit si Jehova sa akin dahil sa inyo,+ at sinabi* niya na hindi ako tatawid ng Jordan o papasok sa magandang lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova bilang mana.+ 22 At mamamatay ako sa lupaing ito; hindi ako tatawid ng Jordan,+ pero kayo ay tatawid at kukunin ninyo ang magandang lupaing ito. 23 Mag-ingat kayo para hindi ninyo malimutan ang pakikipagtipan sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova,+ at huwag kayong gagawa para sa inyong sarili ng inukit na imahen, na anyo ng anumang bagay na ipinagbawal sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+ 24 Dahil ang Diyos ninyong si Jehova ay isang apoy na tumutupok,+ isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.*+
25 “Kung magkaroon kayo ng mga anak at apo at mabuhay nang matagal sa lupain at gumawi nang kapaha-pahamak at gumawa ng anumang inukit na imahen+ at gumawa ng masama sa paningin ng Diyos ninyong si Jehova para galitin siya,+ 26 kinukuha ko ngayon ang langit at lupa bilang mga saksi laban sa inyo—tiyak na malilipol kayo agad sa lupaing kukunin ninyo pagtawid ng Jordan. Hindi kayo mabubuhay nang matagal doon; tiyak na malilipol kayo.+ 27 Pangangalatin kayo ni Jehova sa gitna ng mga bayan,+ at doon sa mga bansang pagdadalhan sa inyo ni Jehova, kaunti lang ang matitira sa inyo.+ 28 Doon, maglilingkod kayo sa mga diyos na ginawa ng tao gamit ang kahoy at bato,+ mga diyos na hindi makakita, makarinig, makakain, o makaamoy.
29 “Kung hahanapin ninyo ang Diyos ninyong si Jehova mula roon, tiyak na matatagpuan ninyo siya,+ kung hahanapin ninyo siya nang inyong buong puso at kaluluwa.*+ 30 Kapag nangyari sa inyo ang lahat ng ito at labis kayong naghirap, manunumbalik kayo sa Diyos ninyong si Jehova at makikinig sa tinig niya.+ 31 Dahil ang Diyos ninyong si Jehova ay isang maawaing Diyos.+ Hindi niya kayo pababayaan o ipapahamak, at hindi niya kalilimutan ang pakikipagtipan niya sa mga ninuno ninyo.+
32 “Magtanong kayo ngayon tungkol sa mga araw bago ang panahon ninyo, mula nang araw na lalangin* ng Diyos ang tao sa lupa; maghanap kayo mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabilang dulo. May nangyari na bang ganito kadakilang bagay? Mayroon bang sinuman na nakarinig ng tulad nito?+ 33 Maliban sa inyo, may iba pa bang bayang nakarinig ng tinig ng Diyos na nanggagaling sa apoy at nanatili pa ring buháy?+ 34 O may kinuha na bang bansa ang Diyos mula sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga hatol,* tanda, himala,+ digmaan,+ isang makapangyarihang kamay,+ isang unat na bisig, at nakakatakot na mga gawa,+ gaya ng nakita ninyong ginawa sa Ehipto ng Diyos ninyong si Jehova para sa inyo? 35 Ipinakita mismo sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyong si Jehova ang tunay na Diyos;+ wala nang iba pa bukod sa kaniya.+ 36 Ipinarinig niya sa inyo ang tinig niya mula sa langit para ituwid kayo, at ipinakita niya sa inyo sa ibabaw ng lupa ang kaniyang naglalagablab na apoy, at narinig ninyo ang mga salita niya mula sa apoy.+
37 “Dahil mahal niya ang mga ninuno ninyo at pinili ang supling* ng mga ito,+ siya mismo ang naglabas sa inyo sa Ehipto* gamit ang malakas niyang kapangyarihan. 38 Itinaboy niya mula sa harap ninyo ang mga bansa na mas dakila at mas malalakas kaysa sa inyo, para makapasok kayo sa lupain nila at maibigay ito sa inyo bilang mana, gaya ng nangyayari ngayon.+ 39 Kaya kilalanin ninyo ngayon at laging tandaan* na si Jehova ang tunay na Diyos sa langit at sa lupa.+ Wala nang iba pa.+ 40 Tuparin ninyo ang mga tuntunin at utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon, para mapabuti kayo at ang inyong mga anak at matagal kayong manirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.”+
41 Nang panahong iyon, nagbukod si Moises ng tatlong lunsod sa silangan ng Jordan.+ 42 Kung di-sinasadyang mapatay ng isang tao ang kapuwa niya at wala naman siyang galit dito,+ tatakbo siya sa isa sa mga lunsod na iyon para manatiling buháy.+ 43 Ito ang mga lunsod: ang Bezer+ sa ilang na nasa talampas para sa mga Rubenita, ang Ramot+ sa Gilead para sa mga Gadita, at ang Golan+ sa Basan para sa mga Manasita.+
44 At ito ang Kautusan+ na iniharap ni Moises sa bayan ng Israel. 45 Ito ang mga paalaala, tuntunin, at hudisyal na pasiya na ibinigay ni Moises sa mga Israelita paglabas nila sa Ehipto,+ 46 sa rehiyon ng Jordan, sa lambak sa tapat ng Bet-peor,+ sa lupain ni Haring Sihon ng mga Amorita, na nakatira sa Hesbon+ at tinalo ni Moises at ng mga Israelita paglabas nila sa Ehipto.+ 47 At kinuha nila ang lupain niya at ang lupain ni Haring Og+ ng Basan, ang dalawang hari ng mga Amorita na nasa rehiyon sa silangan ng Jordan, 48 mula sa Aroer,+ na nasa gilid ng Lambak* ng Arnon, hanggang sa Bundok Sion, na siyang Hermon,+ 49 at ang buong Araba na nasa rehiyon sa silangan ng Jordan, at hanggang sa Dagat ng Araba,* na nasa paanan ng mga dalisdis ng Pisga.+