Levitico
9 Noong ikawalong araw,+ tinawag ni Moises si Aaron, ang mga anak nito, at ang matatandang lalaki ng Israel. 2 Sinabi niya kay Aaron: “Kumuha ka para sa iyong sarili ng isang malusog na guya* bilang handog para sa kasalanan+ at isang malusog na lalaking tupa bilang handog na sinusunog, at ialay mo ang mga iyon sa harap ni Jehova. 3 Pero sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan at ng isang guya at isang batang lalaking tupa, na bawat isa ay isang taóng gulang at malusog, bilang handog na sinusunog, 4 at ng isang toro* at isang lalaking tupa bilang mga haing pansalo-salo,+ para ialay ang mga iyon sa harap ni Jehova, at ng handog na mga butil+ na hinaluan ng langis, dahil magpapakita si Jehova sa inyo sa araw na ito.’”+
5 Kaya dinala nila ang lahat ng iyon sa harap ng tolda ng pagpupulong, gaya ng iniutos ni Moises. Pagkatapos, lumapit ang buong bayan at tumayo sa harap ni Jehova. 6 Sinabi ni Moises: “Ito ang iniutos ni Jehova na dapat ninyong gawin, para ipakita sa inyo ni Jehova ang kaluwalhatian niya.”+ 7 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron: “Lumapit ka sa altar, at ialay mo ang iyong handog para sa kasalanan+ at handog na sinusunog, at magbayad-sala ka para sa iyong sarili+ at sa iyong sambahayan; at ialay mo ang handog ng bayan,+ at magbayad-sala ka para sa kanila,+ gaya ng iniutos ni Jehova.”
8 Lumapit agad si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kasalanan niya.+ 9 Pagkatapos, dinala sa kaniya ng mga anak niya ang dugo,+ at isinawsaw ni Aaron ang daliri niya sa dugo at ipinahid iyon sa mga sungay ng altar, at ibinuhos niya ang natitirang dugo sa paanan ng altar.+ 10 Sinunog niya ang taba, ang mga bato, at ang lamad* ng atay na mula sa handog para sa kasalanan para pumailanlang mula sa altar ang usok, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.+ 11 At ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo.+
12 Pagkatapos, pinatay ni Aaron ang handog na sinusunog at ibinigay sa kaniya ng mga anak niya ang dugo, at iwinisik niya iyon sa lahat ng panig ng altar.+ 13 Ibinigay nila sa kaniya ang mga piraso ng handog na sinusunog at ang ulo, at sinunog niya ang mga iyon para pumailanlang mula sa altar ang usok. 14 Bukod diyan, hinugasan niya ang mga bituka at ang mga binti at sinunog ang mga iyon sa ibabaw ng handog na sinusunog para pumailanlang mula sa altar ang usok.
15 Pagkatapos, inialay niya ang handog ng bayan. Kinuha niya ang kambing na handog para sa kasalanan ng bayan, pinatay ito, at inialay bilang handog para sa kasalanan gaya ng una. 16 At inialay niya ang handog na sinusunog ayon sa itinakdang paraan.+
17 Sumunod niyang inialay ang handog na mga butil;+ kumuha siya ng sandakot nito at pinausok iyon sa ibabaw ng altar, kasama ng handog na sinusunog sa umaga.+
18 Pagkatapos, pinatay ni Aaron ang toro at ang lalaking tupa na haing pansalo-salo para sa bayan. Ibinigay sa kaniya ng mga anak niya ang dugo, at iwinisik niya iyon sa lahat ng panig ng altar.+ 19 Kung tungkol sa mga piraso ng taba ng toro,+ matabang buntot ng lalaking tupa, taba na nakapalibot sa mga laman-loob, mga bato, at lamad ng atay,+ 20 inilagay nila ang lahat ng pirasong iyon ng taba sa ibabaw ng mga dibdib, pagkatapos ay sinunog niya ang mga piraso ng taba para pumailanlang mula sa altar ang usok.+ 21 Pero ang mga dibdib at ang kanang binti ay iginalaw ni Aaron nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova, gaya ng iniutos ni Moises.+
22 Pagkatapos, humarap si Aaron sa bayan at itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila,+ at bumaba siya mula sa altar matapos ialay ang handog para sa kasalanan, handog na sinusunog, at mga haing pansalo-salo. 23 Nang dakong huli, pumasok sina Moises at Aaron sa tolda ng pagpupulong at pagkatapos ay lumabas at pinagpala ang bayan.+
At ipinakita ngayon ni Jehova ang kaluwalhatian niya sa buong bayan,+ 24 at nagpadala si Jehova ng apoy+ na nagsimulang tumupok sa handog na sinusunog at sa mga piraso ng taba na nasa ibabaw ng altar. Nang makita iyon ng buong bayan, nagsigawan* sila at sumubsob sa lupa.+