APOY
Noong panahon ng Bibliya, gaya rin sa ngayon, mahalaga ang papel na ginagampanan ng apoy sa buhay ng mga tao. Sa Bibliya, ang pagdadalisay, pagpapanday, at paghuhulma ng mga metal, pati na ang paghahanda ng pagkain at pagpapainit ng mga tahanan, at maging ang paghahandog ng mga hain at ang pagsusunog ng insenso, ay ilan sa mga gawain na espesipikong binanggit na kailangang gamitan ng apoy. Gayunman, dahil mapaminsala ang apoy kapag hindi ito nasawata, inilalarawan ito bilang isa sa apat na bagay na hindi nagsasabing: “Sapat na!” (Kaw 30:15, 16) Sa dahilan ding iyan, inihambing ni Santiago sa apoy ang dila kapag ginagamit ito sa maling paraan.—San 3:5-8; ihambing ang Kaw 16:27.
Pamilyar sa apoy ang unang lalaki at babae, sapagkat nang palayasin sila ni Jehova mula sa hardin ng Eden, naglagay siya sa S ng hardin ‘ng mga kerubin at ng nagliliyab na talim ng tabak na patuloy na umiikot.’ (Gen 3:24) Maaaring sa harap ng mga kerubin dinala ni Cain at ni Abel ang kanilang mga handog kay Jehova at, bagaman hindi tuwirang binabanggit sa Kasulatan, malamang na gumamit sila ng apoy sa paghahain ng mga iyon, o baka umasa sila na may apoy na manggagaling sa mga kerubin anupat susunugin nito ang mga hain. (Gen 4:3, 4) Sa pagpapanday naman ni Tubal-cain ng mga kasangkapang yari sa tanso at bakal, tiyak na gumamit siya ng init ng napakalakas na apoy, lalo na’t kailangan ang temperatura na 1,535° C. (2,795° F.) sa pagtunaw ng bakal. (Gen 4:22) Pagkatapos ng Baha, ang mga laryo ay niluto “sa pamamagitan ng apoy,” bagaman ang iba ay pinatuyo lamang sa araw. (Gen 11:3) Dahil mahirap magpaningas ng apoy, maliwanag na naging karaniwang kaugalian ang pagdadala ng apoy kapag lumilipat sa ibang lugar.—Gen 22:6; Isa 30:14.
Ang Kaugnayan ng Apoy sa mga Layunin ng Diyos. Nagpakita kay Moises ang anghel ni Jehova sa liyab ng apoy ng isang nagniningas na tinikang-palumpong na hindi natutupok. (Exo 3:2) Isang haliging apoy sa gabi ang umakay sa mga Israelita sa ilang, at nang maglaon ay nanatili ito sa ibabaw ng tabernakulo bilang pahiwatig ng presensiya ni Jehova. (Exo 13:21; 40:38) Noong ibinibigay naman ang Kautusan sa Israel, umusok ang Bundok Sinai dahil sa kaluwalhatian ni Jehova na namalas sa pamamagitan ng apoy.—Exo 19:18; 24:17.
Ang kaugnayan nito sa tabernakulo at sa templo. Ang apoy ay nagkaroon ng bahagi sa pagsambang isinagawa sa tabernakulo at, nang maglaon, maging sa templo. Bawat umaga at sa pagitan ng dalawang gabi, nagsusunog ng insenso ang mataas na saserdote sa ibabaw ng altar ng insenso. (Exo 30:7, 8) Kahilingan sa kautusan ng Diyos na panatilihing nagniningas ang apoy sa altar ng handog na sinusunog. (Lev 6:12, 13) Bagaman marami ang naniniwala sa tradisyonal na pangmalas ng mga Judio na ang Diyos ang makahimalang nagpaningas sa unang apoy ng altar, hindi talaga ito sinusuportahan ng Kasulatan. Ayon sa unang mga tagubilin ni Jehova kay Moises, ang mga anak ni Aaron ay “maglalagay ng apoy sa ibabaw ng altar at mag-aayos ng kahoy sa apoy” bago nila ilagay ang hain sa ibabaw ng altar. (Lev 1:7, 8) Pagkatapos na maitalaga ang Aaronikong pagkasaserdote, at samakatuwid ay pagkatapos na maihandog ang mga hain ukol sa pagtatalaga, saka lamang tinupok ng apoy na nagmula kay Jehova ang handog na nasa ibabaw noon ng altar, anupat malamang na ang apoy ay nanggaling sa ulap na nasa ibabaw ng tabernakulo. Kaya naman, nakita ang makahimalang apoy, hindi dahil pinagningas nito ang kahoy na nasa ibabaw ng altar, kundi dahil ‘tinupok nito ang handog na sinusunog at ang matatabang bahagi sa ibabaw ng altar.’ Sabihin pa, malamang na ang apoy na patuloy na nagningas sa ibabaw ng altar pagkatapos nito ay resulta kapuwa ng apoy na nagmula sa Diyos at ng apoy na dati nang nasa altar. (Lev 8:14–9:24) Gayundin, noong ialay ang templo, isang makahimalang apoy na nagmula kay Jehova ang tumupok sa mga hain karaka-raka pagkatapos ng panalangin ni Solomon.—2Cr 7:1; tingnan din ang Huk 6:21; 1Ha 18:21-39; 1Cr 21:26 para sa iba pang halimbawa ng paggamit ni Jehova ng makahimalang apoy kapag tinatanggap niya ang mga handog ng kaniyang mga lingkod.
Mga probisyon sa Kautusan hinggil sa apoy, at ang paggamit nito sa paglalapat ng kamatayan. Ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang pagpapaningas ng apoy kapag Sabbath. (Exo 35:3) Ayon sa Kautusan, kapag may kumalat na apoy at naging dahilan ito upang masunog ang bukid ng iba, ang nagpaningas ng apoy ay kailangang magbayad. (Exo 22:6) Kung may mga kasuutan o mga kagamitang yari sa balat na kinapitan ng salot na ketong at doo’y nagpapatuloy ito, dapat sunugin ang mga iyon. (Lev 13:53-58) Sa kaso ng ilang paglabag sa kautusan ng Diyos, ang mga indibiduwal ay binabato hanggang sa mamatay at pagkatapos ay sinusunog sa apoy ang kanilang mga bangkay. (Lev 20:14; 21:9; Jos 7:15, 25) Kapag nag-apostata ang isang Israelitang lunsod, ang mga tumatahan doon ay dapat patayin sa pamamagitan ng tabak, at ang lunsod at ang nasamsam doon ay dapat sunugin sa apoy.—Deu 13:12-16.
Sa pakikipagdigma nila laban sa kanilang mga kaaway, may ilang lunsod na sinilaban ng mga Israelita sa apoy. (Bil 31:10; Jos 6:24; 11:11-13) Gayundin, sinunog ang mga nililok na imahen at ang mga sagradong poste. (Deu 7:5, 25; 12:3) Kapag kumukuha naman sila noon ng samsam, pinararaan ng mga Israelita sa apoy ang mga metal, sa diwa ay iniisterilisa ang mga iyon.—Bil 31:22, 23.
Sa maraming pagkakataon, literal na apoy ang ginamit ni Jehova sa paglalapat ng kaniyang mga kahatulan laban sa mga manggagawa ng kamalian. (Bil 11:1; 16:35; 2Ha 1:10-12; Jud 7) Nang wasakin ng mga Babilonyo ang apostatang Juda at Jerusalem noong 607 B.C.E., ang galit ni Jehova ay makasagisag na ibinuhos “na parang apoy.” May kalakip na literal na apoy ang kapahayagang ito ng galit. (2Ha 25:9; Pan 2:3, 4) Noong mga araw ni Juan na Tagapagbautismo, binabalaan niya ang mga lider ng relihiyon tungkol sa isang bautismo sa apoy, na sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E. nang wasakin ng mga hukbong Romano ang lunsod at sunugin ang templo nito.—Mat 3:7-12.
Paggamit ng Apoy Niyaong mga Sumasalansang sa Kalooban ng Diyos. Gumamit din ng apoy yaong mga sumasalansang sa kalooban ng Diyos sa kanilang mga pagbabanta, malulupit na pagpatay, at mga paghahain. Pinagbantaan si Jepte ng galít na mga Efraimita: “Ang iyong bahay mismo ay susunugin naming kasama mo sa apoy.” Sa katulad na paraan, pinagbantaan ng 30 Filisteong abay na lalaki ni Samson ang babaing kaniyang pakakasalan na susunugin nila ito at ang sambahayan ng ama nito kung hindi nito makukuha kay Samson ang sagot sa isang bugtong at pagkatapos ay sasabihin iyon sa kanila. Matapos payaunin ni Samson sa nakatayong halamang butil ng mga paganong Filisteo ang 300 sorra na kinabitan niya ng nagliliyab na mga sulo, sinunog nga ng mga Filisteo ang babae at ang ama nito sa apoy. (Huk 12:1; 14:15; 15:4-6) Sa kapahintulutan ng Diyos, gumamit si Satanas na Diyablo ng apoy “mula sa langit” sa pantanging pagsubok na ipinahintulot na gawin niya kay Job.—Job 1:12, 16.
Noon, aktuwal na sinusunog sa apoy ng mga bansang tumatahan sa Canaan ang mga anak nila bilang handog sa kanilang huwad na mga diyos. Bagaman sila’y espesipikong inutusan ni Jehova na huwag itong gawin, anupat parusang kamatayan ang ilalapat sa paglabag sa utos na ito, inihain ng mga apostatang Israelita ang sarili nilang mga anak sa Libis ng Hinom. (Lev 20:2-5; Deu 12:31; 2Cr 28:1-3; Jer 7:31; 19:5) Gayunman, winakasan ng tapat na si Haring Josias ang nakapanghihilakbot na gawaing ito nang gawin niyang di-karapat-dapat sa pagsamba ang Topet sa Libis ng Hinom.—2Ha 23:10; tingnan ang MOLEC.
Makasagisag na Paggamit. Ang apoy o ang mga pananalitang may diwa ng pag-aalab, o pagniningas, ay makasagisag na iniuugnay sa pag-ibig (Sol 8:6), pagnanasa (Ro 1:27; 1Co 7:9), galit at hatol (Zef 2:2; Mal 4:1), o masidhing damdamin (Luc 24:32; 2Co 11:29). Noong naisin ni Jeremias na magpigil sa paghahayag ng salita ni Jehova, nasumpungan niyang imposibleng gawin iyon, sapagkat naging gaya ito ng nagniningas na apoy na nakukulong sa kaniyang mga buto. (Jer 20:9) Tinutukoy naman ng Kasulatan si Jehova bilang isang apoy na tumutupok dahil sa kaniyang kalinisan, kadalisayan, at paghingi ng bukod-tanging debosyon, at dahil din sa nililipol niya yaong mga sumasalansang sa kaniya. (Deu 4:24; 9:3) Ang kaniyang pag-aalab at pagngangalit ay nagniningas na parang apoy, at ang kaniyang “dila” at salita ay gaya ng apoy. (Aw 79:5; 89:46; Isa 30:27; Jer 23:29) Karagdagan pa, ginagawa niyang lumalamong apoy ang kaniyang mga anghelikong lingkod, at sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang sigasig ay lalamunin ang “lupa.”—Aw 104:1, 4; Zef 3:8; tingnan din ang Dan 7:9, 10.
Pagsubok, pagdadalisay, paglilinis. Inihahambing ang “mensahero ng tipan” sa apoy ng tagapagdalisay, samakatuwid nga, ang apoy na ginagamit sa pagdadalisay ng ginto at pilak. Kaya naman, dahil sa maapoy na pagsubok ni Jehova sa “mga anak ni Levi” sa pamamagitan ng mensahero ng tipan, sila ay lumilinis. (Mal 3:1-3; tingnan ang PAGDADALISAY, TAGAPAGDALISAY.) Naisisiwalat din ang kalidad ng isang materyales sa pamamagitan ng pagsubok dito sa apoy, gaya ng itinawag-pansin ng apostol na si Pablo noong idiniriin niya ang kahalagahan ng pagtatayo kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy.—1Co 3:10-15.
Iniuugnay ang apoy at asin sa mga haing inihandog sa templo. (Lev 2:9, 13; Eze 43:24) Ang asin ay kumakatawan sa kawalan ng kasiraan at naging sagisag ng namamalaging pagkamatapat, gaya ng masusumpungan sa pananalitang “tipan ng asin.” (2Cr 13:5) Kung gayon, ano naman ang isinasagisag ng apoy?
Tinukoy ng apostol na si Pedro ang mga pagsubok o mga pagdurusa bilang “apoy” na sumusuri sa kalidad ng pananampalataya ng isang Kristiyano. (1Pe 1:6, 7) Nang maglaon, ang pagdurusa alang-alang sa katuwiran ay inihalintulad niya sa isang panununog nang sabihin niya sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Huwag kayong magtaka sa panununog sa gitna ninyo, na nangyayari sa inyo bilang isang pagsubok, . . . kayo ay mga kabahagi sa mga pagdurusa ng Kristo, upang kayo ay makapagsaya at mag-umapaw rin sa kagalakan sa panahon ng pagkakasiwalat ng kaniyang kaluwalhatian.” (1Pe 4:12, 13) Itinawag-pansin naman ng apostol na si Pablo ang kapaki-pakinabang na epekto ng gayong pagdurusa alang-alang sa katuwiran nang sabihin niya: “Ang kapighatian ay nagbubunga ng pagbabata.” (Ro 5:3) Ang taong may-katapatan at matagumpay na nakalalampas sa isang mahirap na pagsubok ng “panununog” ay nagiging mas malakas at mas matatag bilang resulta ng kaniyang pagbabata.—Gaw 14:22; Ro 12:12.
Pagkapuksa o Pagkawasak. Noong panahon ng Bibliya, ang pinakalubusang paraan ng pagpuksa ay sa pamamagitan ng apoy. (Jos 6:24; Deu 13:16) Kaya naman may mga pagkakataong ginamit ni Jesus ang terminong “apoy” sa makatalinghagang paraan upang tumukoy sa lubusang pagkapuksa ng mga balakyot. (Mat 13:40-42, 49, 50; ihambing ang Isa 66:24; Mat 25:41.) Noong minsan, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad na huwag nilang hayaang matisod sila ng kanilang kamay, paa, o mata anupat magiging marapat silang ihagis sa Gehenna. Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Ang bawat isa ay dapat maasnan ng apoy.” Tiyak na ang ibig niyang sabihin ay na “ang bawat isa” na gagawa ng bagay na ibinabala niya ay maaasnan ng “apoy” ng Gehenna, o walang-hanggang pagkapuksa.—Mar 9:43-49; tingnan ang GEHENNA.
Isinulat ni Pedro na “ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy.” Batay sa konteksto at sa ibang mga kasulatan, maliwanag na hindi ito literal na apoy kundi tumutukoy ito sa walang-hanggang pagkapuksa. Kung paanong hindi naman pinuksa, o winasak, ng Baha noong mga araw ni Noe ang literal na mga langit at lupa, kundi ang mga taong di-makadiyos lamang, ang pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy ay hahantong sa permanenteng pagkapuksa niyaon lamang mga di-makadiyos at ng balakyot na sistema ng mga bagay na kinabibilangan nila.—2Pe 3:5-7, 10-13; 2Te 1:6-10; ihambing ang Isa 66:15, 16, 22, 24.
Ang iba pang mga halimbawa ng paggamit sa apoy upang kumatawan sa walang-hanggang pagkapuksa ay masusumpungan sa Apocalipsis at Ezekiel. Doon ay sinasabi sa atin na babalingan ng “sampung sungay” at ng “mabangis na hayop” ang Babilonyang Dakila at susunugin nila siya sa apoy. (Apo 17:16, 17) Ang pagsalakay ni Gog at ng kaniyang mga pulutong laban sa bayan ng Diyos ay pupukaw sa galit ni Jehova, anupat uulan sa kanila ang apoy at asupre. Ang nalalabing mga kagamitang pandigma ng mga sumasalakay ay gagamiting pampaningas ng mga apoy sa loob ng pitong taon. (Eze 38:19, 22; 39:6, 9, 10) Kapag pinakawalan na si Satanas sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, ang mga bansa na maghihimagsik ay lalamunin ng apoy, at ang Diyablo at lahat niyaong mga hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay ihahagis sa lawa ng apoy, na kumatawan sa ikalawang kamatayan.—Apo 20:7-10, 15; 21:8; tingnan ang HINOM, LIBIS NG; LAWA NG APOY.