Genesis
21 Binigyang-pansin ni Jehova si Sara gaya ng sinabi niya, at tinupad ni Jehova ang pangako niya.+ 2 Kaya nagdalang-tao si Sara+ at nagsilang ng isang anak na lalaki kay Abraham kahit matanda na ito, sa panahong ipinangako rito ng Diyos.+ 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa anak niya kay Sara.+ 4 At tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac walong araw matapos itong ipanganak, gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya.+ 5 Si Abraham ay 100 taóng gulang nang maging anak niya si Isaac. 6 At sinabi ni Sara: “Binigyan ako ng Diyos ng dahilan para tumawa at magsaya; tatawang kasama ko ang* lahat ng makaririnig nito.” 7 Sinabi pa niya: “Sino ang mag-iisip na magkakaanak pa* ang asawa ni Abraham na si Sara? Pero ngayon, nagkaroon ako ng anak sa kaniya kahit matanda na siya.”
8 At lumaki ang bata at inawat sa pagsuso, at naghanda si Abraham ng isang malaking salusalo nang araw na awatin si Isaac. 9 Pero laging napapansin ni Sara na si Isaac ay nilalait ng anak ni Abraham sa Ehipsiyong si Hagar.+ 10 Kaya sinabi niya kay Abraham: “Palayasin mo ang aliping babaeng ito at ang anak niya, dahil ang anak ng aliping babaeng ito ay hindi magiging tagapagmanang kasama ng anak kong si Isaac!”+ 11 Minasama ni Abraham ang sinabi ni Sara tungkol sa anak niya.+ 12 Pero sinabi ng Diyos kay Abraham: “Huwag mong masamain ang sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa iyong anak at sa iyong aliping babae. Pakinggan mo siya,* dahil kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.*+ 13 Kung tungkol sa anak ng aliping babae,+ pagmumulan din siya ng isang bansa,+ dahil anak* mo siya.”
14 Kaya maagang gumising si Abraham at kumuha ng tinapay at ng tubig na nasa lalagyang yari sa balat at ibinigay ang mga iyon kay Hagar. Ipinatong niya ang mga iyon sa balikat nito at pinaalis kasama ang anak niya.+ Kaya umalis ito at gumala-gala sa ilang ng Beer-sheba.+ 15 Nang dakong huli, naubos ang tubig sa lalagyan, at iniwan ni Hagar ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga palumpong. 16 Nagpatuloy siya sa paglalakad at umupong nag-iisa, sa layong isang hilagpos ng pana, dahil sinabi niya: “Ayokong makita kapag namatay ang anak ko.” Kaya umupo siya sa malayo at umiyak nang malakas.
17 At narinig ng Diyos ang tinig ng kabataang lalaki,+ at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi:+ “Ano ang nangyari sa iyo, Hagar? Huwag kang matakot, dahil narinig ng Diyos ang tinig ng anak mo sa kinaroroonan nito. 18 Tumayo ka, buhatin mo ang anak mo at hawakan mo siyang mabuti, dahil gagawin ko siyang isang dakilang bansa.”+ 19 At binuksan ng Diyos ang mga mata niya at nakakita siya ng isang balon ng tubig; pinuntahan niya iyon, pinuno ng tubig ang lalagyang yari sa balat, at pinainom ang anak niya. 20 At ang kabataang lalaki+ ay pinagpala ng Diyos habang lumalaki siya. Tumira siya sa ilang at naging isang mamamanà. 21 Tumira siya sa ilang ng Paran,+ at ang kaniyang ina ay kumuha ng asawa para sa kaniya mula sa Ehipto.
22 Nang panahong iyon, si Abimelec kasama si Picol na pinuno ng kaniyang hukbo ay nagsabi kay Abraham: “Sumasaiyo ang Diyos sa lahat ng ginagawa mo.+ 23 Kaya ngayon, sa harap ng Diyos ay sumumpa ka rito sa akin na hindi mo ako dadayain at ang mga anak ko at kaapo-apuhan at na magpapakita ka ng tapat na pag-ibig sa akin at sa lupain na tinitirhan mo gaya ng ipinakita ko sa iyo.”+ 24 Kaya sinabi ni Abraham: “Sumusumpa ako.”
25 Pero nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa balon ng tubig na puwersahang inagaw ng mga lingkod ni Abimelec.+ 26 Sinabi ni Abimelec: “Hindi ko alam kung sino ang gumawa nito; hindi mo ito sinabi sa akin, at ngayon ko lang ito nalaman.” 27 Kaya kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay ang mga iyon kay Abimelec, at silang dalawa ay gumawa ng isang kasunduan. 28 Nang magbukod si Abraham ng pitong babaeng kordero* mula sa kawan, 29 sinabi ni Abimelec kay Abraham: “Bakit mo ibinukod ang pitong babaeng korderong ito?” 30 Sinabi niya: “Tanggapin mo ang pitong babaeng kordero mula sa akin* bilang patotoo na ako ang humukay sa balong ito.” 31 Kaya tinawag niyang Beer-sheba* ang lugar na iyon,+ dahil doon sila sumumpa. 32 Kaya gumawa sila ng kasunduan+ sa Beer-sheba, at pagkatapos ay umalis si Abimelec kasama si Picol na pinuno ng kaniyang hukbo, at bumalik sila sa lupain ng mga Filisteo.+ 33 Pagkatapos, nagtanim siya ng isang puno ng tamarisko sa Beer-sheba, at doon ay tumawag siya sa pangalan ni Jehova,+ ang walang-hanggang Diyos.+ 34 At matagal* na nanirahan* si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.+