Unang Samuel
10 Pagkatapos, kinuha ni Samuel ang lalagyan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul.+ Hinalikan niya si Saul at sinabi: “Pinili* ka ni Jehova bilang pinuno+ ng kaniyang bayan.*+ 2 Sa paghihiwalay natin ngayon, makakakita ka ng dalawang lalaki malapit sa libingan ni Raquel+ sa teritoryo ng Benjamin sa Zelza, at sasabihin nila sa iyo, ‘Nakita na ang mga asnong hinahanap mo, pero hindi na iyon ang iniintindi ng iyong ama;+ ikaw na ang inaalala niya. Sinasabi niya: “Hindi pa bumabalik ang anak ko. Ano na ang gagawin ko?”’ 3 Mula roon, magpatuloy ka hanggang sa malaking puno ng Tabor, at doon ay may makakasalubong kang tatlong lalaki na papunta sa tunay na Diyos sa Bethel.+ Ang isa ay may dalang tatlong batang kambing, ang isa ay may dalang tatlong tinapay, at ang isa ay may dalang malaking banga ng alak. 4 Kukumustahin ka nila at bibigyan ng dalawang tinapay. Tanggapin mo ang mga iyon. 5 Pagkatapos, pumunta ka sa burol ng tunay na Diyos, kung saan may himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, may makakasalubong kang isang grupo ng mga propeta na bumababa mula sa mataas na lugar. Habang nanghuhula sila, may tumutugtog ng instrumentong de-kuwerdas, tamburin, plawta, at alpa sa unahan nila. 6 Sasaiyo ang espiritu ni Jehova,+ at manghuhula kang kasama nila at mababago ka.+ 7 Kapag nangyari na ang mga tandang ito, gawin mo ang kaya mong gawin, dahil ang tunay na Diyos ay sumasaiyo. 8 Pagkatapos, mauna ka sa akin sa Gilgal,+ at pupunta ako roon para mag-alay ng mga haing sinusunog at mga haing pansalo-salo. Maghintay ka nang pitong araw hanggang sa dumating ako. Pagkatapos, sasabihin ko sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
9 Pagtalikod ni Saul para iwan si Samuel, binago ng Diyos ang puso niya, at ang lahat ng tandang ito ay nagkatotoo nang araw na iyon. 10 Kaya mula roon, pumunta sila sa burol, at isang grupo ng mga propeta ang sumalubong sa kaniya. Agad na sumakaniya ang espiritu ng Diyos,+ at nagsimula siyang manghula+ kasama nila. 11 Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kaniya na nanghuhula siya kasama ng mga propeta, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano ang nangyari sa anak ni Kis? Propeta rin ba si Saul?” 12 At isang lalaki mula roon ang nagsabi: “Pero sino ang kanilang ama?” Kaya naging bukambibig* ng mga tao: “Propeta rin ba si Saul?”+
13 Matapos siyang manghula, pumunta siya sa mataas na lugar. 14 Nang maglaon, ang tiyo* ni Saul ay nagtanong sa kaniya at sa tagapaglingkod niya: “Saan kayo nagpunta?” Sinabi niya: “Hinanap namin ang mga asno,+ pero hindi namin makita ang mga iyon kaya pumunta kami kay Samuel.” 15 Nagtanong ang tiyo ni Saul: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi sa iyo ni Samuel.” 16 Sumagot si Saul: “Sinabi niya sa amin na nakita na ang mga asno.” Pero hindi ikinuwento ni Saul ang sinabi ni Samuel tungkol sa pagiging hari niya.
17 Pagkatapos, tinipon ni Samuel ang bayan sa harap ni Jehova sa Mizpa+ 18 at sinabi sa mga Israelita: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Ako ang naglabas sa Israel mula sa Ehipto at nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Ehipto+ at mula sa kamay ng lahat ng kaharian na nagpapahirap sa inyo. 19 Pero ngayon, itinakwil ninyo ang inyong Diyos+ na Tagapagligtas ninyo mula sa lahat ng kapahamakan at paghihirap, at sinabi ninyo: “Basta! Bigyan mo kami ng isang hari.” Ngayon, humarap kayo kay Jehova ayon sa inyong mga tribo at ayon sa inyong mga angkan.’”*
20 Kaya pinalapit ni Samuel ang lahat ng tribo ng Israel,+ at ang tribo ni Benjamin ang napili.+ 21 Pagkatapos, pinalapit niya ang bawat sambahayan sa tribo ni Benjamin, at ang sambahayan ng mga Matrita ang napili. Nang bandang huli, si Saul na anak ni Kis ang napili.+ Pero nang hanapin nila ito, hindi nila ito makita. 22 Kaya nagtanong sila kay Jehova:+ “Nandito na po ba siya?” Sumagot si Jehova: “Nagtatago siya doon sa mga dala-dalahan.” 23 Kaya tumakbo sila roon at isinama siya. Nang tumayo siya sa gitna ng bayan, mas matangkad siya* kaysa sa lahat ng iba pa sa bayan.+ 24 Sinabi ni Samuel sa buong bayan: “Nakikita ba ninyo ang pinili ni Jehova?+ Wala siyang katulad sa buong bayan.” At ang buong bayan ay sumigaw: “Mabuhay ang hari!”
25 Sinabi ni Samuel sa bayan ang magiging obligasyon nila sa hari+ at isinulat iyon sa isang aklat at inilagay iyon sa harap ni Jehova. Pagkatapos, pinauwi na ni Samuel ang buong bayan, ang bawat isa sa kani-kaniyang bahay. 26 Umuwi rin si Saul sa bahay niya sa Gibeah, kasama ang mga mandirigma na ang puso ay inantig ni Jehova. 27 Pero sinabi ng walang-kabuluhang mga lalaki: “Paano tayo ililigtas ng isang ito?”+ Kaya hinamak nila siya, at hindi sila nagdala ng anumang regalo para sa kaniya.+ Pero nanahimik lang siya.*