Isang Buháy na Salin ng Salita ng Diyos
“Ang salita ng Diyos ay buháy.”—HEB. 4:12.
1. (a) Anong atas ang ibinigay ng Diyos kay Adan? (b) Paano ginamit ng bayan ng Diyos ang kanilang kakayahang magsalita mula noon?
PINAGKALOOBAN ng Diyos na Jehova ang mga tao ng kakayahang makipagtalastasan. Sa hardin ng Eden, binigyan ng Diyos si Adan ng isang atas na may kaugnayan sa wika—pangalanan ang mga hayop. Ginamit ni Adan ang kaniyang pagkamalikhain at talino para makapagbigay ng angkop na pangalan sa bawat isa. (Gen. 2:19, 20) Mula noon, patuloy na ginamit ng bayan ng Diyos ang kanilang kakayahang magsalita—ang paggamit ng wika—para purihin si Jehova at ipaalam sa iba ang kalooban niya. Sa ngayon, ang isang importanteng paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagsasalin ng Bibliya.
2. (a) Anong mga simulain ang sinunod ng New World Bible Translation Committee sa pagsasalin ng Bibliya? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 May libo-libong salin ng Bibliya, pero ang ilan ay mas tumpak kaysa sa iba. Kaya noong dekada ng 1940, ang New World Bible Translation Committee ay nagtakda ng tatlong pangunahing simulain sa pagsasalin ng Bibliya, na sinunod sa mahigit 130 wika: (1) Pabanalin ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasauli sa tamang dako nito sa Kasulatan. (Basahin ang Mateo 6:9.) (2) Isalin nang literal ang kinasihang mensahe hangga’t posible, pero isalin ang tamang diwa kapag ang salita-por-salitang salin ay magbibigay ng maling kahulugan. (3) Gumamit ng pananalitang madaling maintindihan at masarap basahin.a (Basahin ang Nehemias 8:8, 12.) Talakayin natin ngayon kung paano ito sinunod ng New World Translation sa 2013 nirebisang edisyon at sa mga edisyon sa ibang wika.
NAGPAPARANGAL SA PANGALAN NG DIYOS
3, 4. (a) Sa anong sinaunang mga manuskrito makikita ang Tetragrammaton? (b) Ano ang ginawa ng maraming salin ng Bibliya sa pangalan ng Diyos?
3 Maraming ulit na makikita sa mga sinaunang Hebreong manuskrito ng Bibliya, tulad ng Dead Sea Scrolls, ang Tetragrammaton—ang apat na titik Hebreo na kumakatawan sa pangalan ng Diyos. Makikita rin ito sa ilang kopya ng Griegong Septuagint mula noong ikalawang siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E.
4 Sa kabila nito, marami pa ring tagapagsalin ng Bibliya ang nag-aalis ng banal na pangalan ng Diyos sa kanilang salin. Halimbawa, dalawang taon lang matapos ilabas ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures noong 1950, inilathala ang Revised Standard Version. Inalis nito ang pangalan ng Diyos, na kabaligtaran ng ginawa ng naunang American Standard Version noong 1901. Bakit? Mababasa sa paunang salita nito: “Ang paggamit ng anumang pangalang pantangi para sa iisa at tanging Diyos, [ay] hindi . . . angkop sa pangkalahatang pananampalataya ng Simbahang Kristiyano.” Ganito rin ang ginawa ng sumunod pang mga salin sa Ingles at sa ibang wika.
5. Bakit mahalagang panatilihin sa Bibliya ang pangalan ng Diyos?
5 Mahalaga pa ba kung nasa isang salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos? Alam ng isang mahusay na tagapagsalin na mahalagang maintindihan ang layunin ng awtor; tutulong ito sa mga gagawin niyang pasiya sa pagsasalin. Maraming teksto sa Bibliya ang nagpapakita na mahalaga ang pangalan ng Diyos at ang pagpapabanal dito. (Ex. 3:15; Awit 83:18; 148:13; Isa. 42:8; 43:10; Juan 17:6, 26; Gawa 15:14) Bilang Awtor ng Bibliya, kinasihan ng Diyos na Jehova ang mga manunulat nito na gamitin ang pangalan niya. (Basahin ang Ezekiel 38:23.) Ang pag-aalis sa pangalang iyon, na libo-libong ulit na lumilitaw sa sinaunang mga manuskrito, ay paglapastangan sa Awtor ng Bibliya.
6. Bakit may karagdagang anim na paglitaw ang pangalan ng Diyos sa nirebisang New World Translation?
6 May karagdagan pang ebidensiya para panatilihin ang pangalan ng Diyos sa Bibliya. Sa 2013 nirebisang edisyon ng New World Translation, makikita ang pangalan ni Jehova nang 7,216 na ulit, mas marami nang 6 na paglitaw kaysa sa 1984 edisyon. Ang limang karagdagang paglitaw ay makikita sa 1 Samuel 2:25; 6:3; 10:26; 23:14, 16. Idinagdag ang mga ito dahil ang pangalan ng Diyos ay matatagpuan sa mga tekstong iyon sa Dead Sea Scrolls, na nauna nang mahigit 1,000 taon sa Hebreong tekstong Masoretiko. Ang isa pa ay nasa Hukom 19:18, na resulta ng higit pang pag-aaral sa sinaunang mga manuskrito.
7, 8. Ano ang kahulugan ng pangalang Jehova?
7 Para sa mga tunay na Kristiyano, makahulugan ang pangalan ni Jehova. Ang apendise ng 2013 nirebisang New World Translation ay naglalaman ng bagong impormasyon sa paksang ito. Sa unawa ng New World Bible Translation Committee, ang pangalan ay nasa anyong causative ng pandiwang Hebreo na ha·wah’, na nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.”b Noon, iniuugnay ng ating mga publikasyon ang kahulugang ito sa sinasabi ng Exodo 3:14: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” Kaya naman sinabi ng 1984 edisyon na ang pangalan ay nangangahulugang “pinapangyayari niya ang kaniyang sarili na maging Tagatupad ng mga pangako.”c Pero ganito ang paliwanag sa Appendix A4 ng 2013 nirebisang edisyon: “Bagaman maaaring kasama sa kahulugan ng pangalang Jehova ang ideyang ito, hindi limitado ang kahulugan ng pangalang iyan sa mga papel na pinipili niyang gampanan. Kasama rin dito ang pinangyayari niya may kinalaman sa kaniyang mga nilalang at sa katuparan ng kaniyang layunin.”
8 Oo, pinangyayari ni Jehova ang kaniyang mga nilalang na maging anuman ayon sa naisin niya. Halimbawa, pinangyari ng Diyos si Noe na maging tagapagtayo ng arka, si Bezalel na maging bihasang manggagawa, si Gideon na maging matagumpay na mandirigma, at si Pablo na maging apostol sa mga bansa. Oo, para sa bayan ng Diyos, punong-puno ng kahulugan ang pangalan niya. At hinding-hindi hahamakin ng New World Bible Translation Committee ang pangalang iyan sa pamamagitan ng pag-aalis nito sa Bibliya.
9. Ano ang isang dahilan kung bakit ginawang priyoridad ang pagsasalin ng Bibliya sa ibang mga wika?
9 Sa mga edisyon nito sa mahigit 130 wika, pinararangalan ng New World Translation ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapanatili nito sa tamang dako sa Banal na Kasulatan. (Basahin ang Malakias 3:16.) Sa kabaligtaran, inaalis sa maraming salin ng Bibliya ang banal na pangalan at pinapalitan iyon ng mga titulong gaya ng “Panginoon” o ng pangalan ng isang lokal na diyos. Isa iyan sa mga pangunahing dahilan kung bakit ginawang priyoridad ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang paglalaan sa pinakamaraming tao hangga’t posible ng isang Bibliya na nagpaparangal sa pangalan ng Diyos.
MALINAW AT TUMPAK NA SALIN
10, 11. Anong mga hamon ang napaharap sa mga tagapagsalin ng New World Translation sa ibang mga wika?
10 Ang pagsasalin ng sagradong teksto sa maraming wika ay nagbangon ng maraming hamon. Halimbawa, tinularan noon ng New World Translation ang ginawa ng ilang Bibliyang Ingles at ginamit ang salitang Hebreo na “Sheol” sa mga talatang gaya ng Eclesiastes 9:10. Naging problema ito para sa maraming tagapagsalin sa ibang wika dahil hindi alam ng karamihan sa kanilang mga mambabasa ang salitang “Sheol.” Wala ito sa kanilang mga diksyunaryo, at parang pangalan ng isang lugar. Kaya inaprobahan na isalin ang “Sheol” at ang katumbas nito sa Griego na “Hades” bilang “the Grave” para maging malinaw at tumpak ang kahulugan nito.
11 Sa ilang wika, ang salitang Hebreo na neʹphesh at ang Griegong psy·kheʹ ay laging tinutumbasan ng terminong katulad ng sa Ingles na “soul,” at lumikha ito ng ilang kalituhan. Bakit? Ang ginamit na mga salitang katumbas ay maaaring magpahiwatig na ang “soul” ay tumutukoy sa espiritu o isang bagay na humihiwalay kapag namatay ang tao, at hindi sa tao mismo. Kaya inaprobahan na isalin ang “soul” depende sa konteksto, ayon sa mga kahulugan na dati nang ipinaliwanag sa mga apendise ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References. Oo, ginawang priyoridad na isalin ang teksto sa paraang madaling mauunawaan, at may mga teksto na nilagyan ng talababa para sa ibang posibleng salin nito at karagdagang impormasyon.
12. Ano ang ilang pagbabagong ginawa sa 2013 nirebisang edisyon ng New World Translation? (Tingnan din ang artikulong “Ang 2013 Nirebisang Edisyon ng New World Translation” sa isyung ito.)
12 Ang mga tanong ng mga tagapagsalin ay nakatulong para makita na posible ring magkaroon ng iba pang maling pagkaunawa. Kaya noong Setyembre 2007, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na rebisahin ang edisyong Ingles. Libo-libong tanong ng mga tagapagsalin ng Bibliya ang nirepaso habang ginagawa ang rebisyon. Pinalitan ang mga makalumang salitang Ingles, at sinikap na gawing malinaw at madaling maunawaan ang teksto, pero tumpak pa rin. Nakatulong sa edisyong Ingles ang pamamaraang ginamit sa ibang mga wika.—Kaw. 27:17.
LUBOS NA PINAHAHALAGAHAN
13. Ano ang naging tugon sa 2013 rebisyon?
13 Ano ang naging tugon sa nirebisang Ingles na New World Translation? Libo-libong liham ng pasasalamat ang natanggap sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Makikita sa sinabi ng isang sister ang damdamin ng marami: “Ang Bibliya ay isang kabang-yaman na nag-uumapaw sa mahahalagang hiyas. Dahil nababasa ko nang malinaw ang mga salita ni Jehova gamit ang 2013 rebisyon, para kong sinusuri ang bawat hiyas, na humahanga sa mga anggulo, linaw, kulay, at ganda ng mga ito. Simple ang pananalita ng Kasulatan, kaya natulungan akong mas makilala si Jehova, na parang isang ama na nakaakbay sa akin habang binabasahan ako ng nakaaaliw na mga salita.”
14, 15. Ano ang naging tugon sa New World Translation sa ibang mga wika?
14 Hindi lang ang nirebisang Ingles na New World Translation ang pinahahalagahan. Isang may-edad nang lalaki mula sa Sofia, Bulgaria, ang nagkomento tungkol sa edisyong Bulgarian: “Maraming taon ko nang binabasa ang Bibliya, pero ngayon lamang ako nakabasa ng isang salin na madaling maunawaan at nakaaabot sa puso.” Gayundin, pagkatanggap ng kaniyang kopya ng kumpletong New World Translation, sinabi ng isang sister na taga-Albania: “Kaysarap basahin ang Salita ng Diyos sa wikang Albaniano! Napakalaking pribilehiyo nga na marinig ang mga salita ni Jehova sa aming wika!”
15 Sa maraming lupain, napakamahal ng Bibliya at mahirap makakuha nito, kaya talagang pagpapala na magkaroon ng Bibliya. Ayon sa isang report mula sa Rwanda: “Sa mahabang panahon, maraming tinuturuan sa Bibliya ang hindi sumusulong dahil wala silang Bibliya. Hindi nila kayang bumili ng Bibliya mula sa lokal na simbahan. At madalas, hindi nila maintindihan ang kahulugan ng maraming teksto, kaya hiráp silang sumulong.” Nagbago ang sitwasyon nang ilabas ang New World Translation sa kanilang wika. Isang pamilya sa Rwanda na may apat na tin-edyer ang nagsabi: “Talagang pinapasalamatan namin si Jehova at ang tapat at maingat na alipin sa pagbibigay sa amin ng Bibliyang ito. Mahirap lang kami at hindi namin kayang bumili ng tig-iisang Bibliya. Pero ngayon, may kani-kaniyang Bibliya na kami. Bilang pasasalamat kay Jehova, binabasa namin ang Bibliya araw-araw bilang pamilya.”
16, 17. (a) Ano ang gusto ni Jehova para sa kaniyang bayan? (b) Ano ang dapat nating maging determinasyon?
16 Di-magtatagal, makukuha na ang nirebisang New World Translation sa mas maraming wika. Hinahadlangan ni Satanas ang gawaing ito, pero nagtitiwala tayo na gusto ni Jehova na marinig ng bayan niya ang kaniyang sinasabi sa pananalitang malinaw at madaling maunawaan. (Basahin ang Isaias 30:21.) Darating ang panahon na “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isa. 11:9.
17 Maging determinado nawa tayong gamitin ang bawat kaloob mula kay Jehova, kasama na ang saling ito na nagpaparangal sa pangalan niya. Hayaan mo siyang kausapin ka araw-araw sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Pinakikinggan niyang mabuti ang ating mga panalangin. Ang pakikipagtalastasang ito ay tutulong sa atin na higit pang mapalapít kay Jehova habang patuloy na lumalalim ang pag-ibig natin sa kaniya.—Juan 17:3.
a Tingnan ang Appendix A1 ng nirebisang New World Translation at ang artikulong “Paano Ka Makapipili ng Magandang Salin ng Bibliya?” sa Bantayan, Mayo 1, 2008.
b Ganito rin ang pagkaunawa ng ilang reperensiya, pero hindi lahat ng iskolar ay sang-ayon dito.
c Tingnan ang New World Translation of the Holy Scriptures—With References, Appendix 1A “The Divine Name in the Hebrew Scriptures,” p. 1561.