Unang Samuel
11 Pagkatapos, si Nahas na Ammonita+ ay nagkampo para salakayin ang Jabes+ sa Gilead. Sinabi ng lahat ng lalaki ng Jabes kay Nahas: “Gumawa tayo ng kasunduan* at maglilingkod kami sa iyo.” 2 Sinabi sa kanila ni Nahas na Ammonita: “Papayag ako sa isang kondisyon: dudukitin ang kanang mata ninyong lahat. Gagawin ko ito para ipahiya ang buong Israel.” 3 Sumagot ang matatandang lalaki ng Jabes: “Bigyan mo kami ng pitong araw na palugit para makapagpadala kami ng mga mensahero sa buong teritoryo ng Israel. Kung walang magliligtas sa amin, susuko kami sa iyo.” 4 Nang makarating ang mga mensahero sa Gibeah+ na lunsod ni Saul* at sabihin sa bayan ang tungkol sa bagay na ito, ang buong bayan ay umiyak nang malakas.
5 Pauwi noon si Saul mula sa parang, kasunod ng bakahan, at sinabi ni Saul: “Ano ang nangyayari sa mga tao? Bakit sila umiiyak?” Kaya ikinuwento nila ang mga sinabi ng mga lalaki ng Jabes. 6 Nang marinig ito ni Saul, sumakaniya ang espiritu ng Diyos,+ at nag-init siya sa galit. 7 Kaya kumuha siya ng isang pares ng toro at pinagputol-putol ang mga iyon, at ipinadala niya ang mga ito sa buong teritoryo ng Israel sa pamamagitan ng mga mensahero, na nagsasabi: “Sa sinumang hindi susunod kina Saul at Samuel, ganito ang gagawin sa mga baka niya!” At natakot kay Jehova ang bayan, kaya lumabas sila na nagkakaisa.* 8 Pagkatapos, binilang niya sila sa Bezek. Umabot sa 300,000 ang mga Israelita at 30,000 naman ang mga lalaki ng Juda. 9 Sinabi nila ngayon sa mga mensaherong dumating: “Ito ang sasabihin ninyo sa mga lalaki ng Jabes sa Gilead, ‘Bukas ng tanghali ay ligtas na kayo.’” Nang dumating sa Jabes ang mga mensahero at sabihin iyon sa mga tagaroon, nagsaya sila. 10 Kaya sinabi ng mga lalaki ng Jabes: “Susuko kami sa inyo bukas, at gawin ninyo sa amin kung ano ang gusto ninyo.”+
11 Kinabukasan, hinati ni Saul ang bayan sa tatlong grupo, at nakapasok sila sa gitna ng kampo noong oras ng pagbabantay sa umaga* at pinabagsak nila ang mga Ammonita+ hanggang sa katanghalian. Ang mga nakaligtas ay nagkawatak-watak at nagkani-kaniyang takas. 12 Pagkatapos, sinabi ng bayan kay Samuel: “Sino ang nagsasabi, ‘Si Saul ba ang maghahari sa atin?’+ Dalhin dito ang mga taong iyon, at papatayin namin sila.” 13 Pero sinabi ni Saul: “Walang sinuman ang papatayin sa araw na ito,+ dahil ngayon ay iniligtas ni Jehova ang Israel.”
14 Nang maglaon, sinabi ni Samuel sa bayan: “Pumunta tayo sa Gilgal+ para pagtibayin ang pagiging hari ni Saul.”+ 15 Kaya pumunta sa Gilgal ang buong bayan, at doon ay ginawa nilang hari si Saul sa harap ni Jehova. Pagkatapos, naghandog sila roon ng mga haing pansalo-salo sa harap ni Jehova,+ at si Saul at ang lahat ng Israelita ay nagsaya at nagdiwang.+