Unang Hari
16 Pagkatapos, dumating kay Jehu+ na anak ni Hanani+ ang mensaheng ito ni Jehova laban kay Baasa: 2 “Kinuha kita mula sa alabok para gawing pinuno ng bayan kong Israel,+ pero patuloy mong tinularan si Jeroboam at pinagkasala ang bayan kong Israel kaya nagalit ako sa kanila.+ 3 Kaya lilipulin ko si Baasa at ang sambahayan niya, at ang sambahayan niya ay gagawin kong gaya ng sambahayan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat. 4 Ang mamamatay sa lunsod mula sa sambahayan ni Baasa ay kakainin ng mga aso; at ang mamamatay sa parang mula sa sambahayan niya ay kakainin ng mga ibon sa langit.”
5 Ang iba pang nangyari kay Baasa, ang mga ginawa niya at ang mga tagumpay niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 6 Pagkatapos, si Baasa ay namatay* at inilibing sa Tirza;+ at ang anak niyang si Elah ang naging hari kapalit niya. 7 Sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, dumating ang mensahe ni Jehova laban kay Baasa at sa sambahayan niya, dahil sa lahat ng kasamaang ginawa niya na ikinagalit ni Jehova, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Jeroboam, at dahil pinatay niya siya.*+
8 Nang ika-26 na taon ni Haring Asa ng Juda, si Elah na anak ni Baasa ay naging hari sa Israel sa Tirza, at dalawang taon siyang namahala. 9 Ang lingkod niyang si Zimri, na pinuno ng kalahati ng mga hukbong gumagamit ng karwahe, ay nakipagsabuwatan laban sa kaniya habang nasa Tirza siya at nagpapakalasing sa bahay ni Arza, na nangangasiwa sa sambahayan sa Tirza. 10 Pumasok si Zimri at pinatay siya+ noong ika-27 taon ni Haring Asa ng Juda, at naging hari ito kapalit niya. 11 Pagkaupo ni Zimri sa trono bilang hari, pinatay niya ang lahat sa sambahayan ni Baasa. Wala siyang itinirang lalaki,* ito man ay kamag-anak* o kaibigan ni Baasa. 12 Nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, gaya ng sinabi ni Jehova laban kay Baasa sa pamamagitan ng propetang si Jehu.+ 13 Dahil ito sa lahat ng kasalanan ni Baasa at ng anak niyang si Elah at dahil pinagkasala nila ang Israel; ginalit nila si Jehova na Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang walang-silbing mga idolo.+ 14 Ang iba pang nangyari kay Elah, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.
15 Nang ika-27 taon ni Haring Asa ng Juda, naging hari si Zimri sa loob ng pitong araw sa Tirza habang nagkakampo ang mga sundalo laban sa Gibeton,+ na sakop ng mga Filisteo. 16 Nabalitaan ng nagkakampong mga sundalo na nakipagsabuwatan si Zimri at pinatay nito ang hari. Kaya nang araw na iyon sa kampo, si Omri+ na pinuno ng hukbo ay iniluklok ng buong Israel bilang hari nila. 17 Umalis ng Gibeton si Omri at ang lahat ng kasama niyang Israelita at pinalibutan nila ang Tirza. 18 Nang makita ni Zimri na nasakop ang lunsod, nagpunta siya sa matibay na tore ng bahay* ng hari at sinunog niya ang bahay habang nasa loob siya, at namatay siya.+ 19 Dahil ito sa mga kasalanan niya nang gawin niya ang masama sa paningin ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulad kay Jeroboam at dahil pinagkasala niya ang Israel.+ 20 Ang iba pang nangyari kay Zimri at ang pakikipagsabuwatan niya ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.
21 Noon nahati ang bayan ng Israel sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay naging mga tagasunod ni Tibni na anak ni Ginat at gusto nila siyang gawing hari, at ang isang grupo naman ay naging mga tagasunod ni Omri. 22 Pero natalo ng mga tagasunod ni Omri ang mga tagasunod ni Tibni na anak ni Ginat. Kaya namatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.
23 Nang ika-31 taon ni Haring Asa ng Juda, si Omri ay naging hari sa Israel, at namahala siya nang 12 taon. Namahala siya mula sa Tirza nang anim na taon. 24 Binili niya ang bundok ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talento* ng pilak, at nagtayo siya ng lunsod sa bundok. Pinangalanan niyang Samaria*+ ang lunsod na itinayo niya, na isinunod sa pangalan ni Semer na may-ari* ng bundok. 25 Patuloy na ginawa ni Omri ang masama sa paningin ni Jehova, at mas masahol pa siya kaysa sa lahat ng nauna sa kaniya.+ 26 Tinularan niya ang lahat ng ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at pinagkasala rin niya ang Israel at ginalit si Jehova na Diyos ng Israel nang sumamba sila sa kanilang walang-silbing mga idolo.+ 27 Ang iba pang nangyari kay Omri, ang mga ginawa niya at ang mga tagumpay niya sa labanan, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 28 Pagkatapos, si Omri ay namatay* at inilibing sa Samaria; at ang anak niyang si Ahab+ ang naging hari kapalit niya.
29 Si Ahab na anak ni Omri ay naging hari sa Israel noong ika-38 taon ni Haring Asa ng Juda, at si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel mula sa Samaria+ sa loob ng 22 taon. 30 Si Ahab na anak ni Omri ay mas masama sa paningin ni Jehova kaysa sa lahat ng nauna sa kaniya.+ 31 Hindi pa siya nasiyahan sa pagtulad sa mga kasalanan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat. Kinuha pa niya bilang asawa si Jezebel+ na anak ni Etbaal na hari ng mga Sidonio,+ at nagsimula siyang maglingkod kay Baal+ at yumukod dito. 32 Bukod diyan, nagtayo siya ng altar para kay Baal sa bahay* ni Baal+ na itinayo niya sa Samaria. 33 Gumawa rin si Ahab ng sagradong poste.*+ Mas maraming ginawang masama si Ahab para galitin si Jehova na Diyos ng Israel kumpara sa lahat ng hari sa Israel na nauna sa kaniya.
34 Noong panahon ni Ahab, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Namatay ang panganay niyang si Abiram nang itayo niya ang pundasyon nito, at namatay ang bunso niyang si Segub nang ilagay niya ang mga pintuang-daan nito, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.+