FEATURE
Ang Nahating Kaharian
MGA 120 taon lamang pagkatapos na si Saul ay maging unang hari ng Israel, ang bansa ay nahati sa dalawa. Bakit? Dahil sa pag-aapostata ni Haring Solomon. Sa pagnanais na paluguran ang kaniyang mga asawang banyaga, pinahintulutan ni Solomon na makapasok sa bansa ang talamak na idolatriya at nagtayo siya ng ‘matataas na dako’ para sa huwad na mga diyos. Ang pinagsamang pagsambang ito ay kasuklam-suklam kay Jehova. Gayunpaman, palibhasa’y tapat sa kaniyang tipan kay David, hindi pinutol ng Diyos ang Davidikong dinastiya. Sa halip, itinalaga niyang alisin sa ilalim nito ang malaking bahagi ng bansa.—1Ha 11:7-13.
Nangyari ito noong 997 B.C.E. Dahil sa mga pagkilos ng mapagmatigas na anak ni Solomon na si Rehoboam, sampung tribo ang naghimagsik at bumuo ng isang kaharian na ang kalakhang bahagi ay nasa hilaga ng lupain ngunit kasama rin dito ang nakapaloob na mga Simeonitang lunsod na nakapangalat sa buong Juda. Tanging ang mga tribo nina Benjamin at Levi ang nanatiling tapat sa timugang kaharian sa Juda.
Si Jeroboam, na unang hari ng hilagang kaharian, ay nangamba na mawala ang katapatan ng bayan sa kaniya kung patuloy na sasamba ang mga ito sa Jerusalem, kaya nagtatag siya ng sarili niyang relihiyon. Naglagay siya ng mga ginintuang guya sa Dan sa dulong hilaga at sa Bethel na 17 km (11 mi) lamang sa hilaga ng Jerusalem. Nagtalaga rin siya ng sarili niyang mga saserdote at nagtakda ng sarili niyang ‘mga banal na araw.’—1Ha 12:26-33.
Dahil dito, ang Israel ay naging isang lupaing nababahagi sa pulitika at relihiyon, isang lupain na madaling salakayin ng mga banyaga at nililigalig ng digmaang sibil. Palibhasa’y nahiwalay sa dalisay na pagsamba kay Jehova, ang sampung-tribong kaharian ay nalugmok sa moral at espirituwal na kabulukan. Gayunpaman, patuloy na isinugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta upang himukin silang magsisi.