Ikalawang Cronica
3 Pagkatapos, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng bahay ni Jehova+ sa Jerusalem sa Bundok Moria,+ kung saan nagpakita si Jehova sa ama niyang si David,+ sa lugar na inihanda ni David sa giikan ni Ornan+ na Jebusita. 2 Nagsimula siyang magtayo noong ikalawang araw ng ikalawang buwan, sa ikaapat na taon ng paghahari niya. 3 Ang pundasyong ginawa ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng tunay na Diyos ay may habang 60 siko at lapad na 20 siko,+ ayon sa dating sukat.* 4 Ang haba ng beranda sa harap ay 20 siko, gaya ng lapad ng bahay. Ang taas nito ay 20 siko;* at binalutan niya ng purong ginto ang loob nito.+ 5 Nilagyan niya ng mga kahoy na enebro ang dingding ng malaking silid.* Pagkatapos, binalutan niya ito ng purong ginto,+ at nilagyan niya ito ng mga disenyo ng puno ng palma+ at mga kadena.+ 6 Pinalamutian din niya ang bahay ng maganda at mamahaling mga bato;+ at ang gintong+ ginamit niya ay galing sa Parvaim. 7 Binalutan niya ng ginto+ ang bahay, ang mga biga, ang ilalim ng mga pinto, ang mga dingding, at ang mga pinto; at umukit siya ng mga kerubin sa mga dingding.+
8 Pagkatapos, ginawa niya ang silid* na Kabanal-banalan;+ ang haba nito ay gaya ng lapad ng bahay, 20 siko, at ang lapad nito ay 20 siko. Binalutan niya ito ng 600 talento* ng purong ginto.+ 9 Ang bigat ng ginto para sa mga pako ay 50 siklo;* at binalutan niya ng ginto ang mga silid sa bubungan.
10 Pagkatapos, gumawa siya ng dalawang estatuwang* kerubin sa silid* na Kabanal-banalan, at binalutan niya ng ginto ang mga iyon.+ 11 Ang kabuoang haba ng mga pakpak ng mga kerubin+ ay 20 siko; ang haba ng isang pakpak ng unang kerubin ay limang siko at umaabot sa dingding ng bahay, at ang haba ng isa pa nitong pakpak ay limang siko at umaabot sa isa sa mga pakpak ng ikalawang kerubin. 12 At ang haba ng isang pakpak ng ikalawang kerubin ay limang siko at umaabot sa kabilang dingding ng bahay, at ang haba ng isa pa nitong pakpak ay limang siko at umaabot sa isa sa mga pakpak ng unang kerubin. 13 Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay nakaunat nang 20 siko; nakatayo ang mga ito at nakaharap sa loob.*
14 Gumawa rin siya ng kurtina+ na gawa sa asul na sinulid, purpurang lana, sinulid na krimson,* at magandang klase ng tela, at nilagyan niya ito ng mga disenyong kerubin.+
15 Pagkatapos, gumawa siya sa harap ng bahay ng dalawang haligi,+ 35 siko ang haba, at ang kapital na nasa ibabaw ng bawat haligi ay limang siko.+ 16 At gumawa siya ng mga kadena, na parang mga kuwintas, at inilagay ang mga iyon sa ibabaw ng mga haligi, at gumawa siya ng 100 palamuting granada* at inilagay ang mga iyon sa mga kadena. 17 Itinayo niya ang mga haligi sa harap ng templo, ang isa ay sa kanan* at ang isa ay sa kaliwa;* tinawag niyang Jakin* ang nasa kanan at Boaz* ang nasa kaliwa.