HIYAS AT MAHAHALAGANG BATO
Ang isang hiyas ay maaaring isang mahalagang bato, isang batong hiyas (batong mahalaga o batong di-gaanong mamahalin na tinabas at pinakintab), o isang kagamitang pampalamuti na yari sa mahalagang metal (pangunahin nang ginto o pilak) na nilagyan ng gayong mga bato. Mula pa noong sinaunang panahon ng Bibliya, kapuwa ang mga lalaki at ang mga babae ay nagsusuot ng mga hiyas upang gayakan ang kanilang sarili. Sa ngayon, tanging diamante, esmeralda, rubi, at safiro ang itinuturing na mahahalagang bato, samantalang ang iba pang mga batong bibihira at magaganda ay minamalas na di-gaanong mamahalin. Gayunman, ang terminong Hebreo na isinasaling “mahalagang bato” ay may mas malawak na pagkakapit, gaya ng makikita sa Ezekiel 28:12, 13. Ang mahahalagang batong ito ay itinatangi sa iba pang mga mineral pangunahin nang dahil ang mga ito ay bibihira, magaganda, at matitibay.
Ang unang pagtukoy ng Bibliya sa isang mahalagang bato ay nasa Genesis 2:11, 12, kung saan ang Havila ay ipinakikilala bilang lupain na may mabuting ginto, ‘sahing ng bedelio at batong onix.’
Ang isang sukatan noon ng kayamanan ay ang pagmamay-ari ng mahahalagang bato; lumilitaw na ang mga haring gaya nina Solomon at Hezekias ay nagkaroon ng napakarami nito. (1Ha 10:11; 2Cr 9:10; 32:27) Ang mahahalagang bato ay ibinigay bilang mga kaloob (1Ha 10:2, 10; 2Cr 9:1, 9), maaaring maging bahagi ng samsam sa digmaan (2Sa 12:29, 30; 1Cr 20:2), at ginamit bilang mga kalakal, gaya ng ginawa noon ng sinaunang mga taga-Tiro (Eze 27:16, 22). Sa isang kinasihang panambitan may kinalaman sa “hari ng Tiro,” sinabi ni Ezekiel: “Ang bawat mahalagang bato ay iyong pananamit, rubi, topacio at jaspe; crisolito, onix at jade; safiro, turkesa at esmeralda; at ginto ang kayarian ng iyong mga enggaste at ng iyong mga ukit sa iyo.” (Eze 28:12, 13) Ang makasagisag na Babilonyang Dakila ay inilalarawang may-karangyaang nagagayakan ng mahahalagang bato.—Apo 17:3-5; 18:11-17.
Bagaman binibilog at pinakikintab ng sinaunang mga tao ang mahahalagang bato, waring karaniwan nang hindi nila nilalagyan ng mga kanto o mga lapád na gilid ang mga iyon, gaya ng ginagawa ng mga bihasang manggagawa sa makabagong panahon. Batong esmeril (corundum) o pulbos ng esmeril ang ginamit ng mga Hebreo at ng mga Ehipsiyo upang pakintabin ang mahahalagang bato. Kadalasan ay inuukitan at nilililukan ang mga ito. Lumilitaw na matagal nang alam ng mga Hebreo kung paano maglilok ng mahahalagang bato bago pa man sila inalipin sa Ehipto, kung saan isa ring sining ang paglililok. Maliwanag na ang singsing na pantatak ni Juda ay may lilok. (Gen 38:18) Para sa higit pang pagtalakay sa sinaunang mga alahas at mga palamuti, tingnan ang ABALORYO, MGA; ALPILER; HIKAW; KUWINTAS; PALAMUTI; PULSERAS; PULSERAS SA BUKUNG-BUKONG; SINGSING; SINGSING NA PANG-ILONG.
Mga Paggamit na Kaugnay ng Pagsamba. Sa ilang, ang mga Israelita ay nagkapribilehiyong mag-abuloy ng iba’t ibang mahahalagang bagay para sa tabernakulo at sa epod at pektoral ng mataas na saserdote, anupat walang alinlangang nag-abuloy sila mula sa mga kagamitang ibinigay sa kanila ng mga Ehipsiyo noong pagmadaliin silang umalis ng mga ito. (Exo 12:35, 36) Kabilang sa mga iyon ang “mga batong onix at mga batong pangkalupkop para sa epod at para sa pektoral.” (Exo 25:1-7; 35:5, 9, 27) Ang epod ng mataas na saserdote ay may dalawang batong onix sa mga dugtungang pambalikat, at sa bawat bato ay nakaukit ang mga pangalan ng 6 sa 12 tribo ng Israel. “Ang pektoral ng paghatol” ay pinalamutian ng apat na hanay ng mahahalagang bato, anupat sinasabi ng ulat: “Hanay ng rubi, topacio at esmeralda ang unang hanay. At ang ikalawang hanay ay turkesa, safiro at jaspe. At ang ikatlong hanay ay batong lesem, agata at amatista. At ang ikaapat na hanay ay crisolito at onix at jade. Ang mga iyon ay inilagay sa mga enggasteng ginto sa mga lalagyan ng mga ito.” Ang pangalan ng isa sa 12 tribo ng Israel ay nakaukit sa bawat isa sa mga batong ito.—Exo 39:6-14; 28:9-21; tingnan ang PEKTORAL.
Bagaman hindi pinahintulutan ni Jehova si David na magtayo ng templo sa Jerusalem (1Cr 22:6-10), ang matanda nang hari ay may-kagalakang naghanda ng mahahalagang materyales para sa pagtatayo nito, kasama na ang “mga batong onix, at mga batong ikakalupkop sa pamamagitan ng matigas na argamasa, at maliliit na batong mosayko, at bawat mahalagang bato, at mga batong alabastro na pagkarami-rami.” Nag-abuloy siya ng napakaraming materyales, at ang buong bayan ay nag-abuloy rin. (1Cr 29:2-9) Nang itayo ni Solomon ang templo, “ang bahay ay kinalupkupan niya ng mahalagang bato bilang pampaganda,” o pinalamutian niya iyon ng mahahalagang bato.—2Cr 3:6.
Makasagisag na Paggamit. Ang apostol na si Pablo, pagkatapos niyang ipakilala si Jesu-Kristo bilang ang pundasyon na dapat pagtayuan ng mga Kristiyano, ay bumanggit ng iba’t ibang uri ng materyales sa pagtatayo may kaugnayan sa ministeryong Kristiyano. Sinabi niya na kabilang sa mga piling materyales ang makasagisag na “mahahalagang bato” na nakatatagal sa puwersa ng “apoy.”—1Co 3:10-15.
Kung minsan, ang mahahalagang bato ay ginagamit sa Kasulatan upang sumagisag sa mga katangian ng makalangit o espirituwal na mga bagay o mga persona. Ang langit ay nabuksan para kay Ezekiel, at sa dalawang pangitain ay nakakita siya ng apat na nilalang na buháy na may mga pakpak at may kasamang apat na gulong, anupat ang anyo ng bawat gulong ay inihahalintulad sa “kisap ng crisolito,” samakatuwid nga, manilaw-nilaw o posibleng maberde-berde. (Eze 1:1-6, 15, 16; 10:9) Nang maglaon, nakakita si Daniel ng isang anghel, “isang lalaking nadaramtan ng lino,” na ang “katawan ay gaya ng crisolito.”—Dan 10:1, 4-6.
Si Ezekiel din, habang minamasdan niya ang isang pangitain ng kaluwalhatian ni Jehova, ay nakakita ng isang “anyong gaya ng batong safiro [matingkad na asul], na wangis ng isang trono.” (Eze 1:25-28; 10:1) Ang kaluwalhatian ng Diyos na Jehova mismo ay inihahalintulad sa maningning na kagandahan ng mga batong hiyas, sapagkat nang makita ng apostol na si Juan ang makalangit na trono ng Diyos, sinabi niya: “Ang nakaupo, sa kaanyuan, ay tulad ng batong jaspe at ng mahalagang kulay-pulang bato, at sa palibot ng trono ay may isang bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan.”—Apo 4:1-3, 9-11.
“Ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem,” samakatuwid nga, “ang asawa ng Kordero,” ay inilalarawang may kaningningang “tulad ng isang napakahalagang bato, gaya ng batong jaspe na kumikinang na sinlinaw ng kristal.” Ang 12 pundasyon ng pader nito ay “nagagayakan ng bawat uri ng mahalagang bato,” isang naiibang bato para sa bawat pundasyon: jaspe, safiro, calcedonia, esmeralda, sardonica, sardio, crisolito, berilo, topacio, crisopasio, jacinto, at amatista. Ang 12 pintuang-daan ng lunsod ay 12 perlas.—Apo 21:2, 9-21; tingnan ang KORALES at ang iba’t ibang artikulo tungkol sa indibiduwal na uri ng mahahalagang bato.