Ayon kay Lucas
5 Sa isang pagkakataon, sinisiksik ng maraming tao si Jesus habang nakikinig sila sa pagtuturo niya ng salita ng Diyos sa tabi ng lawa ng Genesaret.+ 2 At may nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa, pero nakababa na ang mga mangingisda at naghuhugas ng mga lambat nila.+ 3 Sumakay siya sa bangka na pag-aari ni Simon, at sinabi niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa pampang. Pagkatapos, umupo siya at nagturo sa mga tao mula sa bangka. 4 Nang matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumunta ka sa malalim, at ibaba ninyo ang inyong mga lambat para makahuli.” 5 Sumagot si Simon: “Guro, magdamag kaming nangisda pero wala kaming nahuli.+ Pero dahil sa sinabi mo, ibababa ko ang mga lambat.” 6 Nang gawin nila ito, napakarami nilang nahuling isda. Ang totoo, nagsimulang mapunit ang kanilang mga lambat.+ 7 Kaya sinenyasan nila ang mga kasamahan nila sa isa pang bangka para tulungan sila. Pumunta ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, kaya nagsimulang lumubog ang mga ito. 8 Nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa harap ni Jesus at sinabi niya: “Panginoon, lumayo ka sa akin dahil makasalanan ako.” 9 Nasabi niya iyon dahil siya at ang mga kasama niya ay manghang-mangha sa dami ng nahuli nilang isda, 10 gayundin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan,+ na mga kasosyo ni Simon. Pero sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag ka nang matakot. Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.”+ 11 Kaya ibinalik nila sa lupa ang mga bangka at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.+
12 Minsan, habang si Jesus ay nasa isa sa mga lunsod, nakita siya ng isang lalaking punô ng ketong. Sumubsob ito at nagmakaawa: “Panginoon, kung gugustuhin mo lang, mapagagaling* mo ako.”+ 13 Kaya hinipo niya siya at sinabi: “Gusto ko! Gumaling ka.” Nawala agad ang ketong ng lalaki.+ 14 Pagkatapos, inutusan niya ang lalaki na huwag itong sabihin kahit kanino.+ At sinabi niya: “Humarap ka sa saserdote at maghain para sa paglilinis sa iyo, gaya ng iniutos ni Moises,+ para makita nila* na gumaling ka na.”+ 15 Gayunman, patuloy na kumalat ang balita tungkol sa kaniya, at napakaraming tao ang nagtitipon para makinig sa kaniya at para mapagaling ang mga sakit nila.+ 16 Pero madalas siyang pumunta sa liblib na mga lugar para manalangin.
17 Isang araw habang nagtuturo siya, ang mga Pariseo at mga guro ng Kautusan mula sa bawat nayon ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem ay nakaupo rin doon; at sumakaniya ang kapangyarihan ni Jehova para makapagpagaling siya.+ 18 At may dumating na mga lalaking buhat ang isang paralitiko na nasa higaan, at sinisikap nilang makapasok at mailapit siya kay Jesus.+ 19 Pero nahihirapan silang maipasok siya dahil sa dami ng tao, kaya umakyat sila sa bubong, inalis ang mga tisa nito, at ibinaba ang higaan ng lalaki sa gitna ng mga tao, sa harap ni Jesus. 20 Nang makita niya ang pananampalataya nila, sinabi niya: “Lalaki, pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 21 Kaya nag-usap-usap ang mga eskriba at mga Pariseo. Sinasabi nila: “Sino ang taong ito na namumusong?* Sino ang maaaring magpatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”+ 22 Pero dahil alam ni Jesus kung ano ang tumatakbo sa isip nila, sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng ganiyan? 23 Alin ba ang mas madali, ang sabihing ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at lumakad’? 24 Pero para malaman ninyo na ang Anak ng tao ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—” sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.”+ 25 At bumangon siya sa harap nila, binuhat ang higaan niya, at umuwi na pinupuri ang Diyos. 26 Manghang-mangha ang lahat,+ at pinuri nila ang Diyos, at sinasabi nila: “Nakakita kami ngayon ng kahanga-hangang mga bagay!”
27 Pagkatapos nito, lumabas siya at nakita ang maniningil ng buwis na si Levi na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito: “Maging tagasunod kita.”+ 28 Kaya tumayo si Levi, iniwan ang lahat ng bagay, at sumunod sa kaniya.+ 29 Pagkatapos, naghanda si Levi ng isang malaking salusalo sa bahay niya para kay Jesus, at maraming maniningil ng buwis at iba pa ang kumakaing kasama nila.+ 30 Dahil dito, nagbulong-bulungan ang mga Pariseo at mga eskriba nila at sinabi sa mga alagad niya: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”+ 31 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.+ 32 Dumating ako hindi para tawagin ang mga matuwid, kundi para akayin sa pagsisisi ang mga makasalanan.”+
33 Sinabi nila sa kaniya: “Ang mga alagad ni Juan ay madalas mag-ayuno at manalangin nang marubdob,* pati na ang mga alagad ng mga Pariseo, pero ang mga alagad mo ay kumakain at umiinom.”+ 34 Sinabi ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal hangga’t kasama nila ang lalaking ikakasal, hindi ba? 35 Pero darating ang panahon na kukunin nga sa kanila ang lalaking ikakasal,+ at sa panahong iyon sila mag-aayuno.”+
36 Nagbigay rin siya ng isang ilustrasyon sa kanila: “Walang sinuman ang gumugupit ng panagpi mula sa isang bagong damit at itinatahi ito sa isang lumang damit. Kung gagawin ito ng isa, matatastas ang panagpi; isa pa, hindi rin ito babagay sa luma.+ 37 Wala ring taong naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa niya ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang balat, matatapon ang alak, at masisira ang sisidlang balat. 38 Kaya sa bagong sisidlang balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Kung nakatikim na ng lumang alak* ang isang tao, hindi na niya gugustuhing uminom ng bago, dahil sasabihin niya, ‘Masarap ang luma.’”