Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Pagkatawag kay Mateo
DI-NAGTAGAL pagkatapos pagalingin ang lumpo, si Jesus ay lumabas sa Capernaum at naparoon sa tabi ng Dagat ng Galilea. Muli na namang lumapit sa kaniya roon ang lubhang karamihan ng mga tao at kaniyang sinimulang turuan sila. Sa kaniyang paglalakad ay namataan niya si Mateo na tinatawag ding Levi, nakaupo sa tanggapan ng buwis. “Sumunod ka sa akin,” ang paanyaya ni Jesus.
Malamang, hindi na bago kay Mateo ang mga turo ni Jesus, gaya rin kina Pedro, Andres, Santiago, at Juan nang sila’y tawagin. At gaya nila, si Mateo ay agad tumugon sa paanyaya. Siya’y tumindig, iniwan ang kaniyang pananagutan bilang isang maniningil ng buwis, at sumunod kay Jesus.
Nang magtagal, marahil upang ipagdiwang ang pagkatawag sa kaniya, si Mateo ay gumawa ng malaking handaan sa kaniyang bahay. Bukod kay Jesus at sa Kaniyang mga alagad, naroon din ang mga dating kasama ni Mateo. Ang mga taong ito ay karaniwan nang hinahamak-hamak ng kanilang mga kapuwa Judio dahilan sa sila’y naniningil ng buwis para sa mga kinapopootang pinunong Romano. At, kadalasa’y nangingikil sila ng higit pang salapi sa mga mamamayan bukod doon sa kinukulektang buwis.
Nang si Jesus ay makita ng mga Fariseo na nakikisalo sa gayong mga tao, sila’y nagtanong sa kaniyang mga alagad. Bakit ba ang inyong guro ay nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan? Naulinigan ni Jesus ang tanong, kaya sumagot siya: “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ngunit ang mga may sakit ay nangangailangan nito. Kung gayon, humayo kayo at alamin kung ano ang ibig sabihin nito, ‘Ang ibig ko’y awa, at hindi hain.’ Sapagkat ako’y naparito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.”—Mateo 9:11, 12.
Maliwanag, inanyayahan ni Mateo ang mga maniningil na ito ng buwis upang sila’y makapakinig kay Jesus at mapagaling sa espirituwal. Kayat si Jesus ay nakisama sa kanila upang tulungan sila na magtamo ng isang mahusay na kaugnayan sa Diyos. Hindi hinamak-hamak ni Jesus ang gayong mga tao, gaya ng ginagawa ng matuwid-sa-sarili na mga Fariseo. Bagkus, palibhasa’y naaawa siya sa kanila, siya’y nagsilbing isang espirituwal na manggagamot sa kanila.
Ang pagkaawa ni Jesus sa mga makasalanan ay hindi pagkikibit-balikat sa kanilang mga kasalanan kundi isang kapahayagan ng ganoon ding awa na ipinakita niya sa mga may pisikal na sakit. Halimbawa, alalahanin nang kaniyang iunat ang kaniyang kamay at mahabaging hinipo ang ketongin, na ang sabi: “Ibig ko. Luminis ka.” Tayo sana ay magpakita rin ng awa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taong nasa pangangailangan, lalo na sa espirituwal na paraan. Mateo 8:3; 9:9-13; Marcos 2:13-17; Lucas 5:27-32.
◆ Saan naroon si Jesus nang makita niya si Mateo?
◆ Ano ang hanapbuhay ni Mateo, at bakit ang gayong mga tao ay hinahamak-hamak ng mga ibang Judio?
◆ Ano ang reklamo laban kay Jesus, at paano siya tumugon?
◆ Bakit si Jesus ay nakikisama sa mga makasalanan?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 9]