Ezra
4 Nang marinig ng mga kalaban ng Juda at Benjamin+ na ang mga bumalik mula sa pagkatapon+ ay nagtatayo ng templo para kay Jehova na Diyos ng Israel, 2 lumapit sila agad kay Zerubabel at sa mga ulo ng mga angkan at nagsabi: “Sasama kami sa pagtatayo; dahil sinasamba* rin namin ang Diyos ninyo+ at naghahandog kami sa kaniya mula pa noong panahon ni Haring Esar-hadon+ ng Asirya, na nagdala sa amin dito.”+ 3 Pero si Zerubabel at si Jesua at ang iba pa sa mga ulo ng mga angkan ng Israel ay nagsabi: “Wala kayong karapatang sumama sa amin sa pagtatayo ng bahay para sa Diyos namin.+ Kami lang ang magtatayo nito para kay Jehova na Diyos ng Israel, gaya ng iniutos ni Haring Ciro ng Persia.”+
4 Kaya sinikap ng mga tao sa nakapalibot na mga lupain na pahinain ang loob* ng mga Judio para mapatigil sila sa pagtatayo.+ 5 Umupa sila ng mga tagapayo para sirain ang plano ng mga Judio+ sa buong panahon ni Haring Ciro ng Persia hanggang sa pamamahala ni Haring Dario+ ng Persia. 6 Sa pasimula ng paghahari ni Ahasuero, sumulat sila ng akusasyon laban sa mga nakatira sa Juda at Jerusalem. 7 At noong panahon ni Haring Artajerjes ng Persia, si Bislam, si Mitredat, si Tabeel, at ang iba pa niyang kasamahan ay sumulat kay Haring Artajerjes; isinalin nila ang sulat sa wikang Aramaiko,+ gamit ang mga titik na Aramaiko.*
8 * Si Rehum na punong opisyal ng pamahalaan at si Simsai na eskriba ay sumulat kay Haring Artajerjes ng isang liham laban sa Jerusalem. Ganito ang nilalaman: 9 (Galing ito kay Rehum na punong opisyal ng pamahalaan at kay Simsai na eskriba at sa iba pa nilang kasamahan; sa mga hukom at sa nakabababang mga gobernador; sa mga kalihim; sa mga taga-Erec;+ sa mga Babilonyo; sa mga taga-Susa,+ na mga Elamita;+ 10 at sa iba pa sa mga bayang ipinatapon ng dakila at kagalang-galang na si Asenapar at pinatira sa mga lunsod ng Samaria;+ at sa iba pa sa rehiyon sa kabila ng Ilog.* 11 Ito ngayon ang kopya ng ipinadala nilang liham.)
“Kay Haring Artajerjes, mula sa iyong mga lingkod sa rehiyon sa kabila ng Ilog: 12 Ipinaaalam po namin sa hari na ang mga Judiong galing sa inyong lugar na nagpunta rito sa amin ay nakarating na sa Jerusalem. Itinatayo nilang muli ang mapagrebelde at napakasamang lunsod; ginagawa nila ang mga pader+ at kinukumpuni ang mga pundasyon. 13 Dapat din pong malaman ng hari na kung ang lunsod na ito ay maitayong muli at matapos ang mga pader nito, hindi na sila magbabayad ng anumang buwis,*+ at malaki ang mawawala sa kabang-yaman ng kaharian. 14 Dahil ang palasyo ang nagpapasuweldo sa amin,* at ayaw naming makitang naaagrabyado ang hari, ipinadala namin ang mensaheng ito sa hari 15 para masuri ang aklat ng kasaysayan ng inyong mga ninuno.+ Makikita ninyo sa aklat ng kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapagrebelde at mapaminsala sa mga hari at sa mga nasasakupang distrito, at na nasa lunsod na ito ang mga pasimuno ng mga paghihimagsik noon pa man. Kaya nga po winasak ang lunsod na ito.+ 16 Ipinaaalam namin sa hari na kung ang lunsod na ito ay maitatayong muli at ang mga pader nito ay matatapos, mawawalan kayo ng teritoryo* sa kabila ng Ilog.”+
17 Ang hari ay nagpadala ng mensahe kay Rehum na punong opisyal ng pamahalaan at kay Simsai na eskriba at sa iba pa nilang kasamahan na taga-Samaria at sa iba pa na nakatira sa rehiyon sa kabila ng Ilog:
“Sumainyo ang kapayapaan! 18 Ang opisyal na dokumentong ipinadala ninyo ay binasa* nang malinaw sa akin. 19 Ipinag-utos ko ang isang imbestigasyon at natuklasang ang lunsod ay lumalaban sa mga hari noon pa man, at may nangyaring mga rebelyon doon.+ 20 Nagkaroon ng makapangyarihang mga hari sa Jerusalem na namahala sa buong rehiyon sa kabila ng Ilog, at binabayaran sila ng mga buwis.* 21 Ipag-utos ninyo ngayon na itigil ng mga lalaking ito ang paggawa, para hindi maitayong muli ang lunsod hangga’t wala pa akong inilalabas na utos. 22 Asikasuhin ninyo ito agad para hindi na madagdagan ang pinsala sa hari.”+
23 Nang ang kopya ng opisyal na dokumento ni Haring Artajerjes ay mabasa sa harap ni Rehum at ni Simsai na eskriba at ng mga kasamahan nila, agad silang pumunta sa Jerusalem para puwersahang patigilin ang mga Judio. 24 Kaya nahinto ang pagtatayo sa bahay ng Diyos sa Jerusalem hanggang sa ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario ng Persia.+