PERSIA, MGA PERSIANO
Isang lupain at ang mga tao na laging binabanggit kasama ng mga Medo, kapuwa sa Bibliya at sa sekular na kasaysayan. Maliwanag na ang mga Medo at mga Persiano ay magkamag-anak na mga bayan ng sinaunang mga tribong Aryano (Indo-Iraniano), at samakatuwid, ang mga Persiano ay mga inapo ni Japet, marahil sa pamamagitan ni Madai, na ninuno rin ng mga Medo. (Gen 10:2) Sa isang inskripsiyon, tinatawag ni Dariong Dakila ang kaniyang sarili na “isang Persiano, anak ng isang Persiano, isang Aryano, mula sa binhing Aryano.”—History of the Persian Empire, ni A. Olmstead, 1948, p. 123.
Binabanggit ng mga inskripsiyong Asiryano na kaugnay ng panahon ni Salmaneser III (maliwanag na kapanahon ni Jehu ng Israel) ang isang pagsalakay ng Media at ang pagtanggap ng tributo mula sa mga hari ng “Parsua,” isang rehiyon na lumilitaw na nasa gawing K ng Lawa ng Urmia at kahangga ng Asirya. Itinuturing ng maraming iskolar na ang “Parsua” ay isang pangalan na ikinakapit noon sa lupain ng mga Persiano, bagaman iniuugnay ito ng iba sa mga Parto. Gayunpaman, sa mas huling mga inskripsiyon, ang mga Persiano ay tinutukoy na nasa mas dako pang T at namamayan sa “Parsa” sa dakong TS ng Elam sa lugar na ngayon ay probinsiya ng Fars sa makabagong Iran. Ang Anshan, isang distrito o lunsod na kahangga ng Elam at dating nasa loob ng nasasakupan nito, ay pinanirahan din ng mga Persiano.
Sa gayon, sa kanilang mas maagang kasaysayan, waring ang sakop lamang ng mga Persiano ay ang timog-kanlurang bahagi ng malawak ng talampas ng Iran, anupat ang kanilang mga hangganan ay ang Elam at Media sa HK, ang Parthia sa H, ang Carmania sa S, at ang Gulpo ng Persia sa T at TK. Maliban sa mainit at maumidong mga baybaying lupain ng Gulpo ng Persia, ang lupain ay pangunahin nang binubuo ng timugang bahagi ng baku-bakong Kabundukan ng Zagros, na may pagi-pagitang mahahaba at matatabang libis na may magubat na mga dalisdis. Katamtaman ang klima sa mga libis, ngunit sa mas matataas at matalampas na mga rehiyon, ang tigang at mahanging mga lupain ay nakararanas ng matinding ginaw sa mga buwan ng taglamig. Tulad ng mga Medo, lumilitaw na ang mga Persiano ay nag-alaga rin ng maraming hayop, gayundin ng kinakailangang pananim, at ipinagmalaki ng Persianong si Haring Dariong Dakila na ang kaniyang tinubuang lupain ay “maganda at sagana sa mga kabayo at mga tao.”—Encyclopædia Britannica, 1959, Tomo 17, p. 603.
Palibhasa noong una ay namumuhay sila nang napakasimple at kadalasa’y nagpapagala-gala, ang mga Persiano ay naging napakahilig sa karangyaan at mararangyang kapaligiran noong kapanahunan ng imperyo. (Ihambing ang Es 1:3-7; gayundin ang kasuutang ibinigay kay Mardokeo, 8:15.) Sa mga eskultura sa Persepolis, inilalarawan ang mga Persiano na nakabihis ng maluluwag at mahahabang damit na hanggang bukung-bukong, may pamigkis sa baywang, at nakasuot ng mga sapatos na mababa ang sintas. Sa kabaligtaran, ang mga Medo ay ipinakikitang nakasuot ng hapít na damit na may mahahabang manggas at laylayan na hanggang tuhod. (LARAWAN, Tomo 2, p. 328) Lumilitaw na kapuwa ang mga Persiano at mga Medo ay nagsuot ng pantalon; ang mga kawal na Persiano ay ipinakikitang nakasuot ng pantalon at tunikang may manggas sa ibabaw ng baluting may mga kaliskis na bakal. Sila ay mga bihasang mangangabayo, at mahalagang papel ang ginampanan ng mga kabalyero sa kanilang estratehiya sa pakikipagdigma.
Ang wikang Persiano ay itinuturing na kabilang sa pamilyang Indo-Europeo at makikitang nauugnay sa Indian Sanskrit. Sa di-matukoy na panahon sa kanilang kasaysayan, sinimulang gamitin ng mga Persiano ang cuneiform na istilo ng pagsulat, na di-hamak na mas kaunti ang mga sagisag kung ihahambing sa daan-daang sagisag na ginamit sa Babilonyo at Asiryanong cuneiform na pagsulat. Bagaman noong panahon ng pamamahala ng Imperyo ng Persia ay matatagpuan ang ilang inskripsiyon sa Matandang Persiano kasama ng salin sa Akkadiano at sa isang wika na karaniwang tinatawag na “Elamita” o “Susiano,” ang opisyal na mga dokumentong ginamit sa pangangasiwa sa mga teritoryo ng imperyo ay pangunahin nang isinulat sa Aramaiko bilang isang internasyonal na wika.—Ezr 4:7.
Pag-unlad ng Imperyo ng Medo-Persia. (MAPA, Tomo 2, p. 327) Tulad ng mga Medo, waring ang mga Persiano ay pinamahalaan ng ilang maharlikang pamilya. Isa sa mga pamilyang ito ang pinagmulan ng Achaemenianong dinastiya ng mga hari, ang maharlikang linya na pinanggalingan ng tagapagtatag ng Imperyo ng Persia, si Cirong Dakila. Si Ciro, na ayon kina Herodotus at Xenophon ay may amang Persiano at inang Mediano, ang nagbuklod sa mga Persiano sa ilalim ng kaniyang pangunguna. (Herodotus, I, 107, 108; Cyropaedia, I, ii, 1) Hanggang noong panahong iyon, ang mga Medo ang nangingibabaw sa mga Persiano, ngunit mabilis na nagtagumpay si Ciro laban sa Medianong si Haring Astyages at nabihag ang kabiserang lunsod nito ng Ecbatana (550 B.C.E.). (Ihambing ang Dan 8:3, 20.) Sa gayon, ang Imperyo ng Media ay sumailalim sa kontrol ng mga Persiano.
Bagaman ang mga Medo ay patuloy na napailalim sa mga Persiano sa natitirang panahon ng Achaemenianong dinastiya, walang alinlangan na sila’y naging isang tambalang imperyo. Kaya naman ang aklat na History of the Persian Empire (p. 37) ay nagsabi: “Hindi kailanman nakalimutan ang malapit na ugnayan sa pagitan ng mga Persiano at mga Medo. Ang sinamsamang Ecbatana ay nanatiling isang paboritong tirahan ng mga maharlika. Pinarangalan ang mga Medo bilang kapantay ng mga Persiano; ginamit sila sa matataas na katungkulan at pinili upang manguna sa mga hukbong Persiano. Karaniwan nang ang sinasabi ng mga banyaga ay mga Medo at mga Persiano; kapag iisang termino ang ginamit nila, sinasabi nilang ‘ang Medo.’”
Sa ilalim ni Ciro, ang Imperyo ng Medo-Persia ay lumawak pa sa K, anupat umabot hanggang sa Dagat Aegeano dahil sa tagumpay ng Persia laban kay Haring Croesus ng Lydia at sa panunupil sa ilang baybaying lunsod ng Gresya. Gayunman, ang kaniyang pangunahing tagumpay ay naganap noong 539 B.C.E. nang makuha ni Ciro, na nangunguna sa pinagsama-samang mga hukbo ng mga Medo, mga Persiano, at mga Elamita, ang makapangyarihang Babilonya, bilang katuparan ng mga hula sa Bibliya. (Isa 21:2, 9; 44:26–45:7; Dan 5:28) Nang bumagsak ang Babilonya, nagwakas ang mahabang yugto ng Semitikong pangingibabaw, na hinalinhan naman ng kauna-unahang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig na may Aryanong (Japetikong) pinagmulan. Dahil din dito, ang lupain ng Juda (gayundin ang Sirya at Fenicia) ay napabilang sa nasasakupan ng Medo-Persia. Dahil sa batas na ipinalabas ni Ciro, noong 537 B.C.E. ang itinapong mga Judio ay pinahintulutang bumalik sa kanilang sariling lupain, na naging tiwangwang sa loob ng eksaktong 70 taon.—2Cr 36:20-23; tingnan ang CIRO.
Mga kabisera ng Persia. Kaayon ng pagiging tambalan ng imperyo, isang Medo na nagngangalang Dario ang naging tagapamahala ng natalong kahariang Caldeo, bagaman malamang na hindi siya nagpuno nang independiyente sa pamamahala ni Ciro. (Dan 5:31; 9:1; tingnan ang DARIO Blg. 1.) Ang Babilonya ay nanatiling isang maharlikang lunsod ng Imperyo ng Medo-Persia at isa ring sentro ng relihiyon at komersiyo. Gayunman, sa pangkalahatan, waring hindi makatagal ang mga emperador na Persiano sa matinding init ng tag-araw doon, kaya karaniwan nang nagpupunta lang sila sa Babilonya kapag taglamig. May arkeolohikal na katibayan na nagpapakitang pagkatapos niyang masakop ang Babilonya, kaagad na bumalik si Ciro sa Ecbatana (makabagong Hamadan), na mahigit 1,900 m (6,200 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat sa paanan ng Bundok Alwand, kung saan makapal ang niyebe at matindi ang ginaw kapag taglamig ngunit kaayaaya ang klima kapag tag-araw. Sa Ecbatana natagpuan ang tagubilin ni Ciro may kinalaman sa muling pagtatayo ng templo ng Jerusalem, maraming taon matapos itong ilabas. (Ezr 6:2-5) Ang mas naunang kabisera ng Persia ay nasa Pasargadae, mga 650 km (400 mi) sa dakong TS ng Ecbatana, ngunit halos nasa gayunding altitud. Malapit sa Pasargadae, nang maglaon ay itinayo ng mga Persianong emperador na sina Dario, Jerjes, at Artajerjes Longimanus ang maharlikang lunsod ng Persepolis, anupat nilagyan iyon ng isang malawak na sistema ng mga lagusan sa ilalim ng lupa, maliwanag na upang maglaan ng sariwang tubig. Ang isa pang kabisera ay ang Susa (Susan) na malapit sa Ilog Choaspes (Karkheh) sa sinaunang Elam, anupat nasa estratehikong sentrong lokasyon sa pagitan ng Babilonya, Ecbatana, at Persepolis. Dito nagtayo si Dariong Dakila ng isang maringal na palasyo na nagsilbing tahanan kapag taglamig, sapagkat, tulad sa Babilonya, napakainit sa Susa kapag tag-araw. Ngunit sa kalaunan, ang Susa ang naging tunay na sentro ng administrasyon ng imperyo.—Tingnan ang ECBATANA; SUSAN.
Relihiyon at Kautusan. Ang mga tagapamahalang Persiano, bagaman kung minsan ay kasinlupit din ng mga Semitikong hari ng Asirya at Babilonia, ay waring nagsikap noong una na magpakita ng pagiging patas at makatarungan sa pakikitungo sa mga bayang nilupig nila. Lumilitaw na may ilang konsepto ng etika ang kanilang relihiyon. Bilang pangalawa sa pangunahing diyos na si Ahura Mazda, ang isang prominenteng bathala ay si Mithra, na nakilala hindi lamang bilang diyos ng digmaan kundi bilang diyos din ng mga kontrata, na ang mga mata at mga tainga ay laging alistong magmanman sa sinumang lalabag sa kasunduan. (Tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA.) Sumulat ang Griegong istoryador na si Herodotus (I, 136, 138) tungkol sa mga Persiano: “Tinuturuan nila ang kanilang mga batang lalaki mula lima hanggang dalawampung taon, at tatlong bagay lamang ang itinuturo nila, pangangabayo at pamamana at pagsasabi ng katotohanan. . . . Itinuturing nila na ang pagsisinungaling ang pinakamarumi sa lahat.” Bagaman ipinakikita ng kasaysayan ng mga tagapamahalang Persiano na hindi naman sila malaya sa panlilinlang at intriga, ang likas nilang pagsunod sa pantribong simulain ng ‘pagtupad sa pangako’ ay ipinahihiwatig ng kanilang paggigiit na hindi maaaring labagin ang “kautusan ng mga Medo at ng mga Persiano.” (Dan 6:8, 15; Es 1:19; 8:8) Kaya nang matagpuan ang batas ni Ciro mga 18 taon pagkatapos itong mailabas, kinilala ni Haring Dario ang legalidad ng katayuan ng mga Judio kung tungkol sa pagtatayo ng templo at ipinag-utos ang lubusang pakikipagtulungan sa mga ito.—Ezr 6:1-12.
Ang pagkakaorganisa ng imperyo ng Persia ay nagpapahiwatig ng napakahusay na pangangasiwa. Bukod sa pribadong sanggunian ng hari, o lupon ng tagapayo, na binubuo ng “pitong prinsipe ng Persia at Media” (Es 1:14; Ezr 7:14), mayroon ding mga satrapa na inatasang mamahala sa pangunahing mga rehiyon o mga bansa, gaya ng Media, Elam, Parthia, Babilonia, Asirya, Arabia, Armenia, Capadocia, Lydia, Ionia, at, habang lumalawak ang imperyo, ng Ehipto, Etiopia, at Libya. Ang mga satrapang ito ay pinagkalooban ng isang antas ng awtonomiya sa pamamahala sa kanilang nasasakupan, kasama na ang pangangasiwa sa hudisyal at pinansiyal na mga gawain sa kanilang teritoryo. (Tingnan ang SATRAPA.) Lumilitaw na sa loob ng teritoryo ng satrapa ay may mga nakabababang gobernador ng mga nasasakupang distrito (may bilang na 127 noong mga araw ni Haring Ahasuero), at sa loob ng mga nasasakupang distrito ay may mga prinsipe ng partikular na mga bayang bumubuo sa populasyon ng distrito. (Ezr 8:36; Es 3:12; 8:9) Malamang na dahil napakalayo ng kabisera ng imperyo sa mga lugar na pinangangasiwaan nito, isang mabilis na sistema ng pakikipagtalastasan ang binuo sa pamamagitan ng isang maharlikang serbisyo sa koreo na gumamit ng mga sugo na nakasakay sa mga kabayong panghatid-sulat, sa gayon ay naglaan ito ng komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng lahat ng mga nasasakupang distrito. (Es 8:10, 14) Minantini ang mga maharlikang lansangang-bayan; ang isa ay mula sa Susan hanggang sa Sardis sa Asia Minor.
Mula sa Kamatayan ni Ciro Hanggang sa Kamatayan ni Dario. Nagwakas ang paghahari ni Cirong Dakila noong 530 B.C.E. nang mamatay siya sa panahon ng isang kampanya ng pakikipagdigma. Ang kaniyang anak na si Cambyses ang humalili sa kaniya sa trono at nagtagumpay sa paglupig sa Ehipto. Bagaman hindi siya tinutukoy ng Bibliya sa pangalang Cambyses, maliwanag na siya ang “Ahasuero” na pinadalhan ng mga sumasalansang sa gawain sa templo ng mga bulaang akusasyon laban sa mga Judio, gaya ng sinasabi sa Ezra 4:6.
Magulo ang mga pangyayaring nauugnay sa wakas ng pamamahala ni Cambyses. Ang isang ulat, na inilahad ni Dariong Dakila sa kaniyang Behistun Inscription, at isinalaysay ni Herodotus at ng iba pa lakip ang ilang magkakaibang detalye, ay na palihim na ipinapatay ni Cambyses ang kaniyang kapatid na si Bardiya (tinatawag ni Herodotus na Smerdis). Pagkatapos, noong panahong nasa Ehipto si Cambyses, isang Mago na nagngangalang Gaumata (tinatawag din ni Herodotus na Smerdis), na nagpanggap na si Bardiya (Smerdis), ang umagaw sa trono at kinilala bilang hari. Samantalang pabalik mula sa Ehipto, namatay si Cambyses, at sa gayon ang mang-aagaw ng kapangyarihan ay natatag sa trono. (Herodotus, III, 61-67) Ang isa namang bersiyon, na pinapaboran ng ilang istoryador, ay na hindi napatay si Bardiya at na siya, hindi sinumang impostor, ang umagaw sa trono noong panahong wala si Cambyses.
Anuman ang nangyari, nagwakas ang paghahari ni Cambyses noong 522 B.C.E., at ang sumunod na pamamahala ay tumagal nang pitong buwan, anupat nagwakas din noong 522 B.C.E. nang paslangin ang mang-aagaw ng trono (alinman kina Bardiya o Gaumata ang huwad na Smerdis). Gayunman, noong panahon ng maikling pamamahalang ito, lumilitaw na may ikalawang paratang na iniharap sa trono ng Persia laban sa mga Judio, anupat ang hari noon ay tinukoy sa Bibliya bilang “Artajerjes” (marahil ay pangalan bilang hari o titulo), at sa pagkakataong ito, nagtagumpay ang mga nag-akusa anupat ipinagbawal ng hari ang higit pang pagtatayo sa templo. (Ezr 4:7-23) Nang magkagayon ang gawain sa templo ay nahinto “hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia.”—Ezr 4:24.
Maliwanag na si Dario I (tinatawag na Dario Hystaspis o Dariong Dakila) ang nagpakana o nagsulsol ng pagpatay sa isa na nakaupo sa trono ng Persia at nakuha niya ang trono para sa kaniyang sarili. Noong panahon ng kaniyang pamamahala, pinahintulutan niyang ipagpatuloy ang gawain sa templo sa Jerusalem, at natapos ang templo noong kaniyang ikaanim na taon ng pamamahala (maagang bahagi ng 515 B.C.E.). (Ezr 6:1-15) Pinalawak ni Dario ang imperyo noong panahong naghahari siya, anupat umabot ang pamumuno ng Persia sa malayong S hanggang sa India at sa malayong K hanggang sa Tracia at Macedonia.
Pagsapit ng panahong ito, o baka bago pa nito, natupad na ng mga tagapamahalang Persiano ang mga hula ng Daniel 7:5 at 8:4, kung saan, sa pamamagitan ng mga sagisag ng isang oso at gayundin ng isang barakong tupa, ang Imperyo ng Medo-Persia ay inilalarawang nang-aagaw ng mga teritoryo sa tatlong pangunahing direksiyon: sa H, sa K, at sa T. Gayunman, sa isang kampanya laban sa Gresya, ang mga hukbo ni Dario ay dumanas ng pagkatalo sa Marathon noong 490 B.C.E. Namatay si Dario noong 486 B.C.E.—Tingnan ang DARIO Blg. 2.
Ang mga Paghahari ni Jerjes at ni Artajerjes. Si Jerjes, anak ni Dario, ang maliwanag na haring tinatawag na Ahasuero sa aklat ng Esther. Tumugma rin ang kaniyang mga pagkilos sa paglalarawan sa ikaapat na Persianong hari, na ‘pupukaw sa lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya.’ (Dan 11:2) Sa pagsisikap na makaganti dahil sa pagkatalo ng Persia sa Marathon, nagbunsod si Jerjes ng pagkalaki-laking mga hukbo laban sa pinakakontinente ng Gresya noong 480 B.C.E. Pagkatapos ng isang magastos na tagumpay sa Thermopylae at ng pagkawasak ng Atenas, natalo ang kaniyang mga hukbo sa Salamis at nang maglaon sa Plataea, anupat naging sanhi upang bumalik si Jerjes sa Persia.
Ang paghahari ni Jerjes ay kinakitaan ng ilang reporma sa administrasyon at ng pagtapos sa karamihan sa mga gawaing pagtatayo na pinasimulan ng kaniyang ama sa Persepolis. (Ihambing ang Es 10:1, 2.) Ang mga kuwentong Griego tungkol sa wakas ng paghahari ni Jerjes ay umiinog sa mga suliraning pangmag-asawa, mga kaguluhan sa harem, at sa diumano’y pagdomina kay Jerjes ng ilan sa kaniyang mga tauhan. Maaaring ipinakikita ng mga ulat na ito, bagaman sa isang magulo at pilipit na paraan, ang ilan sa mahahalagang impormasyon sa aklat ng Esther, lakip na ang pagpapatalsik kay Reyna Vasti mula sa puwesto at ang paghalili sa kaniya ni Esther, gayundin ang pag-akyat ni Mardokeo sa isang katungkulang may malaking awtoridad sa nasasakupan ng imperyo. (Es 2:17; 10:3) Ayon sa sekular na mga ulat, si Jerjes ay pinaslang ng isa sa kaniyang mga tauhan.
Napabantog si Artajerjes Longimanus, ang kahalili ni Jerjes, dahil sa kaniyang pagbibigay ng awtorisasyon sa pagbabalik ni Ezra sa Jerusalem na dala ang malaking abuloy para sa pagtataguyod ng templo roon. Nangyari ito noong ikapitong taon ni Artajerjes (468 B.C.E.). (Ezr 7:1-26; 8:24-36) Noong ika-20 taon ni Artajerjes (455 B.C.E.), pinagkalooban si Nehemias ng pahintulot na pumaroon sa Jerusalem upang muling itayo ang lunsod. (Ne 1:3; 2:1, 5-8) Nang maglaon, sa loob ng ilang panahon ay bumalik si Nehemias sa korte ni Artajerjes noong ika-32 taon ng haring iyon (443 B.C.E.).—Ne 13:6.
May ilang di-pagkakasuwato sa mga akdang makasaysayan may kinalaman sa mga paghahari ni Jerjes at ni Artajerjes. Inilalagay ng ilang reperensiyang akda ang taon ng pagluklok ni Artajerjes sa 465 B.C.E. Binibigyan naman ng ilang dokumento ang kaniyang ama, si Jerjes, ng paghahari na nagpatuloy hanggang sa ika-21 taon nito. Kinaugaliang bilangin ang pamamahala ni Jerjes mula sa 486 B.C.E., nang si Dario, ang kaniyang ama, ay mamatay. Ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay minamalas na nagsimula noong 485 B.C.E., at ang kaniyang ika-21 taon at ang taon ng pagluklok ni Artajerjes ay madalas sabihing noong 465 B.C.E. Kung tungkol kay Artajerjes, karaniwang sinasabi ng mga iskolar na ang kaniyang huling taon ng pamamahala ay nagsimula noong 424 B.C.E. Inihaharap naman iyon ng ilang dokumento bilang taon 41 ng paghahari ni Artajerjes. Kung tama iyon, mangangahulugan na ang kaniyang taon ng pagluklok ay noong 465 B.C.E. at na ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay nagsimula noong 464 B.C.E.
Gayunman, may matibay na ebidensiya para tuusin ang huling taon ni Jerjes at ang taon ng pagluklok ni Artajerjes bilang 475 B.C.E. Ang katibayang ito ay tatluhan: mula sa mga impormasyong Griego, mula sa mga impormasyong Persiano, at mula sa mga impormasyong Babilonyo.
Katibayan mula sa mga impormasyong Griego. Isang pangyayari sa kasaysayan ng Gresya ang makatutulong sa atin na matiyak kung kailan nagsimulang mamahala si Artajerjes. Naiwala ng Griegong estadista at bayani ng militar na si Themistocles ang pagsang-ayon ng kaniyang mga kababayan at tumakas siya patungong Persia upang maligtas. Ayon sa Griegong istoryador na si Thucydides (I, CXXXVII, 3), na napabantog dahil sa kaniyang katumpakan, nang panahong iyon, si Themistocles ay “nagpadala ng isang liham kay Haring Artajerjes anak ni Jerjes, na kamakailan lamang ay umupo sa trono.” Ibinibigay ng Plutarch’s Lives (Themistocles, XXVII, 1) ang impormasyon na “inilahad nina Thucydides at Charon ng Lampsacus na patay na si Jerjes, at na sa anak nitong si Artajerjes nakipag-usap si Themistocles.” Si Charon ay isang sakop ng Persia na nabuhay noong panahong magpalit ang pamamahala mula kay Jerjes tungo kay Artajerjes. Mula sa mga patotoo ni Thucydides at ni Charon ng Lampsacus, makikita natin na nang dumating si Themistocles sa Persia, kamakailan lamang ay nagsimulang mamahala si Artajerjes.
Maitatatag natin kung kailan nagsimulang mamahala si Artajerjes sa pamamagitan ng pagkalkula pabalik sa panahong namatay si Themistocles. Hindi pare-pareho ang petsang ibinibigay ng mga reperensiyang aklat para sa kaniyang kamatayan. Gayunman, inilalahad ng istoryador na si Diodorus Siculus (Diodorus of Sicily, XI, 54, 1; XI, 58, 3) ang kamatayan ni Themistocles sa isang ulat ng mga bagay na nangyari “nang si Praxiergus ay archon [punong mahistrado] sa Atenas.” Si Praxiergus ang archon sa Atenas noong 471/470 B.C.E. (Greek and Roman Chronology, ni Alan E. Samuel, Munich, 1972, p. 206) Ayon kay Thucydides, ang pagdating ni Themistocles sa Persia ay sinundan ng isang taon ng pag-aaral ng wika bilang paghahanda sa pakikipagkita kay Artajerjes. Pagkatapos nito, pinagkalooban siya ng hari ng pakikipamayan sa Persia lakip ang maraming parangal. Kung si Themistocles ay namatay noong 471/470 B.C.E., ang pakikipamayan niya sa Persia ay hindi maaaring lumampas ng 472 B.C.E. at ang kaniyang pagdating naman ay mas maaga rito nang isang taon, noong 473 B.C.E. Nang panahong iyon, si Artajerjes “kamakailan lamang ay umupo sa trono.”
May kinalaman sa panahon nang mamatay si Jerjes at lumuklok si Artajerjes sa trono, sumulat si M. de Koutorga: “Nakita na natin na, ayon sa kronolohiya ni Thucydides, namatay si Jerjes noong papatapos na ang taóng 475 B.C.E., at na, ayon sa istoryador ding iyon, dumating si Themistocles sa Asia Minor di-nagtagal pagkatapos ng pag-upo sa trono ni Artajerjes Longimanus.”—Mémoires présentés par divers savants à l’Académie des Inscriptions et Belles-Lettres de l’Institut Impérial de France, unang serye, Tomo VI, ikalawang bahagi, Paris, 1864, p. 147.
Bilang higit pang suporta nito, ganito ang puna ni E. Levesque: “Samakatuwid, mahalaga, ayon sa Alexandrian Chronicle, na ilagay ang kamatayan ni Jerjes sa taóng 475 B.C.E., pagkatapos ng labing-isang taon ng paghahari. Pinagtitibay ng istoryador na si Justin, III, 1, ang kronikang ito at ang mga kapahayagan ni Thucydides. Ayon sa kaniya, noong panahong paslangin si Jerjes, si Artajerjes, na kaniyang anak, ay isa lamang bata, puer [isang batang lalaki], na totoo kung namatay si Jerjes noong 475. Si Artajerjes noon ay 16 na taóng gulang, samantalang kung noong 465, siya ay magiging dalawampu’t anim na taóng gulang, anupat hindi nito mabibigyang-katuwiran ang pananalita ni Justin. Ayon sa kronolohiyang ito, yamang nagsimulang maghari si Artajerjes noong 475, ang ika-20 taon ng kaniyang paghahari ay magiging noong 455 at hindi noong 445 gaya ng karaniwang sinasabi.”—Revue apologétique, Paris, Tomo 68, 1939, p. 94.
Kung namatay si Dario noong 486 B.C.E. at si Jerjes ay namatay noong 475 B.C.E., paano maipaliliwanag na ang ilang sinaunang dokumento ay nag-uukol kay Jerjes ng paghahari na 21 taon? Batid ng marami na ang isang hari at ang kaniyang anak ay maaaring mamahalang magkasabay. Kung ganito ang naging kalagayan nina Dario at Jerjes, maaaring bilangin ng mga istoryador ang mga taon ng paghahari ni Jerjes alinman mula sa pasimula ng pamamahala niya kasabay ng kaniyang ama o mula sa pagkamatay ng kaniyang ama. Kung si Jerjes ay namahala nang 10 taon kasama ng kaniyang ama at 11 taon nang mag-isa, maaaring iukol sa kaniya ng ilan ang 21 taon ng pamamahala, samantalang ang iba ay maaaring magbigay sa kaniya ng 11 taon.
May matibay na ebidensiya na si Jerjes ay namahalang kasabay ng kaniyang amang si Dario. Sinasabi ng Griegong istoryador na si Herodotus (VII, 3): “Hinatulan ni Dario ang kaniyang [kay Jerjes] pakiusap [para sa pagkahari] bilang makatarungan at ipinahayag siyang hari. Ngunit sa aking palagay, maaaring gawing hari si Jerjes kahit wala ang tagubiling ito.” Ipinahihiwatig nito na si Jerjes ay ginawang hari noong panahon ng paghahari ng kaniyang amang si Dario.
Katibayan mula sa mga impormasyong Persiano. Partikular na makikita sa natuklasang mga Persianong bahorelyebe na si Jerjes ay namahalang kasabay ni Dario. Sa Persepolis, natagpuan ang maraming bahorelyebe na naglalarawan kay Jerjes na nakatayo sa likuran ng trono ng kaniyang ama, nakabihis ng pananamit na kapareho niyaong sa kaniyang ama at ang kaniyang ulo ay kapantay niyaong sa kaniyang ama. Kakaiba ito, yamang karaniwan nang ang ulo ng hari ay mas mataas kaysa sa lahat ng iba pa. Sa A New Inscription of Xerxes From Persepolis (ni Ernst E. Herzfeld, 1932) sinasabi na kapuwa ang mga inskripsiyon at ang mga gusaling natagpuan sa Persepolis ay nagpapahiwatig na namahala si Jerjes kasabay ng kaniyang amang si Dario. Sa pahina 8 ng kaniyang akda, sumulat si Herzfeld: “Ang kakaibang tono ng mga inskripsiyon ni Jerjes sa Persepolis, na karamihan ay hindi nagpapakita ng pagkakaiba ng kaniyang sariling gawain at niyaong sa kaniyang ama, at ang kaugnayan, na kakaiba rin, ng kanilang mga gusali, na imposibleng tukuyin kung kay Dario o kay Jerjes lamang, ay palaging nagpapahiwatig na si Jerjes ay namahalang kasabay ng kaniyang ama. Bukod diyan, ipinakikita ng dalawang eskultura sa Persepolis ang kaugnayang iyan.” May kaugnayan sa isa sa mga eskulturang ito, itinawag-pansin ni Herzfeld: “Si Dario ay ipinakikitang nakasuot ng lahat ng maharlikang pagkakakilanlan, nakaluklok sa isang platapormang may mataas na upuan na sinusuportahan ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga bansa ng kaniyang imperyo. Sa likuran niya sa relyebe, samakatuwid nga, sa katunayan ay sa kanan niya, ay nakatayo si Jerjes na may gayunding mga maharlikang pagkakakilanlan, anupat ang kaliwang kamay nito ay nakapatong sa mataas na sandalan ng trono. Ang gayong posisyon ay malinaw na nagpapakita hindi lamang ng pagiging kahalili; nangangahulugan iyon ng magkasabay na pamamahala.”
May kinalaman sa petsa ng mga relyebeng nagpapakita kina Dario at Jerjes sa gayong paglalarawan, sa Achaemenid Sculpture (Istanbul, 1974, p. 53), sinasabi ni Ann Farkas na “maaaring ikinabit ang mga relyebe sa Ingatang-Yaman noong panahong itinatayo ang unang karagdagang gusali, 494/493–492/491 B.C.; tiyak na ito ang pinakakumbinyenteng panahon upang ilipat ang gayong mabibigat na piraso ng bato. Ngunit anuman ang petsa ng pag-aalis sa kanila patungo sa Ingatang-Yaman, marahil ang mga eskultura ay inukit noong mga taon ng 490.”
Katibayan mula sa mga impormasyong Babilonyo. Isang katibayan na si Jerjes ay nagsimulang mamahala kasabay ng kaniyang ama noong mga taon ng 490 B.C.E. ang natagpuan sa Babilonya. Nahukay roon ang isang palasyong para kay Jerjes na natapos noong 496 B.C.E. May kinalaman dito, sumulat si A. T. Olmstead sa History of the Persian Empire (p. 215): “Pagsapit ng Oktubre 23, 498, nalaman natin na ang bahay ng anak ng hari [samakatuwid nga, ng anak ni Dario, si Jerjes] ay kasalukuyan noong itinatayo sa Babilonya; walang alinlangan na ito ang palasyo ni Dario sa gitnang seksiyon na atin nang inilarawan. Pagkaraan ng dalawang taon [noong 496 B.C.E.], sa isang dokumento sa negosyo mula sa kalapit na Borsippa, mayroon tayong pagtukoy sa ‘bagong palasyo’ na noon ay tapos na.”
Dalawang kakaibang tapyas na luwad ang makapagbibigay ng karagdagang patotoo na si Jerjes ay namahalang kasabay ni Dario. Ang isa ay isang kasulatan sa negosyo tungkol sa upa sa isang gusali noong taon ng pagluklok ni Jerjes. Ang tapyas ay pinetsahan ng unang buwan ng taon, ang Nisan. (A Catalogue of the Late Babylonian Tablets in the Bodleian Library, Oxford, ni R. Campbell Thompson, London, 1927, p. 13, tapyas na may katawagang A. 124) Ang isa pang tapyas ay may petsang “buwan ng Ab(?), taon ng pagluklok ni Jerjes.” Kapansin-pansin, hindi iniuukol ng tapyas na ito kay Jerjes ang titulong “hari ng Babilonya, hari ng mga lupain,” na karaniwang ginagawa noong panahong iyon.—Neubabylonische Rechts- und Verwaltungsurkunden übersetzt und erläutert, nina M. San Nicolò at A. Ungnad, Leipzig, 1934, Tomo I, bahagi 4, p. 544, tapyas Blg. 634, may katawagang VAT 4397.
Palaisipan ang dalawang tapyas na ito. Karaniwan na, nagsisimula ang taon ng pagluklok ng isang hari pagkamatay ng kaniyang hinalinhan. Gayunman, may katibayan na ang hinalinhan ni Jerjes (si Dario) ay nabuhay hanggang sa ikapitong buwan ng huling taon nito, samantalang ang dalawang dokumentong ito mula sa taon ng pagluklok ni Jerjes ay may mga petsang bago pa ang ikapitong buwan (ang isa ay sa unang buwan, ang isa naman ay sa ikalima). Samakatuwid, ang mga dokumentong ito ay hindi nauugnay sa yugto ng pagluklok ni Jerjes pagkamatay ng kaniyang ama kundi nagpapahiwatig ng taon ng pagluklok noong panahong mamahala siya kasabay ni Dario. Kung ang taon ng pagluklok na iyon ay noong 496 B.C.E., nang matapos ang palasyo sa Babilonya para kay Jerjes, ang kaniyang unang taon ng pamamahala kasabay ng kaniyang ama ay nagsimula noong sumunod na Nisan, noong 495 B.C.E., at ang kaniyang ika-21 at huling taon ay nagsimula noong 475 B.C.E. Kung magkagayon, kasama sa paghahari ni Jerjes ang 10 taon ng pamamahala kasabay ni Dario (mula 496 hanggang 486 B.C.E.) at 11 taon ng nagsosolong pagkahari (mula 486 hanggang 475 B.C.E.).
Sa kabilang dako, nagkakaisa ang mga istoryador na ang unang opisyal na taon ng paghahari ni Dario II ay nagsimula noong tagsibol ng 423 B.C.E. Ipinahihiwatig ng isang tapyas na Babilonyo na noong taon ng pagluklok niya, si Dario II ay nakaupo na sa trono pagsapit ng ika-4 na araw ng ika-11 buwan, samakatuwid nga, Pebrero 13, 423 B.C.E. (Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75, nina R. Parker at W. H. Dubberstein, 1971, p. 18) Gayunman, dalawang tapyas ang nagpapakita na nagpatuloy na mamahala si Artajerjes pagkatapos ng ika-11 buwan, ika-4 na araw, ng kaniyang ika-41 taon. Ang isa ay pinetsahan ng ika-11 buwan, ika-17 araw, ng kaniyang ika-41 taon. (p. 18) Ang isa naman ay pinetsahan ng ika-12 buwan ng kaniyang ika-41 taon. (Old Testament and Semitic Studies, inedit nina Harper, Brown, at Moore, 1908, Tomo 1, p. 304, tapyas Blg. 12, may katawagang CBM, 5505) Samakatuwid, si Artajerjes ay hindi hinalinhan noong kaniyang ika-41 opisyal na taon ng paghahari kundi namahala siya sa kabuuan nito. Ipinahihiwatig nito na si Artajerjes ay namahala nang higit pa sa 41 taon at samakatuwid, ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay hindi dapat bilanging nagsimula noong 464 B.C.E.
Ang katibayan na si Artajerjes Longimanus ay namahala nang lampas pa sa kaniyang ika-41 taon ay natagpuan sa isang dokumento sa negosyo mula sa Borsippa na pinetsahan ng ika-50 taon ni Artajerjes. (Catalogue of the Babylonian Tablets in the British Museum, Tomo VII: Tablets From Sippar 2, nina E. Leichty at A. K. Grayson, 1987, p. 153; tapyas na may katawagang B. M. 65494) Ang isa sa mga tapyas na nag-uugnay ng pagtatapos ng paghahari ni Artajerjes sa pasimula ng paghahari ni Dario II ay may ganitong petsa: “Ika-51 taon, taon ng pagluklok, ika-12 buwan, ika-20 araw, si Dario, hari ng mga lupain.” (The Babylonian Expedition of the University of Pennsylvania, Series A: Cuneiform Texts, Tomo VIII, Bahagi I, ni Albert T. Clay, 1908, p. 34, 83, at Plate 57, Tapyas Blg. 127, may katawagang CBM 12803) Yamang ang unang opisyal na taon ng paghahari ni Dario II ay noong 423 B.C.E., nangangahulugan ito na ang ika-51 taon ni Artajerjes ay noong 424 B.C.E. at ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay noong 474 B.C.E.
Kaya, ang mga patotoo mula sa mga impormasyong Griego, Persiano, at Babilonyo ay nagkakasundo na ang taon ng pagluklok ni Artajerjes ay 475 B.C.E. at ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay 474 B.C.E. Inilalagay niyan ang ika-20 taon ni Artajerjes, nang magsimulang bilangin ang 70 sanlinggo ng Daniel 9:24, sa 455 B.C.E. Kung salig sa Daniel 9:25 ay bibilang tayo ng 69 na sanlinggo ng mga taon (483 taon) mula 455 B.C.E., sasapit tayo sa isang mahalagang taon para sa pagdating ng Mesiyas na Lider.
Kung bibilang mula 455 B.C.E. hanggang 1 C.E., iyon ay buong 455 taon. Kung idaragdag ang natitirang 28 taon (upang mabuo ang 483 taon), dadalhin tayo nito sa 29 C.E., ang eksaktong taon nang si Jesus ng Nazaret ay bautismuhan sa tubig, pahiran ng banal na espiritu, at magsimula ng kaniyang pangmadlang ministeryo bilang Mesiyas, o Kristo.—Luc 3:1, 2, 21, 22.
Hanggang sa Pagbagsak at Pagkakahati ng Imperyo. May kinalaman sa mga kahalili ni Artajerjes Longimanus sa trono ng Persia, ibinibigay ni Diodorus Siculus ang sumusunod na impormasyon: “Sa Asia si Haring Jerjes ay namatay pagkatapos ng paghahari nang isang taon, o gaya ng iniuulat ng ilan, dalawang buwan; at ang kaniyang kapatid na si Sogdianus ang humalili sa trono at namahala sa loob ng pitong buwan. Pinatay siya ni Dario, na naghari nang labinsiyam na taon.” (Diodorus of Sicily, XII, 71, 1) Ang orihinal na pangalan ng Dariong ito (kilala bilang Dario II) ay Ochus, ngunit ginamit niya ang pangalang Dario nang maging hari siya. Lumilitaw na siya ang “Dario” na tinutukoy sa Nehemias 12:22.
Kasunod ni Dario II ay dumating si Artajerjes II (tinatawag na Mnemon), na sa panahon ng kaniyang paghahari ay naghimagsik ang Ehipto at sumamâ ang mga ugnayan sa Gresya. Ang kaniyang paghahari (pinetsahang mula 404 hanggang 359 B.C.E.) ay sinundan niyaong sa kaniyang anak na si Artajerjes III (tinatawag ding Ochus), na diumano’y namahala nang mga 21 taon (358-338 B.C.E.) at sinasabing ang pinaka-uháw-sa-dugo sa lahat ng mga tagapamahalang Persiano. Ang kaniyang pangunahing tagumpay ay ang muling paglupig sa Ehipto. Pagkatapos ay nagbibigay ang sekular na kasaysayan ng dalawang-taóng pamamahala kay Arses at limang-taóng pamamahala kay Dario III (Codommanus), na sa panahon ng paghahari niya ay pinaslang si Felipe ng Macedonia (336 B.C.E.) at hinalinhan ng anak nitong si Alejandro. Noong 334 B.C.E., sinimulan ni Alejandro ang pagsalakay niya sa Imperyo ng Persia, anupat tinalo ang mga hukbong Persiano una sa Granicus sa HK sulok ng Asia Minor at muli sa Issus sa kabilang sulok ng Asia Minor (333 B.C.E.). Sa katapus-tapusan, pagkaraang malupig ng mga Griego ang Fenicia at Ehipto, natalo nila ang mga Persiano sa Gaugamela, noong 331 B.C.E., sa huling pakikipaglaban ng mga ito, at ang Imperyo ng Persia ay nagwakas.
Pagkatapos ng kamatayan ni Alejandro at ng kasunod na pagkakahati-hati ng imperyo, nakuha ni Seleucus Nicator ang kontrol sa kalakhang bahagi ng mga teritoryo sa Asia at ang Persia ang pangunahing bahagi nito. Sa gayong paraan nagsimula ang Seleucidong dinastiya ng mga hari at nagpatuloy ito hanggang noong 64 B.C.E. Waring kay Seleucus Nicator unang natupad ang makahulang “hari ng hilaga” sa hula ni Daniel, anupat sumalansang ito sa Ptolemaikong linya ng mga hari sa Ehipto, na sa pasimula ay waring gumaganap naman sa papel ng makasagisag na “hari ng timog.”—Dan 11:4-6.
Ang mga haring Seleucido ay nalimitahan sa kanluraning bahagi ng kanilang nasasakupan dahil sa mga pananalakay ng mga Parto, na lumupig sa mismong teritoryo ng Persia noong ikatlo at ikalawang siglo B.C.E. Tinalo sila ng mga Sassaniano noong ikatlong siglo C.E., at ang pamamahalang Sassaniano ay nagpatuloy hanggang sa malupig sila ng mga Arabe noong ikapitong siglo.
Sa hula ni Ezekiel (27:10), kasama ang mga Persiano sa mga lalaking mandirigma na naglingkod sa hukbong militar ng mayamang Tiro, at nakaragdag sa karilagan nito. Itinala rin ang Persia bilang isa sa mga bansang inihaharap ng makasagisag na si “Gog ng lupain ng Magog” laban sa katipang bayan ni Jehova.—Eze 38:2, 4, 5, 8, 9.
[Larawan sa pahina 904]
Mga torong may ulo ng tao malapit sa pasukan ng lunsod ng Persepolis