Exodo
32 Samantala, napansin ng bayan na natatagalan si Moises sa pagbaba sa bundok.+ Kaya pinalibutan ng bayan si Aaron at sinabi: “Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin,+ dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyon, ang lalaking naglabas sa amin sa Ehipto.” 2 Kaya sinabi ni Aaron: “Kunin ninyo at dalhin sa akin ang gintong hikaw+ sa mga tainga ng inyong asawa at mga anak na lalaki at babae.” 3 Kaya inalis ng buong bayan sa mga tainga nila ang mga gintong hikaw at dinala kay Aaron. 4 Kinuha niya ang ginto mula sa kanila, at inanyuan niya iyon gamit ang isang pang-ukit at ginawang estatuwang guya.+ At pinasimulang sabihin ng bayan: “Ito ang iyong Diyos, O Israel, na naglabas sa iyo sa Ehipto.”+
5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang altar sa harap nito. At sinabi ni Aaron: “May kapistahan para kay Jehova bukas.” 6 Kaya maaga silang bumangon kinabukasan at naghain ng mga handog na sinusunog at mga haing pansalo-salo. Pagkatapos, umupo ang bayan para kumain at uminom. At tumayo sila para magsaya.+
7 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Bumaba ka, dahil may ginawang napakasama ang iyong bayan,+ na inilabas mo sa Ehipto. 8 Agad silang lumihis sa daang iniutos kong lakaran nila.+ Gumawa sila ng estatuwang guya para sa sarili nila; yumuyukod sila rito at naghahain, at sinasabi nila, ‘Ito ang iyong Diyos, O Israel, na naglabas sa iyo sa Ehipto.’” 9 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: “Nakita ko na matigas ang ulo* ng bayang ito.+ 10 Ginalit nila ako nang husto kaya hayaan mo akong lipulin sila, at gagawin kitang isang malaking* bansa kapalit nila.”+
11 Pero nakiusap si Moises sa* Diyos niyang si Jehova+ at nagsabi: “O Jehova, bakit mo ilalabas ang matinding galit mo sa iyong bayan matapos mo silang palayain mula sa Ehipto sa pamamagitan ng iyong malakas na kapangyarihan at malakas na kamay?+ 12 Bakit hahayaan mong sabihin ng mga Ehipsiyo, ‘Masama ang plano niya nang ilabas niya sila. Gusto niya silang patayin sa mga bundok at lipulin mula sa lupa’?+ Pahupain mo ang iyong matinding galit at huwag mong ituloy* ang pasiya mong lipulin ang bayan mo. 13 Alalahanin mo ang mga lingkod mong sina Abraham, Isaac, at Israel; ipinanumpa mo ang sarili mo sa kanila at sinabi: ‘Pararamihin ko ang inyong supling* gaya ng mga bituin sa langit,+ at ibibigay ko ang buong lupaing ito na ipinangako ko sa inyong supling* para maging pag-aari nila magpakailanman.’”+
14 Kaya hindi itinuloy* ni Jehova ang sinabi niyang paglipol sa bayan niya.+
15 Pagkatapos, bumaba si Moises sa bundok dala ang dalawang tapyas ng Patotoo+ sa kamay niya.+ Ang mga tapyas ay may sulat sa magkabilang panig—sa harap at sa likod. 16 Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos na nakaukit sa mga tapyas.+ 17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan dahil sa hiyawan nila, sinabi niya kay Moises: “May ingay ng labanan sa kampo.” 18 Pero sinabi ni Moises:
“Hindi ito pag-awit dahil sa tagumpay,*
At hindi ito pag-iyak dahil sa pagkatalo;
Ibang pag-awit ang naririnig ko.”
19 Nang malapit na si Moises sa kampo at makita niya ang guya+ at ang sayawan, nagalit siya nang husto, at inihagis niya ang mga tapyas at nabasag ang mga iyon sa paanan ng bundok.+ 20 Kinuha niya ang ginawa nilang guya, sinunog iyon, at dinurog iyon hanggang sa maging pulbos;+ pagkatapos, isinaboy niya iyon sa tubig at ipinainom sa mga Israelita.+ 21 At sinabi ni Moises kay Aaron: “Ano ang ginawa ng bayang ito sa iyo at pinangunahan mo sila sa ganito kalaking kasalanan?” 22 Sumagot si Aaron: “Huwag kang magalit, panginoon ko. Alam na alam mo na laging masama ang ginagawa ng bayang ito.+ 23 Kaya sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyon, ang lalaking naglabas sa amin sa Ehipto.’+ 24 Kaya sinabi ko, ‘Kung may ginto ang sinuman sa inyo, hubarin ninyo iyon at ibigay sa akin.’ At inihagis ko iyon sa apoy at lumabas ang guyang ito.”
25 Nakita ni Moises na hindi makontrol ang bayan dahil hinahayaan lang sila ni Aaron, kaya naging kahiya-hiya sila sa mga kaaway nila. 26 Pumuwesto si Moises sa pintuang-daan ng kampo at nagsabi: “Sino ang nasa panig ni Jehova? Pumunta sa akin!”+ At lumapit sa kaniya ang lahat ng Levita. 27 Sinabi niya ngayon sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Dalhin ng bawat isa sa inyo ang espada niya at suyurin ninyo ang buong kampo, mula sa isang pintuang-daan hanggang sa isa pang pintuang-daan, at patayin ng bawat isa ang kaniyang kapatid, kapitbahay, at malapít na kaibigan.’”+ 28 Ginawa ng mga Levita ang sinabi ni Moises. Kaya mga 3,000 lalaki ang napatay nang araw na iyon. 29 Pagkatapos, sinabi ni Moises: “Pabanalin ninyo ang inyong sarili* ngayon para sa paglilingkod kay Jehova. Kinalaban ng bawat isa sa inyo ang sarili niyang anak at kapatid,+ kaya ngayon ay pagpapalain niya kayo.”+
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan: “Napakalaki ng kasalanang ginawa ninyo, kaya aakyat ako ngayon sa bundok para humarap kay Jehova at titingnan ko kung may magagawa ako para mapatawad niya ang kasalanan ninyo.”+ 31 Kaya bumalik si Moises kay Jehova at nagsabi: “Napakalaki ng pagkakasala ng bayang ito! Gumawa sila ng gintong diyos nila!+ 32 Pero kung maaari, patawarin mo ang kasalanan nila;+ kung hindi, pakisuyong burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.”+ 33 Pero sinabi ni Jehova kay Moises: “Buburahin ko sa aking aklat kung sino ang nagkasala sa akin. 34 Bumalik ka na, at akayin mo ang bayan sa lugar na sinabi ko sa iyo. Ang anghel ko ay mauuna sa iyo.+ At sa araw ng paghatol ko, paparusahan ko sila dahil sa mga kasalanan nila.” 35 At sinalot ni Jehova ang bayan dahil sa ginawa nilang guya, ang ginawa ni Aaron para sa kanila.