Mga Panaghoy
5 O Jehova, alalahanin mo ang nangyari sa amin.
Tingnan mo ang sinapit naming kahihiyan.+
2 Ang mana namin ay ibinigay sa mga estranghero; ang mga bahay namin, sa mga dayuhan.+
3 Kami ay naulila, walang ama; ang aming mga ina ay gaya ng mga biyuda.+
4 Kailangan naming magbayad para mainom ang sarili naming tubig,+ at binabayaran namin ang sarili naming panggatong.
5 Maaabutan na kami ng* mga tumutugis sa amin;
Pagod na pagod na kami, pero hindi kami makapagpahinga.+
6 Iniaabot namin ang kamay namin sa Ehipto+ at sa Asirya,+ para makakain ng sapat na tinapay.
7 Wala na ang mga ninuno namin na nagkasala, pero pinagbabayaran namin ang mga pagkakamali nila.
8 Mga lingkod ang namamahala sa amin ngayon; walang sinumang nagliligtas sa amin mula sa kamay nila.
9 Dahil sa espada sa ilang, isinasapanganib namin ang buhay namin+ para makakuha ng tinapay.
10 Ang balat namin ay naging kasing-init ng hurno, dahil sa sobrang gutom.+
11 Winalang-dangal* nila ang mga asawang babae sa Sion, ang mga dalaga sa mga lunsod ng Juda.+
12 Ang matataas na opisyal ay tinalian sa kamay at ibinitin,+ at ang matatandang lalaki ay hindi iginalang.+
13 Ang mga kabataang lalaki ay bumubuhat ng gilingan,* at ang mga batang lalaki ay nadadapa sa bigat ng buhat nilang kahoy.
14 Wala na ang matatandang lalaki sa pintuang-daan ng lunsod;+ hindi na tumutugtog ang mga kabataang lalaki.+
15 Wala nang kagalakan sa puso namin; ang sayawan ay napalitan ng pagdadalamhati.+
16 Ang korona sa ulo namin ay nahulog. Kaawa-awa kami, dahil nagkasala kami!
17 Dahil dito ay nasasaktan ang puso namin,+
At dahil sa mga bagay na ito ay lumabo ang mga mata namin.+
18 Dahil tiwangwang ang Bundok Sion,+ gumagala-gala na roon ang mga asong-gubat.*
19 Pero ikaw, O Jehova, mananatili kang nakaupo sa iyong trono magpakailanman.
Ang trono mo ay mananatili sa lahat ng henerasyon.+
20 Bakit lubusan mo kaming kinalimutan at pinabayaan nang napakatagal?+
21 Panumbalikin mo kami sa iyo, O Jehova, at manunumbalik kami agad sa iyo.+
Ibalik mo ang masasayang araw namin.+
22 Pero lubusan mo kaming itinakwil.
Galit na galit ka pa rin sa amin.+