Exodo
37 At ginawa ni Bezalel+ ang Kaban+ gamit ang kahoy ng akasya—dalawa at kalahating siko* ang haba, isa at kalahating siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas.+ 2 Binalutan niya iyon ng purong ginto sa loob at labas at pinalibutan ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito.+ 3 Pagkatapos, naghulma siya ng apat na gintong argolya* para dito, na ikakabit sa itaas ng apat na paa nito, dalawang argolya sa isang panig at dalawa sa kabila. 4 Sumunod, gumawa siya ng mga pingga* na yari sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto ang mga iyon.+ 5 At ipinasok niya ang mga pingga sa mga argolya na nasa mga gilid ng Kaban para mabuhat ang Kaban.+
6 Gumawa siya ng pantakip na purong ginto+—dalawa at kalahating siko ang haba at isa at kalahating siko ang lapad.+ 7 Gumawa rin siya ng dalawang kerubin+ na yari sa pinukpok na ginto para sa magkabilang dulo ng pantakip.+ 8 Ang isang kerubin ay nasa isang dulo, at ang isa pang kerubin ay nasa kabilang dulo. Ginawa niya ang mga kerubin na nasa magkabilang dulo ng pantakip. 9 Nakaunat paitaas ang mga pakpak ng dalawang kerubin, at natatakpan ng mga pakpak nila ang pantakip.+ Nakaharap sila sa isa’t isa at nakayuko sa pantakip.+
10 Gumawa siya ng mesa na yari sa kahoy ng akasya+—dalawang siko ang haba, isang siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas.+ 11 Binalutan niya iyon ng purong ginto at pinalibutan ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito. 12 Pagkatapos, gumawa siya para sa palibot nito ng isang panggilid na sinlapad-ng-kamay* at nilagyan niya ng gintong dekorasyon ang palibot ng panggilid. 13 At naghulma siya ng apat na gintong argolya para dito at inilagay ang mga argolya sa apat na kanto kung saan nakakabit ang apat na paa. 14 Malapit sa panggilid ang mga argolya, na pagsusuotan ng mga pingga na pambuhat sa mesa. 15 At gamit ang kahoy ng akasya, gumawa siya ng mga pingga na pambuhat sa mesa, at binalutan niya ng ginto ang mga iyon. 16 Pagkatapos, ginawa niya ang mga kagamitang nasa ibabaw ng mesa gamit ang purong ginto—ang mga pinggan, kopa, at mga mangkok at pitsel nito na gagamitin para ibuhos ang mga handog na inumin.+
17 Ginawa niya ang kandelero+ na yari sa purong ginto. Pinukpok na ginto ang ginamit niya sa paggawa nito. Isang buong piraso ito na may paanan, pinakakatawan, mga sanga, mga kalis,* mga buko,* at mga bulaklak.+ 18 May anim na sanga na nasa pinakakatawan nito, tatlong sanga sa isang panig ng kandelero at tatlong sanga sa kabilang panig. 19 Ang bawat sanga sa isang panig ay may tatlong kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. Ganiyan din ang bawat sanga sa kabilang panig. Ganito ang hitsura ng anim na sanga ng kandelero. 20 At ang pinakakatawan ng kandelero ay may apat na kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. 21 May buko sa ilalim ng unang dalawang sanga na nasa pinakakatawan ng kandelero. May buko rin sa ilalim ng sumunod na dalawang sanga at sa ilalim ng sumunod pang dalawang sanga. Ito ang puwesto ng anim na sanga sa pinakakatawan ng kandelero. 22 Ang mga buko, mga sanga, at ang buong kandelero ay isang buong piraso ng pinukpok na purong ginto. 23 At ginawa niya ang pitong ilawan,+ mga pang-ipit ng mitsa,* at mga lalagyan ng baga* nito gamit ang purong ginto. 24 Ginawa niya ito, pati na ang lahat ng kagamitan nito, gamit ang isang talento* ng purong ginto.
25 Ginawa niya ang altar ng insenso+ gamit ang kahoy ng akasya. Iyon ay parisukat, isang siko ang haba, isang siko ang lapad, at dalawang siko ang taas. Ang mga sungay at ang altar ay walang dugtong.+ 26 Binalutan niya iyon ng purong ginto: ang pinakaibabaw, ang lahat ng panig, at ang mga sungay nito; at pinalibutan niya ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito. 27 Gumawa siya para dito ng dalawang gintong argolya sa ibaba ng gintong dekorasyon nito sa magkabilang panig, na pagsusuotan ng mga pingga na pambuhat sa altar. 28 Pagkatapos, gumawa siya ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto ang mga iyon. 29 Ginawa rin niya ang banal na langis para sa pag-aatas+ at ang puro at mabangong insenso;+ mahusay ang pagkakatimpla sa mga ito.*