Deuteronomio
2 “Pagkatapos, umalis tayo at naglakbay papunta sa ilang sa Daan ng Dagat na Pula, gaya ng sinabi ni Jehova sa akin,+ at matagal tayong naglakbay sa paligid ng Bundok Seir. 2 Nang bandang huli, sinabi sa akin ni Jehova, 3 ‘Matagal na kayong naglalakbay sa paligid ng bundok na ito. Pumunta naman kayo sa hilaga. 4 Sabihin mo sa bayan: “Dadaan kayo sa may hangganan ng mga kapatid ninyo, ang mga inapo ni Esau,+ na nakatira sa Seir,+ at matatakot sila sa inyo;+ maging maingat kayo. 5 Huwag kayong makikipag-away sa kanila,* dahil hindi ko kayo bibigyan ng lupain nila, kahit pa kasinlaki lang ng paa, dahil ang Bundok Seir ay ibinigay ko na kay Esau.+ 6 Dapat ninyong bayaran ang anumang kakainin ninyo at ang tubig na iinumin ninyo.+ 7 Dahil pinagpala ng Diyos ninyong si Jehova ang lahat ng ginawa ninyo. Sinubaybayan niya ang paglalakbay ninyo sa malaking ilang na ito. Sumainyo ang Diyos ninyong si Jehova sa 40 taóng ito, at hindi kayo nagkulang ng anuman.”’+ 8 Kaya dumaan tayo sa may hangganan ng mga kapatid natin, ang mga inapo ni Esau,+ na nakatira sa Seir, at lumayo tayo sa daan ng Araba, sa Elat, at sa Ezion-geber.+
“Pagkatapos, lumiko tayo at naglakbay sa daang papunta sa ilang ng Moab.+ 9 At sinabi sa akin ni Jehova, ‘Huwag kayong makikipag-away o makikipagdigma sa Moab, dahil hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa lupain nito; ang Ar ay ibinigay ko na sa mga inapo ni Lot.+ 10 (Dating nakatira doon ang mga Emim,+ isang bayang malakas at malaki, at matatangkad sila na gaya ng mga Anakim. 11 Ang mga Repaim+ ay para ding mga Anakim,+ at tinatawag sila noon ng mga Moabita na Emim. 12 Mga Horita+ ang dating nakatira sa Seir, pero itinaboy sila at nilipol ng mga inapo ni Esau at tumira ang mga ito sa lupain nila;+ ganiyan ang gagawin ng Israel sa lupaing magiging pag-aari nila, na tiyak na ibibigay sa kanila ni Jehova.) 13 Ngayon, tawirin ninyo ang Lambak* ng Zered.’ Kaya tinawid natin ang Lambak* ng Zered.+ 14 Ang paglalakad natin mula sa Kades-barnea hanggang sa pagtawid sa Lambak* ng Zered ay umabot nang 38 taon, hanggang sa mamatay ang buong henerasyon ng mga lalaking mandirigma sa ating kampo, gaya ng isinumpa sa kanila ni Jehova.+ 15 Naging laban sa kanila ang kamay ni Jehova hanggang sa malipol sila mula sa kampo.+
16 “Nang mamatay na ang lahat ng lalaking mandirigma sa bayan,+ 17 nakipag-usap muli si Jehova sa akin, 18 ‘Dadaan kayo ngayon sa teritoryo ng Moab, sa Ar. 19 Kapag malapit na kayo sa mga Ammonita, huwag ninyo silang awayin o galitin, dahil hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa lupain ng mga Ammonita, dahil ibinigay ko na iyon sa mga inapo ni Lot.+ 20 Ito rin ay itinuturing dati na lupain ng mga Repaim.+ (Noon, ang mga Repaim ang nakatira dito at ang tawag sa kanila ng mga Ammonita ay Zamzumim. 21 Sila ay isang bayang malakas at malaki, at matatangkad sila na gaya ng mga Anakim;+ pero nilipol sila ni Jehova sa harap ng mga Ammonita, at pinaalis sila ng mga ito at nanirahan sa lupain nila. 22 Ito ang ginawa niya para sa mga inapo ni Esau, na nakatira ngayon sa Seir,+ noong lipulin niya ang mga Horita+ sa harap nila, para mapaalis nila ang mga ito sa lupain at manirahan sila roon hanggang sa araw na ito. 23 Ang mga Avim naman ay nanirahan sa mga pamayanan sa rehiyon ng Gaza,+ pero nilipol sila ng mga Captorim,+ na nagmula sa Captor,* at nanirahan ang mga ito sa lupain nila.)
24 “‘Maghanda kayo, tawirin ninyo ang Lambak* ng Arnon.+ Tingnan ninyo, ibinigay ko na sa inyo si Sihon+ na Amorita, na hari ng Hesbon. Kaya kunin ninyo ang lupain niya, at makipagdigma kayo sa kaniya. 25 Mula ngayon, ang lahat ng tao sa ibabaw ng lupa* na makakabalita tungkol sa inyo ay manghihilakbot at matatakot sa inyo dahil sa akin. Maliligalig sila at manginginig* dahil sa inyo.’+
26 “Pagkatapos, may mga isinugo ako mula sa ilang ng Kedemot+ para sabihin kay Haring Sihon ng Hesbon ang mensaheng ito ng kapayapaan,+ 27 ‘Paraanin mo ako sa iyong lupain. Sa pangunahing daan lang ako dadaan, at hindi ako liliko sa kanan o sa kaliwa.+ 28 Ang pagkain at tubig na ipagbibili mo sa akin, iyon lang ang kakainin ko at iinumin. Paraanin mo lang ako 29 —iyan ang ginawa para sa akin ng mga inapo ni Esau na nakatira sa Seir at ng mga Moabita na nakatira sa Ar—hanggang sa makatawid ako sa Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa amin ng Diyos naming si Jehova.’ 30 Pero hindi kami pinadaan ni Haring Sihon ng Hesbon, dahil hinayaan ni Jehova na iyong Diyos na magmataas siya at magmatigas ang puso niya,+ para mapasakamay mo ang lupain niya, gaya ng kalagayan ngayon.+
31 “At sinabi ni Jehova sa akin, ‘Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyo si Sihon at ang lupain niya. Kunin mo na ang lupain niya.’+ 32 Nang si Sihon at ang buong bayan niya ay makipaglaban sa atin sa Jahaz,+ 33 ibinigay siya sa atin ng Diyos nating si Jehova, kaya natalo natin siya, ang mga anak niya, at ang buong bayan niya. 34 Sinakop natin noon ang lahat ng lunsod niya at winasak* ang mga iyon, at pinatay natin ang mga lalaki, babae, at bata. Wala tayong itinirang buháy.+ 35 Ang mga alagang hayop lang ang kinuha natin, kasama ng samsam sa sinakop nating mga lunsod. 36 Mula sa Aroer,+ na nasa gilid ng Lambak* ng Arnon (pati ang lunsod na nasa lambak), hanggang sa Gilead, walang bayan na hindi natin natalo. Ibinigay silang lahat sa atin ng Diyos nating si Jehova.+ 37 Pero hindi kayo lumapit sa lupain ng mga Ammonita,+ ang buong Lambak* ng Jabok+ at ang mga lunsod sa mabundok na rehiyon, o sa iba pang lugar na ipinagbawal ng Diyos nating si Jehova.