Levitico
6 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Kung ang sinuman ay magkasala at gumawi nang di-tapat kay Jehova+ dahil nilinlang niya ang kapuwa niya may kinalaman sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya+ o inilagak sa kaniya, o ninakawan o dinaya niya ang kapuwa niya, 3 o may nakita siyang nawawalang bagay at nagsinungaling tungkol dito, at kung sumumpa siya nang may kasinungalingan na hindi niya ginawa ang alinman sa mga kasalanang ito,+ ganito ang dapat niyang gawin: 4 Kung nagkasala siya, dapat niyang ibalik ang ninakaw niya, ang kinikil niya, ang kinuha niya nang may pandaraya, ang ipinagkatiwala sa kaniya, o ang nakita niyang nawawalang bagay, 5 o ang anumang bagay na may kinalaman doon ay nanumpa siya nang may kasinungalingan; dapat niyang ibalik ang buong halaga nito+ at magdaragdag pa siya ng sangkalima* ng halaga nito. Ibibigay niya iyon sa may-ari sa araw na mapatunayang nagkasala siya. 6 At bilang handog para sa pagkakasala kay Jehova, magdadala siya sa saserdote ng isang malusog na lalaking tupa mula sa kawan; ang halaga nito ay ayon sa tinatayang halaga ng handog para sa pagkakasala.+ 7 Ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova, at mapatatawad siya sa anumang pagkakasalang nagawa niya.”+
8 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 9 “Utusan mo si Aaron at ang mga anak niya, ‘Ito ang kautusan tungkol sa handog na sinusunog:+ Ang handog na sinusunog ay mananatili sa apuyan sa ibabaw ng altar nang buong gabi hanggang umaga, at pananatilihing nagniningas ang apoy sa altar. 10 Isusuot ng saserdote ang kaniyang opisyal na damit na lino,+ at isusuot niya ang panloob* na lino.+ Pagkatapos, kukunin niya ang abo*+ ng handog na sinusunog na natupok ng apoy sa ibabaw ng altar at ilalagay iyon sa tabi ng altar. 11 At huhubarin niya ang mga kasuotan niya,+ magpapalit ng damit, at dadalhin ang abo sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo.+ 12 Pananatilihing nagniningas ang apoy sa altar. Hindi ito dapat mamatay. Dapat magsunog doon ng kahoy ang saserdote+ tuwing umaga at aayusin niya ang handog na sinusunog sa ibabaw nito, at susunugin niya ang taba ng mga haing pansalo-salo para pumailanlang ang usok.+ 13 Pananatilihing nagniningas ang apoy sa ibabaw ng altar. Hindi ito dapat mamatay.
14 “‘At ito ang kautusan tungkol sa handog na mga butil:+ Kayong mga anak ni Aaron ang magdadala nito sa altar, sa harap ni Jehova. 15 Ang isa sa kanila ay kukuha ng sandakot ng magandang klase ng harina ng handog na mga butil at ng langis nito, kasama ang lahat ng olibano nito na nasa ibabaw ng handog na mga butil, at pauusukin niya iyon sa ibabaw ng altar, isang nakagiginhawang amoy bilang alaalang handog* kay Jehova.+ 16 Kakainin ni Aaron at ng mga anak niya ang matitira dito.+ Gagawin itong tinapay na walang pampaalsa at kakainin sa isang banal na lugar. Kakainin nila ito sa looban* ng tolda ng pagpupulong.+ 17 Hindi ito hahaluan ng pampaalsa kapag niluto.+ Ibinigay ko ito bilang bahagi nila mula sa mga handog para sa akin na pinaraan sa apoy.+ Ito ay kabanal-banalang bagay,+ tulad ng handog para sa kasalanan at ng handog para sa pagkakasala. 18 Bawat lalaki sa mga anak ni Aaron ay kakain nito.+ Sa lahat ng inyong henerasyon, ito ang magiging permanenteng paglalaan para sa kanila mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.+ Ang lahat ng madidikit sa mga ito* ay magiging banal.’”
19 Kinausap muli ni Jehova si Moises: 20 “Ito ang handog na dadalhin ni Aaron at ng mga anak niya kay Jehova sa araw na papahiran ng langis ang sinuman sa kanila:+ ikasampu ng isang epa*+ ng magandang klase ng harina para sa paghahain ng handog na mga butil,+ kalahati nito sa umaga at kalahati sa gabi. 21 Ihahanda ito nang may langis sa malapad na lutuan.+ Lalagyan mo ito ng maraming langis at ihahandog nang pira-piraso bilang nilutong handog na mga butil, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova. 22 Ang gagawa nito ay ang inatasang* saserdote na hahalili sa kaniya mula sa mga anak niya.+ Ito ay isang tuntunin hanggang sa panahong walang takda: Pauusukin ito bilang buong handog kay Jehova. 23 Ang bawat handog na mga butil ng saserdote ay dapat ihandog nang buo. Hindi ito kakainin.”
24 Kinausap muli ni Jehova si Moises: 25 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niya, ‘Ito ang kautusan tungkol sa handog para sa kasalanan:+ Sa lugar kung saan pinapatay ang handog na sinusunog,+ doon din papatayin sa harap ni Jehova ang handog para sa kasalanan. Ito ay kabanal-banalang bagay. 26 Kakainin ito ng saserdote na maghahandog nito para sa kasalanan.+ Kakainin ito sa isang banal na lugar, sa looban ng tolda ng pagpupulong.+
27 “‘Lahat ng madidikit sa karne nito ay magiging banal, at kapag nalagyan ng dugo nito ang damit ng isang tao, dapat niyang labhan sa isang banal na lugar ang nalagyan ng dugo. 28 Ang palayok na pinagpakuluan nito ay dapat basagin. Pero kapag pinakuluan ito sa tansong sisidlan, ang sisidlan ay dapat kuskusin at banlawan ng tubig.
29 “‘Ang bawat lalaki, na saserdote, ay kakain nito.+ Ito ay kabanal-banalang bagay.+ 30 Pero hindi dapat kainin ang handog para sa kasalanan kung ang dugo nito ay dinala sa loob ng tolda ng pagpupulong, sa banal na lugar, bilang pambayad-sala.+ Susunugin ito.