Ikalawang Cronica
17 At ang anak niyang si Jehosapat+ ang naging hari kapalit niya, at pinatibay ni Jehosapat ang posisyon niya sa Israel. 2 Nagpuwesto siya ng mga hukbong militar sa lahat ng napapaderang* lunsod ng Juda at naglagay siya ng mga himpilan sa lupain ng Juda at sa mga lunsod ng Efraim na sinakop ng ama niyang si Asa.+ 3 Patuloy na pinatnubayan ni Jehova si Jehosapat dahil lumakad siya sa daan ng ninuno niyang si David+ at hindi siya naglingkod sa mga Baal. 4 Dahil pinaglingkuran niya ang Diyos ng kaniyang ama+ at sinunod niya ang* Kaniyang utos at hindi ang mga kaugalian ng Israel.+ 5 Ang kaharian ay pinanatiling matatag ni Jehova sa kaniyang kamay;+ at ang buong Juda ay patuloy na nagbigay ng mga regalo kay Jehosapat, at nagkaroon siya ng saganang kayamanan at kaluwalhatian.+ 6 Buong tapang siyang lumakad sa mga daan ni Jehova, at inalis pa nga niya ang matataas na lugar+ at ang mga sagradong poste*+ sa Juda.
7 Noong ikatlong taon ng paghahari niya, ipinatawag niya ang kaniyang matataas na opisyal, sina Ben-hail, Obadias, Zacarias, Netanel, at Micaias, para magturo sa mga lunsod ng Juda. 8 May mga kasama silang Levita: sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonias, Tobias, at Tob-adonias, at kasama nila ang mga saserdoteng sina Elisama at Jehoram.+ 9 Dala ang aklat ng Kautusan ni Jehova, nagturo sila sa Juda.+ Nilibot nila ang lahat ng lunsod ng Juda at tinuruan ang mga tao.
10 At natakot kay Jehova ang lahat ng kaharian ng mga lupaing nakapalibot sa Juda, at hindi sila nakipaglaban kay Jehosapat. 11 At ang mga Filisteo ay nagdala kay Jehosapat ng mga regalo at pera bilang tributo.* Ang mga Arabe ay nagdala sa kaniya ng 7,700 lalaking tupa at 7,700 lalaking kambing mula sa mga kawan nila.
12 Lalong naging makapangyarihan si Jehosapat,+ at patuloy siyang nagtayo ng mga tanggulan+ at ng mga imbakang lunsod+ sa Juda. 13 Nagkaroon siya ng malalaking proyekto sa mga lunsod ng Juda, at siya ay may mga sundalo, malalakas na mandirigma, sa Jerusalem. 14 Pinagpangkat-pangkat sila ayon sa kanilang angkan. Ito ang mga pinuno ng libo-libo: mula sa Juda, si Adnah na pinuno, at may kasama siyang 300,000 malalakas na mandirigma.+ 15 At nasa ilalim ng pamamahala niya si Jehohanan na pinuno, at may kasama itong 280,000. 16 Nasa ilalim din ng pamamahala niya ang anak ni Zicri na si Amasias, na nagboluntaryo sa paglilingkod kay Jehova, at may kasama itong 200,000 malalakas na mandirigma. 17 At mula sa Benjamin+ ay si Eliada, isang malakas na mandirigma, at may kasama siyang 200,000 lalaking may pana at kalasag.+ 18 At nasa ilalim ng pamamahala niya si Jehozabad, at may kasama itong 180,000 lalaking nasasandatahan para sa digmaan. 19 Naglilingkod sila sa hari bukod pa sa mga inilagay ng hari sa mga napapaderang lunsod sa buong Juda.+