Apocalipsis kay Juan
3 “Sa anghel ng kongregasyon sa Sardis ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng isa na may pitong espiritu ng Diyos+ at pitong bituin:+ ‘Alam ko ang mga ginagawa mo, na buháy ka lang sa pangalan,* pero ang totoo, ikaw ay patay.+ 2 Maging mapagbantay ka,+ at palakasin mo ang mga bagay na natitira na malapit nang mamatay, dahil nakita kong hindi mo lubusang ginawa* ang mga ipinagagawa ng aking Diyos. 3 Kaya lagi mong isipin* kung paano mo tinanggap at narinig ang mensahe, at patuloy mong sundin ito, at magsisi ka.+ Tinitiyak ko sa iyo na kung hindi ka gigising, darating ako na gaya ng magnanakaw,+ at hindi mo malalaman kung anong oras ako darating sa iyo.+
4 “‘Pero may ilang indibidwal* sa Sardis na hindi nagparungis ng damit nila,+ at lalakad silang kasama ko na nakaputi,+ dahil karapat-dapat sila. 5 Kaya ang magtatagumpay*+ ay daramtan ng puting damit,+ at hinding-hindi ko buburahin ang pangalan niya sa aklat ng buhay,+ kundi kikilalanin ko ang pangalan niya sa harap ng aking Ama at sa harap ng mga anghel niya.+ 6 Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.’
7 “Sa anghel ng kongregasyon sa Filadelfia ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng isa na banal,+ ng isa na totoo,+ na may hawak ng susi ni David,+ ang nagbubukas para walang sinumang makapagsara at ang nagsasara para walang sinumang makapagbukas: 8 ‘Alam ko ang mga ginagawa mo—naglagay ako sa harap mo ng isang bukás na pinto,+ na walang sinumang makapagsasara. At alam ko na may kaunti kang kapangyarihan, at sinunod mo ang salita ko at hindi mo tinalikuran ang pangalan ko. 9 Ang mga nagmula sa sinagoga ni Satanas na nagsasabing mga Judio sila pero hindi naman talaga,+ kundi nagsisinungaling lang, ay papupuntahin ko sa iyo at payuyukurin sa paanan mo, at ipaaalam ko sa kanila na minahal kita. 10 Dahil tinularan mo ang narinig mo tungkol sa pagtitiis* ko,*+ iingatan kita sa oras ng pagsubok+ na darating sa buong lupa para ilagay sa pagsubok ang lahat ng nasa lupa. 11 Malapit na akong dumating.+ Patuloy kang manghawakan sa taglay mo, para walang sinumang kumuha ng korona mo.+
12 “‘Ang magtatagumpay—gagawin ko siyang isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas mula roon, at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Diyos+ at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang Bagong Jerusalem+ na bumababa mula sa langit, mula sa aking Diyos, at ang bago kong pangalan.+ 13 Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.’
14 “Sa anghel ng kongregasyon sa Laodicea+ ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng Amen,+ ang saksing tapat at totoo,+ ang pasimula ng paglalang* ng Diyos:+ 15 ‘Alam ko ang mga ginagawa mo, na hindi ka malamig at hindi ka rin mainit. Ang gusto ko sana ay malamig ka o kaya ay mainit. 16 Kaya dahil maligamgam ka at hindi ka mainit+ o malamig,+ isusuka kita. 17 Sinasabi mo, “Mayaman ako+ at nakapag-ipon ng kayamanan, at wala na akong kailangan pa,” pero hindi mo alam na ikaw ay miserable at kaawa-awa at dukha at bulag at hubad. 18 Kaya pinapayuhan kita na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy para yumaman ka, at ng mga puting damit para may maisuot ka at hindi mahantad ang kahiya-hiya mong kahubaran,+ at ng pamahid sa mata+ para makakita ka.+
19 “‘Ang lahat ng mahal ko ay sinasaway ko at dinidisiplina.+ Kaya maging masigasig ka at magsisi.+ 20 Nakatayo ako sa may pintuan at kumakatok. Kung may makarinig ng tinig ko at magbukas ng pinto, papasok ako sa bahay niya at maghahapunan kaming magkasama. 21 Ang magtatagumpay+ ay pauupuin kong kasama ko sa aking trono,+ kung paanong ako ay nagtagumpay at umupong+ kasama ng aking Ama sa trono niya. 22 Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.’”