Malakias
1 Isang proklamasyon:
Ang mensahe ni Jehova sa Israel sa pamamagitan ni Malakias:*
2 “Inibig ko kayo,”+ ang sabi ni Jehova.
Pero sinasabi ninyo: “Paano mo kami inibig?”
“Kapatid ni Jacob si Esau, hindi ba?”+ ang sabi ni Jehova. “Pero inibig ko si Jacob, 3 at kinapootan ko si Esau;+ at ginawa kong tiwangwang+ ang kaniyang kabundukan at iniwan ko ang kaniyang mana sa mga chakal sa ilang.”+
4 “Sinasabi ng Edom,* ‘Dinurog kami, pero babalik kami at itatayo namin ang mga nawasak,’ pero ito naman ang sinasabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Magtatayo sila, pero gigibain ko iyon, at iyon ay tatawaging “teritoryo ng kasamaan” at sila ay tatawaging “bayang isinumpa ni Jehova magpakailanman.”+ 5 Makikita iyon ng sarili ninyong mga mata, at sasabihin ninyo: “Purihin nawa si Jehova sa buong teritoryo ng Israel.”’”
6 “‘Ang anak ay nagpaparangal sa ama,+ at ang lingkod ay nagpaparangal sa panginoon niya. Kaya kung ako ay ama,+ nasaan ang karangalan para sa akin?+ At kung ako ay panginoon,* nasaan ang pagkatakot* sa akin?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo sa inyo na mga saserdoteng humahamak sa pangalan ko.+
“‘Pero sinasabi ninyo: “Paano namin hinamak ang pangalan mo?”’
7 “‘Sa pamamagitan ng paghahandog ng maruming pagkain* sa altar ko.’
“‘At sinasabi ninyo: “Paano ka namin pinarumi?”’
“‘Dahil sinasabi ninyo: “Ang mesa ni Jehova+ ay nararapat lang hamakin.” 8 At kapag naghahandog kayo ng bulag na hayop, sinasabi ninyo: “Hindi masama iyon.” At kapag naghahandog kayo ng pilay o may-sakit na hayop: “Hindi masama iyon.”’”+
“Pakisuyo, subukan mong ibigay iyon sa gobernador ninyo. Matutuwa kaya siya sa iyo? Maganda kaya ang magiging pagtanggap niya sa iyo?” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
9 “Ngayon, pakisuyo, makiusap kayo sa* Diyos para magpakita siya sa atin ng kabaitan. Kung ganiyan ang inihahandog ninyo, maganda kaya ang magiging pagtanggap niya sa inyo?” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
10 “At sino sa inyo ang handang magsara ng pinto?*+ Hindi man lang ninyo masindihan ang altar ko nang walang bayad.+ Hindi ako natutuwa sa inyo,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at hindi ako nalulugod sa anumang inihahandog ninyo.”+
11 “Dahil mula sa sikatan ng araw hanggang sa lubugan nito,* magiging dakila ang pangalan ko sa mga bansa.+ Sa lahat ng lugar, ang mga handog ay pauusukin, at magbibigay sila ng mga hain para sa pangalan ko, bilang malinis na kaloob; dahil magiging dakila ang pangalan ko sa mga bansa,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
12 “Pero nilalapastangan ninyo ito*+ sa pagsasabing ‘Ang mesa ni Jehova ay marumi, at ang inihahandog doon, ang pagkain doon, ay dapat lang hamakin.’+ 13 Sinasabi rin ninyo, ‘Nakakapagod!’ at iniismiran ninyo iyon,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. “At nagdadala kayo ng ninakaw, pilay, at may-sakit na mga hayop. Oo, nagdadala kayo ng mga ganoon bilang kaloob! Tatanggapin ko ba ang mga iyon?”+ ang sabi ni Jehova.
14 “Sumpain ang taong nandaraya, na may malusog na lalaking hayop sa kawan niya, pero matapos manata, ang inihahandog niya kay Jehova ay isang hayop na may depekto. Dahil ako ay dakilang Hari,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at ang pangalan ko ay katatakutan* ng mga bansa.”+