Manatili sa Iyong Pagkatakot kay Jehova
“‘Ako’y isang dakilang Hari,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at ang aking pangalan ay magiging kakila-kilabot sa gitna ng mga bansa.’”—MALAKIAS 1:14.
1, 2. (a) Anong matinding mensahe ang nasa aklat ni Malakias? (b) Anong aral ang ibinibigay ng pambungad na mga salita ng pasabi ni Jehova?
“ISANG pagpapahayag: Ang salita ni Jehova tungkol sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.” (Malakias 1:1) Ang maikli, nakapupukaw na pangungusap na ito ang pambungad ng aklat ni Malakias sa Bibliya. Sa Bibliya ang gayong pagpapahayag ay karaniwan nang isang pagsasalita laban sa kabalakyutan. Ito’y tiyak na totoo kung tungkol sa aklat ni Malakias na may tuwiran at matinding mensahe sa bansang Israel. Ang ating pagsasaalang-alang nito ay magtatampok sa pangangailangan na manatili sa ating pagkatakot kay Jehova at sa ating pag-ibig sa kaniya.
2 Ang unang dalawang talata ng aklat ay nagbibigay ng isang aral sa pagbibigay ng payo. Tinitiyak ni Jehova sa mga nakikinig sa kaniya ang kaniyang paghahangad na tulungan sila: “‘Kayo’y inibig ko noon pa man,’ sabi ni Jehova.” Anong nagbibigay ng kasiguruhan, nagpapagalak-puso na pambungad para sa mga tapat-pusong tao sa delingkuwenteng Israel. Ang pasabi ay nagpapatuloy: “At iyong sinabi: ‘Paano mo kami inibig?’ ‘Hindi baga si Esau ay kapatid ni Jacob?’ ang sabi ni Jehova. ‘Subalit inibig ko si Jacob, at si Esau ay kinapootan ko; at sa wakas ang kaniyang mga bundok ay ginawa kong isang iláng ng kagibaan at ang kaniyang mana ay naging tirahan ng maiilap na aso sa gubat.’”—Malakias 1:2, 3.
3. Ano ang mga dahilan at inibig ni Jehova si Jacob at kinapootan naman si Esau?
3 Bakit inibig ni Jehova si Jacob at, nang malaunan, ang mga inapo ni Jacob, ang mga Israelita? Ang dahila’y sapagkat si Jacob ay may takot sa Diyos at iginalang niya ang kaniyang may takot sa Diyos na mga magulang. Sa kabilang dako, si Esau ay isang taong mapag-imbot, na walang pagkatakot sa Diyos. At, siya’y walang paggalang sa kaniyang mga magulang, na may bigay-Diyos, likas na karapatang asahan siya na gagalang sa kanila. Matuwid naman, inibig ni Jehova si Jacob ngunit kaniyang kinapootan si Esau. Ito’y isang babala sa atin. Kailangang iwasan natin ang pagkawala ng pagkatakot sa Diyos at ang pagiging isang materyalista na gaya ni Esau, na walang ibang hinangad kundi bigyang-kasiyahan ang mga pita ng kaniyang laman.—Genesis 26:34, 35; 27:41; Hebreo 12:16.
4, 5. (a) Ang hakbangin sa buhay ni Jacob at ni Esau ay nagkaroon ng anong epekto sa kanilang mga inapo? (b) Paano sana ito nakaapekto sa mga Israelita?
4 Kung paanong ang hakbangin ni Jacob ay naging isang pagpapala para sa kaniyang mga inapo, ang mga Israelita, ang hakbangin naman ni Esau ay naging ang eksaktong kabaligtaran para sa kaniyang mga inapo, ang mga Edomita. Ang mga Edomita ay hindi nagtamasa ng pagpapala ni Jehova. Sa halip, dahil sa kanilang napakasamang pagsalansang sa kaniyang pinakipagtipanang bayan, sila’y kinapootan ni Jehova. Sila’y nagapi ng mga hukbo ni Nabucodonosor at nang malaunan ng mga Arabiano. Sa wakas, gaya ng inihula ni Jehova, ang mga Edomita ay naparam bilang isang bansa.—Obadias 18.
5 Ang mga paghatol ng Diyos sa Edom ay nagsimula bago pa noong kaarawan ni Malakias. Paano nga sana naapektuhan nito ang mga Israelita? Ganito ang sabi ni Jehova sa kanila: “Makikita iyon ng iyong sariling mga mata, at kayo mismo ang magsasabi: ‘Dakilain nawa si Jehova sa teritoryo ng Israel.’” (Malakias 1:5) Sa loob ng lumakad na mga siglo, nakita ng Israel sa pamamagitan ng kaniyang “sariling mga mata” ang pag-ibig sa kaniya ni Jehova bilang isang bansa.
Ipakikita ng Ating mga Kilos Kung Tayo’y Natatakot sa Diyos
6. Ano ang ipinaratang ni Jehova sa mga Israelita?
6 Ang pagpapahayag ay nagpapatuloy: “‘Iginagalang ng anak ang kaniyang ama; at ng alila ang kaniyang dakilang panginoon. Kaya kung ako’y ama, nasaan ang dangal ko? At kung ako’y isang dakilang panginoon, nasaan ang takot sa akin?’ sinabi sa inyo ni Jehova ng mga hukbo, Oh mga saserdoteng humahamak sa aking pangalan.” (Malakias 1:6; Exodo 4:22, 23; Deuteronomio 32:6) Ang mga Israelita ay itinuwid ni Jehova, sila’y pinaglaanan, at binigyan niya ng proteksiyon, gaya ng isang ama na gumagawa nito para sa kaniyang anak. Ano naman ang matuwid na asahan niya bilang ganti? Ang siya’y igalang at katakutan. Ang bansa, kasali na ang mga saserdote, ay hindi gumawa nito, kundi bagkus pa, ay nagpakita ng kawalang-paggalang sa pangalan ni Jehova, at hinamak pa iyon. Sila’y naging “mga anak na mapaghimagsik.”—Jeremias 3:14, 22; Deuteronomio 32:18-20; Isaias 1:2, 3.
7. Ano ang nadama ng mga Israelita tungkol sa paratang na ito, at ano ang tugon ni Jehova sa kanila?
7 Ang mga Israelita ay nagtanong: “Sa paano namin hinamak ang iyong pangalan?” Matindi ang tugon ni Jehova: “ ‘Kayo’y naghandog ng karumal-dumal na tinapay sa aking dambana.’ At sinabi ninyo: ‘Sa paano namin nilapastangan ka?’ Sa inyong pagsasabi: ‘Ang mesa ni Jehova ay isang bagay na dapat hamakin.’ At pagka kayo’y naghahandog ng bulag na hayop na pinaka-hain: ‘Walang masama riyan.’ At pagka kayo’y naghahandog ng hayop na pilay o may sakit: ‘Walang masama riyan.’ ‘Pakisuyo nga, dalhin ninyo sa inyong tagapamahala. Kayo kaya’y kalulugdan niya, o tatanggapin kaya niya kayo nang may kagandahang-loob?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—Malakias 1:6-8.
8. Ano ang ipinakikita ng mga Israelita sa pamamagitan ng kanilang mga kilos?
8 Maguguniguni mo ang isang Israelita na nagmamasid sa kaniyang kawan at palihim na pumipili ng isang bulag o pilay na hayop upang ihandog kay Jehova. Sa ganitong paraan ay maaari siyang magkunwa na gumagawa ng paghahain ngunit ang pinakamagaling sa kaniyang kawan ay may pag-iimbot na itinatabi niya para sa kaniyang sarili. Siya’y hindi mangangahas na gawin ang gayon sa tagapamahala! Subalit iyon ay ginawa ng mga Israelita kay Jehova—na para bang hindi niya nakikita ang kanilang pakana at pagdarayang iyon. Kaya naman, may katuwiran si Jehova na tanungin sila, “Nasaan ang takot sa akin?” Sa kanilang pananalita, marahil kanilang sinasabi na sila’y natatakot kay Jehova, subalit ang kanilang mga kilos ay maliwanag na kabaligtaran ng kanilang sinasabi.—Deuteronomio 15:21.
9. Ano naman ang reaksiyon ng mga saserdote sa ginagawa ng mga tao?
9 Ano naman ang reaksiyon ng mga saserdote sa napakahamak na mga haing ito? Sinabi nila: “Walang masama riyan.” Kanilang ipinagmatuwid ang kasamaan ng mga Israelita. Kaya naman bagaman ang mga bihag na nagsibalik galing sa Babilonya ay naging masigasig sa pasimula sa pagsasauli ng tunay na pagsamba, nang bandang huli sila ay naging pabaya, mapagmataas, at matuwid sa kanilang sarili. Sila’y nawalan ng pagkatakot kay Jehova. Sa gayon, ang kanilang paglilingkod sa templo ay naging walang kabuluhan, at ang mga kapistahan ay ginaganap nila bilang isang pormalidad lamang.—Malakias 2:1-3; 3:8-10.
10. (a) Anong hain ang ibig ni Jehova ngayon? (b) Sa paano lamang sasang-ayunan ni Jehova ang ating hain?
10 Baka ang iba’y tumutol nang ganito: ‘Ito’y hindi kapit sa atin; hindi na tayo naghahandog ng mga haing hayop.’ Subalit tayo’y may ibang uri ng hain na inihahandog. Pansinin ang apurahang panawagan ni Pablo: “Ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran.” (Roma 12:1) Ang hain na ibig ni Jehova sa ngayon ay ikaw! Na ang ibig sabihin ay, ang iyong lakas, ari-arian, at mga kakayahan. Ang ating hain ay saka lamang niya sasang-ayunan kung iyon ay siyang ating pinakamagaling. Ang paghahandog kay Jehova ng mga labí-labihán, tulad ng isang pilay, may sakit na hain, ay tiyak na may epekto sa ating kaugnayan sa kaniya.
11. Anong pagsusuri ang dapat gawin ng bawat nag-alay na lingkod ni Jehova?
11 Kahit na marahil kung sabihin ng iba, sa katunayan, “Walang masama riyan,” alam natin kung ano ang damdamin ni Jehova tungkol dito. Kung gayon, maingat na suriin natin ang “hain” ng “banal na paglilingkod” na ating inihahandog, na kasali na riyan ang bahagi natin sa pangangaral, personal na pag-aaral, panalangin, at pagdalo sa mga pulong. Ikaw ba ay nasisiyahan na naihahandog mo kay Jehova ang iyong pinakamagaling, o iyon ba ay isa lamang labí-labihán? Mayroong panganib na ang isa’y mapalulong sa paglilibang o sa pagliliwaliw kung dulo ng sanlinggo na anupa’t ang isa’y wala nang panahon o lakas na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian at dumalo sa mga pulong. Ang ating buong paraan ng buhay, ang ating araw-araw na pamumuhay, kasali na ang mga saloobin at mga motibo, ay dapat na mapaugnay sa hain na inihahandog natin kay Jehova. Hayaang iyon ang pinakamagaling!
Kung Sino ang mga Tunay na Natatakot sa Diyos
12. Anong payo ang ibinibigay ngayon?
12 “At ngayon,” ang sabi ng hula, “makisuyo tayo sa Diyos, upang tayo’y pagpakitaan niya ng kagandahang-loob.” (Malakias 1:9) Ang mga Israelita ay hinihimok ni Jehova na gumawa ng matuwid, magpakita ng wastong pagkatakot sa Diyos, at ihandog sa kaniya ang karapat-dapat sa kaniya. Ganiyan din ang kailangang gawin natin sa ngayon. Tanging sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga kahilingan ni Jehova makakamit natin at mapananatili sa atin ang kaniyang kagandahang-loob.
13. (a) Kung walang pagkatakot sa Diyos, sa anong silo maaari tayong mahulog? (b) Paano naapektuhan ng kasakiman ang mga saserdoteng Israelita?
13 Kung wala tayo ng wastong pagkatakot sa Diyos, ang ating paglilingkod sa kaniya ay maaaring gawin natin na isa lamang pormalismo at upang magkamit tayo ng mapag-imbot na pakinabang. Pansinin kung paano nagtatanong si Jehova sa mga saserdoteng Israelita tungkol sa kanilang paglilingkod sa templo: “ ‘Sino ba sa inyo ang magsasara ng pinto? At kayong mga tao, hindi ninyo iilawan ang aking dambana—nang walang kapalit na upa. Hindi ko kayo kinalulugdan,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at sa kaloob na handog ng inyong kamay ay wala kong kaluguran.’” (Malakias 1:10) Ah, oo, ang mga saserdote ay gumaganap noon ng tungkulin sa templo, kanilang ikinakandado ang mga pinto ng santuwaryo, iniilawan ang mga dambana. Subalit hindi nila ginagawa ito kung walang kapalit na upa. Sila’y naghahanap ng mga pabuya at mga suhol sa mga Israelita na nagpupunta roon upang maghain sa templo. Sila’y hindi kinalulugdan noon ni Jehova, at siya’y hindi rin nalulugod ngayon, sa paglilingkod na ginagawa para lamang sa mapag-imbot na pakinabang. Ito’y kasuklam-suklam sa kaniya.
14. Bakit sa tuwina’y kailangang mag-ingat laban sa kasakiman?
14 Ang pangangailangan na mag-ingat laban sa kaimbutan at kasakiman ay hindi nagbabawa sa ating kaarawan. Paulit-ulit na ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng babala laban sa kasakiman, at sinasabi na ang mga taong sakim ay hindi sinasang-ayunan ni Jehova. (1 Corinto 6:10; Efeso 5:5) Sa pagtupad sa ating ministeryo, harinawang ang ating pag-ibig at pagkatakot kay Jehova ay magpalaya sa atin sa pagsasagawa niyaon dahil sa mapag-imbot na pakinabang. Dapat na dagling supilin natin ang pagkakaugat ng gayong mga hilig na maaaring tumutubo sa ating puso. Ang hinirang na matatanda at ang ministeryal na mga lingkod ang lalo nang pinag-iingat laban sa “kasakiman sa mahalay na pakinabang.” (Tito 1:7; 1 Timoteo 3:8; 1 Pedro 5:2) Ang iba ay maaaring sadyang nakikipagkaibigan tangi lamang sa mga kapatid na makatutulong sa kanila sa materyal na paraan, at ang resulta nito’y paboritismo at ang pag-aatubili na payuhan ang gayong mga tao. Kailanman ay hindi natin ibig na maging katulad ng sakim na mga saserdote ng Israel na naghahanap ng mga pabuya at mga suhol buhat sa kanilang mga kapuwa Israelita.
15. (a) Paano ipinakita ni Malakias na magkakaroon ng mga taong natatakot kay Jehova sa lahat ng panig ng mundo? (b) Ano pang mga ibang talata ang sumusuporta rito?
15 Sa ngayon, kung si Jehova’y magtatanong, “Nasaan ang takot sa akin?” mayroon bang sinumang bayan na makatutugon, ‘Narito kami, yaong mga natatakot sa iyo’? Tiyak na tiyak iyan! Sino? Ang tapat na mga saksi ni Jehova, na matatagpuan sa lahat ng panig ng mundo. Ang internasyonal na grupong ito ng mga tao at ang gawain na kanilang gagawin ay inihula sa Malakias 1:11: “‘Sapagkat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga bansa, at . . . paghahandugan ng kamangyan ang aking pangalan, at ng isang dalisay na handog; sapagkat ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga bansa,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—Tingnan din ang Awit 67:7; Isaias 33:5, 6; 41:5; 59:19; Jeremias 32:39, 40.
16. Ang mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ay maaaring magkaroon ng anong iba’t ibang kahulugan, at paano ito natutupad?
16 Anong angkop nga na dito’y tinutukoy ni Malakias ang dakilang gawain na isinasagawa sa ating kaarawan sa pangangaral ng mabuting balita sa buong lupa. (Mateo 24:14; Apocalipsis 14:6, 7) Ang mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog, sa heograpikong diwa, ay nangangahulugan ng mula sa silangan hanggang sa kanluran. Saanman tayo magmasid sa lupa ngayon, makikita natin ang mga natatakot kay Jehova na gumagawa ng kaniyang kalooban. Ang mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ay tumutukoy din sa buong maghapon. Oo, ang papuri ay patuluyang inihahandog ng mga lingkod na may takot sa Diyos. Gaya ng ipinangako ni Jehova, ang kaniyang pangalan ay inihahayag sa buong lupa ng mga tunay na natatakot sa kaniya.—Exodo 9:16; 1 Cronica 16:23, 24; Awit 113:3.
Manatiling May Wastong Pagkatakot sa Diyos
17. Ano ang maaaring maging resulta ng pagkawala ng ating paggalang kay Jehova at ng ating pagkatakot sa kaniya?
17 Para sa mga taong hindi na gumagalang at natatakot kay Jehova, ang pagsamba at paglilingkod ay nagiging isang pabigat. Sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Nilalapastangan ninyo ako na mga tao sa inyong sinasabing, ‘Ang mesa ni Jehova ay marumi, at ang laman niyaon, ang pagkain doon ay hamak.’ At sinabi ninyo, ‘Narito! Nakasusuya!’” (Malakias 1:12, 13) Ang ganiyan ay maaaring totoo rin sa modernong panahon. Para sa mga taong nawalan na ng pagkatakot kay Jehova, ang mga pulong, paglilingkod sa larangan, at iba pang mga gawaing Kristiyano ay nagiging isang pabigat.
18. Paminsan-minsan, ano ang nangyayari sa ilan sa modernong-panahong mga lingkod ng Diyos?
18 Pansinin kung paanong ang gayong mga tao ay inilalarawan sa The Watchtower ng Enero 1, 1937: “Sa gayong mga di-tapat ang pribilehiyo na paglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagdadala sa iba ng mga bunga ng kaharian, gaya ng iniutos ng Panginoon, ay naging isa lamang nakasasawang seremonya at pormalidad, na hindi nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na sumikat sa paningin ng mga tao. Ang pagdadala ng mensahe ng kaharian sa bahay-bahay sa pamamagitan ng limbag na literatura, at pag-aalok nito sa mga tao, ay lubhang ikinahihiya ng gayong mga taong mapagpahalaga-sa-sarili. Sila’y walang nakikitang kagalakan dito . . . Kaya naman kanilang sinabi, at patuloy na sinasabi: ‘Ang ganitong pagdadala ng mga aklat ay isa lamang paraan ng pagbibenta ng aklat. Anong nakasusuyang trabaho iyan!’” Kahit na sa ngayon ay mayroong mga tao na, paminsan-minsan, nagsasabi na ang paglilingkod sa larangan ay nakababagot at ang pagdalo sa mga pulong ay nakahahapo. Ganito nga ang maaaring mangyari pagka nawalan tayo ng pagkatakot kay Jehova at, kasama nito, ng ating pag-ibig sa kaniya.
19. Paano natin patuloy na maipakikita ang pagpapahalaga sa mga paglalaan ni Jehova?
19 Dahil sa pananatiling may takot kay Jehova tayo ay magiging laging mapagpakumbaba sa harap niya at sa tuwina’y mapagpahalaga sa lahat ng kaniyang ginagawa para sa atin. Maging tayo man ay nasa isang maliit na pagtitipon sa isang tahanan o nasa isang malaking pagtitipon ng maraming libu-libo sa isang istadyum, tayo’y napasasalamat kay Jehova sa pribilehiyo na makasama natin ang ating mga kapatid na Kristiyano. Ipakikita natin ang ating pasasalamat sa pamamagitan ng pagiging presente roon at pagpukaw sa iba pa na naroroon sa “pag-iibigan at mabubuting gawa” sa pamamagitan ng ating nakapagpapatibay na pakikipag-usap at sa pamamagitan ng mga komento na ibinibigay natin sa panahon ng mga pulong. (Hebreo 10:24, 25) Kung magiging pribilehiyo natin na magkaroon ng bahagi sa mga pulong, iiwasan natin ang pagpapaliban ng paghahanda hanggang sa huling sandali, at ang apurahang pagtitipon ng mga ilang ideya. Kailanman ay huwag isipin na ang gayong mga atas ay isang bagay na pangkaraniwan lamang. Ang mga iyan ay sagradong mga pribilehiyo, at ang paraan ng pag-aasikaso natin ng mga iyan ay isa pang pagpapakita ng kung paano natin iginagalang at kinatatakutan si Jehova.
20. (a) Ano ang hindi natin dapat kalimutan? (b) Sa wakas ano ang masasabi natin?
20 Anong lungkot ang kinahihinatnan ng mga taong nawawalan ng pagkatakot sa Diyos! Sila’y walang pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na pribilehiyo ng pagkakaroon ng kaugnayan sa Soberano ng sansinukob. “‘Ako’y isang dakilang Hari,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at ang aking pangalan ay magiging kakila-kilabot sa gitna ng mga bansa.’” (Malakias 1:14; Apocalipsis 15:4) Sana’y huwag nating kalilimutan iyan. Sana’y bawat isa sa atin ay maging katulad ng salmista na nagsabi: “Isang kasamahan ako ng lahat ng mga natatakot sa iyo.” (Awit 119:63) Pagkatapos na isaalang-alang ang bagay na ito, sa wakas ay masasabi natin ang gaya ng sinabi ni Solomon: “Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat bawat uri ng gawa ay hahatulan ng tunay na Diyos may kaugnayan sa bawat kubling bagay, kung ito baga’y mabuti o masama.”—Eclesiastes 12:13, 14.
Mga Aral Buhat sa Aklat ng Malakias—
◻ Bakit ang mga Israelita ay obligadong matakot kay Jehova?
◻ Paanong ang ating mga kilos ay nagpapakita kung tayo baga ay tunay na natatakot kay Jehova?
◻ Ano ang nagpapatunay na mayroong mga natatakot kay Jehova sa buong lupa ngayon?
◻ Bakit kailangan tayong manatiling may wastong pagkatakot sa Diyos?
[Blurb sa pahina 18]
Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog, ang pangalan ni Jehova ay dadakilain
[Larawan sa pahina 17]
Hinamak ng mga Israelita si Jehova sa pamamagitan ng paghahandog ng bulag, pilay, o may sakit na mga hayop bilang mga hain