Josue
11 Nang marinig ni Jabin na hari ng Hazor ang tungkol dito, nagpadala siya ng mensahe kay Jobab na hari ng Madon,+ sa hari ng Simron at hari ng Acsap,+ 2 sa mga hari na nasa mabundok na rehiyon sa hilaga, sa mga nasa kapatagan* sa timog ng Kineret, sa mga nasa Sepela at mga dalisdis ng Dor+ sa kanluran, 3 sa mga Canaanita+ sa silangan at kanluran, sa mga Amorita,+ mga Hiteo, mga Perizita, at mga Jebusita sa mabundok na rehiyon, at sa mga Hivita+ sa paanan ng Hermon+ sa lupain ng Mizpa. 4 Kaya lumabas sila kasama ang lahat ng hukbo nila, na kasindami ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat; at napakarami nilang kabayo at karwaheng* pandigma. 5 Ang lahat ng haring ito ay nagkasundong magtagpo, at sama-sama silang nagkampo malapit sa sapa ng Merom para makipagdigma sa Israel.
6 Dahil dito ay sinabi ni Jehova kay Josue: “Huwag kang matakot sa kanila,+ dahil bukas sa ganitong oras, ibibigay ko sila sa Israel para patayin. Puputulan mo ng litid sa binti ang mga kabayo nila para malumpo,+ at susunugin mo ang mga karwahe nila.” 7 At si Josue at ang lahat ng mandirigma ay biglang sumalakay sa kanila sa may sapa ng Merom. 8 Ibinigay sila ni Jehova sa kamay ng Israel,+ at tinalo sila ng Israel at hinabol sila hanggang sa dakilang lunsod ng Sidon+ at sa Misrepot-maim+ at sa Lambak ng Mizpe sa silangan; pinabagsak sila ng mga ito at walang natirang buháy sa kanila.+ 9 Pagkatapos, ginawa ni Josue sa kanila ang gaya ng sinabi ni Jehova sa kaniya; pinutulan niya ng litid sa binti ang mga kabayo nila, at sinunog niya ang mga karwahe nila.+
10 Pagkatapos, bumalik si Josue at sinakop ang Hazor, at pinatay niya ang hari nito sa pamamagitan ng espada,+ dahil ang Hazor ang dating pinakamakapangyarihan sa lahat ng kahariang ito. 11 Pinuksa nila ang lahat* ng naroon sa pamamagitan ng espada.+ Wala silang itinirang buháy.+ Pagkatapos, sinunog niya ang Hazor. 12 Sinakop ni Josue ang lahat ng lunsod ng mga haring ito at tinalo ang lahat ng hari nila sa pamamagitan ng espada.+ Pinuksa niya ang mga ito,+ gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Jehova. 13 Pero hindi sinunog ng Israel ang anumang lunsod na nakatayo sa burol maliban sa Hazor; ito lang ang sinunog ni Josue. 14 Ang lahat ng ari-arian at alagang hayop sa mga lunsod na ito ay kinuha ng mga Israelita para sa kanilang sarili.+ Pero pinatay nila ang lahat ng tao sa pamamagitan ng espada.+ Wala silang itinirang buháy.+ 15 Kung ano ang iniutos ni Jehova sa lingkod niyang si Moises, iyon ang iniutos ni Moises kay Josue,+ at iyon ang ginawa ni Josue. Ginawa niya ang lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises.+
16 Sinakop ni Josue ang buong lupaing ito, ang mabundok na rehiyon, ang buong Negeb,+ ang buong lupain ng Gosen, ang Sepela,+ ang Araba,+ at ang mabundok na rehiyon ng Israel at ang mga burol sa paanan* nito, 17 mula sa Bundok Halak, na katapat ng Seir, at hanggang sa Baal-gad+ sa Lambak ng Lebanon sa paanan ng Bundok Hermon,+ at binihag niya ang lahat ng hari nila at tinalo ang mga ito at pinatay. 18 Matagal na nakipagdigma si Josue sa lahat ng haring ito. 19 Walang ibang lunsod na nakipagpayapaan sa mga Israelita maliban sa mga Hivita na nakatira sa Gibeon.+ Ang lahat ng iba pang lunsod ay dinigma at sinakop ng mga Israelita.+ 20 Hinayaan ni Jehova na magmatigas sila+ at makipagdigma sa Israel para mapuksa niya sila nang hindi kinahahabagan.+ Sila ay lilipulin, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.+
21 Nang panahong iyon, nilipol ni Josue ang mga Anakim+ mula sa mabundok na rehiyon, mula sa Hebron, Debir, Anab, at sa buong mabundok na rehiyon ng Juda at sa buong mabundok na rehiyon ng Israel. Pinuksa sila ni Josue at ang mga lunsod nila.+ 22 Walang Anakim na natira sa lupain ng mga Israelita; nanatili lang sila+ sa Gaza,+ sa Gat,+ at sa Asdod.+ 23 Kaya nasakop ni Josue ang buong lupain, gaya ng ipinangako ni Jehova kay Moises,+ at pagkatapos ay ibinigay ito ni Josue sa Israel bilang mana ayon sa kani-kanilang parte, at pinaghati-hatian ito ng bawat tribo.+ At natigil ang digmaan sa lupain.+