Mga Hukom
6 Pero muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova,+ kaya ibinigay sila ni Jehova sa kamay ng Midian sa loob ng pitong taon.+ 2 Pinagmalupitan ng Midian ang Israel.+ Dahil sa Midian, gumawa ang mga Israelita ng mga taguan nila* sa mga bundok, sa mga kuweba, at sa mga lugar na mahirap puntahan.+ 3 Kapag nagtatanim ang Israel, sinasalakay sila ng Midian, Amalek,+ at ng mga taga-Silangan.+ 4 Nagkakampo sila para salakayin ang Israel at sinisira nila ang ani ng lupa hanggang sa Gaza, at wala silang itinitirang pagkain, tupa, toro, o asno para sa Israel.+ 5 Dahil sumasalakay silang sindami ng mga balang+ kasama ang kanilang mga alagang hayop at tolda. Hindi sila mabilang, pati ang kanilang mga kamelyo,+ at lumulusob sila sa lupain para sirain iyon. 6 Kaya ang Israel ay naghirap nang husto dahil sa Midian; at ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova.+
7 Nang ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova dahil sa Midian,+ 8 nagsugo si Jehova sa mga Israelita ng isang propeta, na nagsabi sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ako ang naglabas sa inyo mula sa Ehipto, ang lupain kung saan kayo inalipin.*+ 9 Kaya iniligtas ko kayo mula sa kamay ng Ehipto at mula sa lahat ng nagmamalupit sa inyo, at itinaboy ko sila mula sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang lupain nila.+ 10 At sinabi ko sa inyo: “Ako si Jehova na inyong Diyos.+ Huwag kayong matakot sa mga diyos ng mga Amorita, na sa kanilang lupain ay nakatira kayo.”+ Pero hindi kayo sumunod sa akin.’”*+
11 Nang maglaon, dumating ang anghel ni Jehova+ at umupo sa ilalim ng malaking puno na nasa Opra, na pag-aari ni Joas na Abi-ezrita.+ Ang anak niyang si Gideon+ ay naghahampas ng trigo sa pisaan ng ubas para hindi iyon makita ng Midian. 12 Ang anghel ni Jehova ay nagpakita sa kaniya at nagsabi: “Si Jehova ay sumasaiyo,+ ikaw na malakas na mandirigma.” 13 Sinabi ni Gideon sa kaniya: “Pagpasensiyahan mo ako, panginoon ko, pero kung si Jehova ay sumasaamin, bakit nangyayari sa amin ang lahat ng ito?+ Nasaan ang lahat ng kaniyang kamangha-manghang gawa na ikinuwento sa amin ng mga ninuno namin,+ na nagsasabi, ‘Inilabas kami ni Jehova mula sa Ehipto.’+ Ngayon ay iniwan kami ni Jehova,+ at ibinigay niya kami sa kamay ng Midian.” 14 Hinarap siya ni Jehova at sinabi: “Gamitin mo ang lakas na mayroon ka, at ililigtas mo ang Israel mula sa kamay ng Midian.+ Hindi ba’t ako ang nagsusugo sa iyo?” 15 Sinabi naman ni Gideon: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Paano ko ililigtas ang Israel? Ang angkan* ko ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.” 16 Pero sinabi ni Jehova sa kaniya: “Dahil ako ay sasaiyo,+ pababagsakin mo ang Midian na parang sila ay iisang tao.”
17 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa kaniya: “Kung kinalulugdan mo ako, bigyan mo ako ng tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin. 18 Pakisuyo, huwag kang umalis dito hanggang sa makabalik ako dala ang aking kaloob at maihain iyon sa harap mo.”+ Kaya sinabi niya: “Hihintayin kita rito.” 19 At si Gideon ay pumasok at naghanda ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang isang epa* ng harina.+ Ang karne ay inilagay niya sa basket, at ang sabaw ay inilagay niya sa palayok; pagkatapos ay inilabas niya ang mga iyon at inihain sa kaniya sa ilalim ng malaking puno.
20 Ngayon ay sinabi sa kaniya ng anghel ng tunay na Diyos: “Kunin mo ang karne at ang tinapay na walang pampaalsa at ilagay mo ang mga iyon sa malaking bato roon, at ibuhos mo ang sabaw.” At ganoon ang ginawa niya. 21 Pagkatapos ay iniunat ng anghel ni Jehova ang hawak niyang baston at idinikit ang dulo nito sa karne at sa tinapay na walang pampaalsa, at may lumabas na apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay na walang pampaalsa.+ Pagkatapos, nawala ang anghel ni Jehova. 22 Natiyak ngayon ni Gideon na iyon ay anghel ni Jehova.+
Agad na sinabi ni Gideon: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova! Nakita ko nang mukhaan ang anghel ni Jehova!”+ 23 Pero sinabi ni Jehova sa kaniya: “Huminahon ka.* Huwag kang matakot;+ hindi ka mamamatay.” 24 Kaya nagtayo roon si Gideon ng isang altar para kay Jehova, at hanggang ngayon ay tinatawag itong Jehova-shalom.*+ Iyon ay naroon pa rin sa Opra ng mga Abi-ezrita.
25 Nang gabing iyon, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Kunin mo ang batang toro* ng iyong ama, ang ikalawang batang toro na pitong taóng gulang, at gibain mo ang altar ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste* na nasa tabi nito.+ 26 Pagkatapos mong magtayo sa ibabaw ng burol na ito ng isang altar na gawa sa isang hanay ng mga bato para kay Jehova na iyong Diyos, kunin mo ang ikalawang batang toro at ihain mo iyon bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng mga piraso ng kahoy ng sagradong poste* na pinutol mo.” 27 Kaya kumuha si Gideon ng 10 lalaki mula sa mga lingkod niya at ginawa ang sinabi sa kaniya ni Jehova. Pero sa gabi niya iyon ginawa sa halip na sa araw dahil sa sobrang takot sa sambahayan ng kaniyang ama at sa mga lalaki ng lunsod.
28 Kinabukasan, maagang bumangon ang mga lalaki ng lunsod, at nakita nilang ang altar ni Baal ay giba na, ang sagradong poste* na nasa tabi nito ay putol na, at ang ikalawang batang toro ay naihandog na sa altar na itinayo. 29 Nagtanungan sila: “Sino ang gumawa nito?” Matapos silang mag-imbestiga, sinabi nila: “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa nito.” 30 Kaya sinabi kay Joas ng mga lalaki ng lunsod: “Ilabas mo ang anak mo. Dapat siyang mamatay dahil giniba niya ang altar ni Baal at pinutol niya ang sagradong poste* na nasa tabi nito.” 31 Sinabi ni Joas+ sa lahat ng sumugod sa kaniya: “Kailangan ba ninyong ipagtanggol si Baal? Kailangan ba ninyo siyang iligtas? Ang sinumang magtatanggol sa kaniya ay dapat patayin sa umagang ito.+ Kung siya ay diyos, ipagtanggol niya ang sarili niya,+ dahil may gumiba ng altar niya.” 32 At tinawag niyang Jerubaal* si Gideon nang araw na iyon, na sinasabi: “Ipagtanggol ni Baal ang sarili niya, dahil may gumiba ng altar niya.”
33 Ang buong Midian+ at Amalek+ at ang mga taga-Silangan ay nagsanib-puwersa;+ at tumawid sila* papunta sa Lambak* ng Jezreel at nagkampo roon. 34 At si Gideon ay napuspos* ng espiritu ni Jehova+ at hinipan niya ang tambuli,+ at ang mga Abi-ezrita+ ay dumating para tumulong sa kaniya. 35 Nagpadala siya ng mga mensahero sa buong Manases, at sila rin ay dumating para tumulong sa kaniya. Nagpadala rin siya ng mga mensahero sa Aser, Zebulon, at Neptali, at pinuntahan nila siya.
36 Pagkatapos ay sinabi ni Gideon sa tunay na Diyos: “Kung ililigtas mo ang Israel sa pamamagitan ko, gaya ng ipinangako mo,+ 37 mag-iiwan ako sa giikan ng balahibo ng tupa. Kung ang balahibo lang ang may hamog pero tuyo ang lupa sa palibot nito, matitiyak kong ililigtas mo ang Israel sa pamamagitan ko, gaya ng ipinangako mo.” 38 At iyon nga ang nangyari. Kinabukasan, nang bumangon siya nang maaga at pigain niya ang balahibo, napuno niya ng tubig ang isang malaking mangkok na panghandaan. 39 Pero sinabi ni Gideon sa tunay na Diyos: “Huwag sanang lumagablab ang galit mo sa akin, at hayaan mo akong humiling nang minsan pa. Pakisuyo, hayaan mo akong gumawa ng isa pang pagsubok sa balahibo. Pakisuyo, panatilihin mong tuyo ang balahibo samantalang basa ng hamog ang lupa.” 40 At ganoon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon; ang balahibo lang ang tuyo, at ang lupa ay basa ng hamog.