Genesis
33 Pagtanaw ni Jacob, nakita niyang paparating na si Esau at may kasama itong 400 lalaki.+ Kaya hinati-hati niya ang mga bata kina Lea, Raquel, at sa dalawang alilang babae.+ 2 Ipinuwesto niya sa unahan ang mga alilang babae at ang mga anak nila,+ kasunod ay si Lea at ang mga anak niya,+ at inilagay niya sa hulihan sina Raquel+ at Jose. 3 At nauna siya sa kanila, at yumukod siya sa lupa nang pitong beses habang papalapit sa kapatid niya.
4 Pero tumakbo si Esau para salubungin siya, niyakap siya at hinalikan, at nag-iyakan sila. 5 Nang makita nito ang mga babae at mga bata, sinabi nito: “Sino itong mga kasama mo?” Sumagot siya: “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”+ 6 Kaya lumapit ang mga alilang babae kasama ang mga anak nila at yumukod; 7 lumapit din si Lea at ang mga anak niya at yumukod. Pagkatapos, lumapit si Jose kasama si Raquel at yumukod.+
8 Sinabi ni Esau: “Bakit mo isinugo ang mga tao at kawan na nakasalubong ko?”+ Sumagot siya: “Para malugod sa akin ang panginoon ko.”+ 9 Kaya sinabi ni Esau: “Napakarami kong pag-aari, kapatid ko.+ Sa iyo na ang mga iyon.” 10 Pero sinabi ni Jacob: “Hindi. Kung nalulugod ka sa akin, tanggapin mo ang mga regalo ko, dahil ipinadala ko ang mga iyon para makita ko ang iyong mukha. At ngayong nakita ko ang iyong mukha, para bang nakikita ko ang mukha ng Diyos dahil masaya mo akong tinanggap.+ 11 Pakisuyo, tanggapin mo ang ipinadala kong regalo* sa iyo,+ dahil nalugod sa akin ang Diyos at nasa akin na ang lahat ng kailangan ko.”+ Hindi niya ito tinigilan hanggang sa tanggapin na nito ang regalo.
12 Nang maglaon, sinabi ni Esau: “Maglakbay na tayo, at hayaan mo akong manguna sa daan.” 13 Pero sinabi niya rito: “Alam ng panginoon ko na maliliit pa ang mga bata+ at mayroon din akong mga tupa at baka na may mga pasusuhin. Kapag minadali ang mga ito sa paglalakbay kahit isang araw lang, mamamatay ang buong kawan. 14 Pakisuyo, mauna na ang panginoon ko sa lingkod niya, pero magpapatuloy ako nang mas mabagal, ayon sa bilis ng mga alaga kong hayop at ng mga bata hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”+ 15 Kaya sinabi ni Esau: “Pakisuyo, hayaan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga kasama ko.” Sinabi niya: “Huwag na. Sapat na sa akin ang kalugdan ako ng panginoon ko.” 16 Kaya nang araw na iyon, naglakbay na si Esau pabalik sa Seir.
17 At naglakbay si Jacob papuntang Sucot,+ at nagtayo siya roon ng bahay niya at gumawa ng mga silungan para sa kawan niya. Kaya naman tinawag niyang Sucot* ang lugar na iyon.
18 Pagkatapos maglakbay mula sa Padan-aram,+ nakarating si Jacob nang ligtas sa lunsod ng Sikem+ na nasa lupain ng Canaan,+ at nagkampo siya malapit sa lunsod. 19 At ang bahagi ng lupain kung saan niya itinayo ang kaniyang tolda ay binili niya mula sa mga anak ni Hamor na ama ni Sikem, sa halagang 100 piraso ng salapi.+ 20 Nagtayo siya roon ng isang altar at tinawag iyon na Diyos, ang Diyos ni Israel.+