ESAU
[Mabalahibo].
Ang panganay nina Isaac at Rebeka; ang kakambal ni Jacob at ang ninuno ng mga Edomita. Pinanganlan siyang Esau dahil siya’y napakamabalahibo nang ipanganak siya, ngunit nakuha niya ang pangalang Edom (nangangahulugang “Pula”) mula sa nilagang pulang lentehas na dahil dito ay ipinagbili niya ang kaniyang pagkapanganay.—Gen 25:25, 26, 30.
Bago pa man isilang ang kambal noong 1858 B.C.E., nang si Isaac ay 60 taóng gulang, nagbuno na ang mga sanggol sa bahay-bata ng kanilang ina. Bilang tugon sa tanong ni Rebeka kung ano ang kahulugan nito, isiniwalat ni Jehova sa kaniya na dalawang liping pambansa ang mahihiwalay mula sa kaniyang mga panloob na bahagi at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.—Gen 25:22, 23.
Hinamak ang Espirituwal na mga Bagay. Si Esau ay naging isang bihasa at mapagsapalarang mangangaso, “isang taong lagalag.” Hindi gaya ng kaniyang kapatid, ang ‘walang-kapintasang’ si Jacob, si Esau ay may makalamang pag-iisip at materyalistiko. (Gen 25:27) Ngunit mahal ni Isaac si Esau, “sapagkat nangangahulugan ng pinangasong pagkain sa kaniyang bibig.”—Gen 25:28.
Isang araw, si Esau, pagód at gutóm, ay dumating mula sa parang habang si Jacob ay nagpapakulo ng nilaga. Bilang pagtugon sa kahilingan ni Esau, “Dalian mo, pakisuyo, bigyan mo ako ng isang subo ng mapula—ng mapulang iyan,” hiniling ni Jacob sa kaniya na ipagbili niya ang kaniyang pagkapanganay. Palibhasa’y walang pagpapahalaga sa mga sagradong bagay, samakatuwid nga, sa pangako ni Jehova kay Abraham may kinalaman sa binhi na sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili, padalus-dalos na sumumpa si Esau kay Jacob at ipinagbili rito ang kaniyang pagkapanganay kapalit ng pagkaing nilagang lentehas at tinapay. Sa gayong paghamak sa pagkapanganay, anupat minalas iyon bilang walang gaanong halaga, nagpakita si Esau ng ganap na kawalan ng pananampalataya. Marahil ay ayaw niyang dumanas ng pagdurusa kapag natupad ang salita ng Diyos may kinalaman sa binhi ni Abraham: “Ang iyong binhi ay magiging naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila, at paglilingkuran nila ang mga ito, at tiyak na pipighatiin sila ng mga ito sa loob ng apat na raang taon.”—Gen 15:13; 25:29-34; Heb 12:16.
Sa edad na 40, gumawa si Esau ng sariling mga kaayusan sa pag-aasawa. Pinili niyang maging poligamo, at hindi tulad ng kaniyang amang si Isaac, na hinayaang ikuha siya ng kaniyang amang si Abraham ng mapapangasawa mula sa mga mananamba ni Jehova, kumuha si Esau ng dalawang paganong babaing Hiteo, si Judit (Oholibama?) at si Basemat (Ada?), bilang mga asawa. Ang mga babaing ito ay naging sanhi ng kapaitan ng espiritu para kina Isaac at Rebeka.—Gen 26:34, 35; 36:2; 24:1-4, 50, 51; tingnan ang BASEMAT Blg. 1; JUDIT.
Si Jacob ang Tumanggap ng Pagpapala. Nang si Isaac ay may kalaunan na sa mga taon, ninais niyang ipagkaloob ang kaniyang pagpapala sa kaniyang nakatatandang anak na si Esau. Una ay inutusan ni Isaac si Esau na mangaso ng karne ng usa at gumawa ng masarap na pagkain para sa kaniya. Sinunod naman ito ni Esau upang tanggapin ang pagpapala bilang panganay, bagaman ang totoo’y wala na siyang karapatan sa pagpapalang iyon dahil ipinagbili na niya ang kaniyang pagkapanganay. Sa gayon, handa niyang sirain ang kaniyang pinanumpaang tipan na ginawa nang ipagbili niya ang pagkapanganay. Palibhasa’y alam ni Rebeka ang sinabi ni Jehova sa kaniya bago niya ipanganak ang kambal, namagitan siya anupat pinayuhan si Jacob na magkunwaring si Esau upang makuha ang pagpapala na karapatan niyang matamo. Nang humarap si Jacob sa kaniyang bulag na ama, suot niya ang damit ni Esau at may mga balat ng batang kambing sa kaniyang mga kamay at sa walang-buhok na bahagi ng kaniyang leeg. Sa gayon ay hindi siya nakilala ni Isaac.—Gen 25:23; 27:1-23.
Katatapos pa lamang pagpalain ni Isaac si Jacob nang dumating si Esau mula sa pangangaso at maghanda ng masarap na pagkain para sa kaniyang ama. Nang pumaroon siya sa harap ng kaniyang ama upang may-pandarayang tanggapin ang pagpapala at malaman na pinagpala na ni Isaac si Jacob, “nagsimulang sumigaw si Esau nang lubhang malakas at mapait.” Taglay ang mapag-imbot na motibo, mapilit niyang hiniling na pagpalain siya ng kaniyang ama, ngunit kahit ang kaniyang pagluha ay hindi naging dahilan upang magbago ng isip si Isaac ni bawiin ang pagpapalang binigkas nito kay Jacob. Malamang na nakilala ni Isaac ang pag-akay ni Jehova sa bagay na iyon. Pagkatapos ay sinabi niya kay Esau: “Masdan, ang iyong tahanan ay masusumpungang malayo sa matatabang lupain sa lupa, at malayo sa hamog ng langit sa itaas. At sa pamamagitan ng iyong tabak ay mabubuhay ka, at ang iyong kapatid ay paglilingkuran mo. Ngunit mangyayari nga, kapag ikaw ay naging balisa, babaliin mo ang kaniyang pamatok mula sa iyong leeg.”—Gen 25:33; 27:30-40; Heb 12:17.
Alam ni Esau na si Jacob ang may karapatan sa pagpapala dahil binili niya nang legal ang pagkapanganay. (Pinagtitibay ng arkeolohikal na patotoo na sa sinaunang mga tao ng Gitnang Silangan ay may kaugaliang ipagpalit ang pagkapanganay para sa materyal na bagay. Halimbawa, isang teksto mula sa Nuzi ang naglalahad na isang lalaki ang tumanggap ng tatlong tupa kapalit ng kaniyang bahagi sa mana.) Ngunit si Esau, gaya ni Cain, ay nagkimkim ng matinding poot sa kaniyang kapatid na si Jacob at naghintay ng pagkakataon upang patayin siya. Kaya nang malaman ito ni Rebeka, pinayuhan niya si Jacob na tumakas patungo sa kaniyang kapatid na si Laban sa Haran. Nang hingin ni Rebeka ang pagsang-ayon ni Isaac sa bagay na ito, may-kabaitan niyang ipinasiya na huwag isiwalat kay Isaac ang mapamaslang na intensiyon ni Esau kundi ibinulalas niya rito kung ano ang magiging epekto sa kaniya sakaling kumuha rin si Jacob ng asawang gaya ng mga anak ni Het. Sa gayon ay tinawag ni Isaac si Jacob, pinagpala siya, at tinagubilinan siyang pumaroon sa Padan-aram sa mga kamag-anak ni Rebeka upang kumuha ng asawa. Nang makita ito ni Esau, naganyak siyang kumuha ng ikatlong asawa, si Mahalat (Basemat?) na anak ni Ismael na anak ni Abraham.—Gen 27:41–28:9; 36:3; tingnan ang BASEMAT Blg. 2.
Mga Pangyayari Nang Dakong Huli. Sa panahon ng 20 taon na nasa malayo si Jacob, si Esau ay nagsimulang manahanan sa Seir, ang parang ng Edom. (Gen 32:3; Jos 24:4) Lumilitaw na pagkaraan pa ng maraming taon bago siya lubusang lumipat doon, anupat dinala sa Seir ang kaniyang pamilya at ang lahat ng kaniyang pag-aari. (Gen 36:6-8) Nang bumalik si Jacob sa Canaan, labis siyang nangamba nang mabalitaan niya sa mga mensaherong isinugo niya na si Esau, kasama ang 400 lalaki, ay paparating upang salubungin siya. Maaaring nagsama si Esau ng isang pangkat ng 400 lalaki upang pahangain ang kaniyang kapatid sa kaniyang nakahihigit na kalakasan o upang ipakita na isa siyang makapangyarihang pinuno. Matapos manalangin kay Jehova, si Jacob ay patiunang nagpadala ng saganang kaloob na binubuo ng mahigit 550 alagang hayop. Nang makita si Esau, si Jacob, bilang pagpapakumbaba, ay “yumukod sa lupa nang pitong ulit hanggang sa makalapit siya sa kaniyang kapatid.” Si Esau naman ay tumakbo upang salubungin si Jacob, niyakap siya, sumubsob sa kaniyang leeg, at hinalikan siya. Kapuwa sila tumangis. Sa simula ay tumanggi si Esau na tanggapin ang kaloob ni Jacob na mga alagang hayop, na sinasabi: “Napakarami kong pag-aari, kapatid ko. Manatiling sa iyo ang sa iyo.” Gayunman, dahil mapilit si Jacob, tinanggap na rin ni Esau ang kaloob. Pagkatapos ay inalok niyang samahan si Jacob, ngunit mataktikang tinanggihan ito ng kaniyang kapatid pati ang sumunod na mungkahi ni Esau na ilagay sa kapamahalaan ni Jacob ang ilan sa kaniyang tauhan, marahil ay bilang proteksiyon. Sa gayon ay umalis si Esau at ang kaniyang mga tauhan at bumalik sa Seir. Binabanggit ng ulat ng Bibliya na pagkaraan ng mga 23 taon, nang mamatay si Isaac, inilibing nina Esau at Jacob ang kanilang ama.—Gen 32:6, 7, 10-15; 33:1-3, 8, 9, 11-16; 35:29.
Inilarawan ang mga Simulaing Mula sa Diyos. Malinaw na ipinakikita ng personalidad ni Esau na ang pagpili kay Jacob bilang ninuno ng ipinangakong Binhi ay hindi isang makapritsong pagpili o di-makatuwirang paboritismo sa bahagi ng Diyos na Jehova. Dahil sa kawalan ni Esau ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, lakip na ang kaniyang hilig na bigyang-kasiyahan ang makalamang mga pagnanasa, si Esau ay hindi karapat-dapat na mapabilang sa linyang pagmumulan ng ipinangakong Binhi. Kaya naman sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias: “Ngunit inibig ko si Jacob, at si Esau ay kinapootan ko.” Si Esau ay hindi ibinilang sa tapat na ulap ng mga saksi na nakatala sa Hebreo, kabanata 11, nang sabihin ni Pablo: ‘Sa pananampalataya si Abraham . . . [ay] tumira sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, ang mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon.’—Mal 1:2, 3; Heb 11:8, 9; 12:1.
Ipinakikita ng pagpili ni Jehova kay Jacob sa halip na kay Esau na ang pagpili ng Diyos ay hindi nakadepende sa kagustuhan ng tao. Ginamit ng apostol na si Pablo ang insidenteng ito bilang ilustrasyon upang ipaliwanag kung bakit ang tunay na mga anak ni Abraham ay hindi yaon lamang mga supling sa laman, ni yaong mga umaasa sa sarili nilang mga gawa, kundi yaong mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham.—Ro 9:6-12.
Si Esau ay nagsisilbing babalang halimbawa sa mga Kristiyano upang hindi sila magkasala ng kawalan ng pagpapahalaga sa sagrado o espirituwal na mga bagay, gaya ng materyalistang si Esau.—Heb 12:16; tingnan ang EDOM, MGA EDOMITA.