Unang Hari
9 Nang matapos ni Solomon ang bahay ni Jehova, ang bahay* ng hari,+ at ang lahat ng gusto niyang gawin,+ 2 nagpakita si Jehova kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, gaya noong nasa Gibeon siya.+ 3 Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo. Ang bahay na itinayo mo ay pinabanal ko sa pamamagitan ng paglalagay rito ng pangalan ko magpakailanman,+ at ang mga mata at puso ko ay mananatili rito.+ 4 At ikaw, kung lalakad ka sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama+ nang matuwid+ at may katapatan ng puso,+ sa pamamagitan ng paggawa sa lahat ng iniutos ko sa iyo,+ at susundin mo ang aking mga tuntunin at batas,*+ 5 itatatag ko ang trono ng iyong kaharian sa Israel at mananatili ito magpakailanman, gaya ng ipinangako ko sa iyong amang si David nang sabihin ko, ‘Sa angkan mo manggagaling ang lahat ng uupo sa trono ng Israel.’+ 6 Pero kung kayo at ang mga anak ninyo ay titigil sa pagsunod sa akin at hindi ninyo tutuparin ang mga utos at batas na ibinigay ko sa inyo, at maglilingkod kayo sa ibang mga diyos at yuyukod sa mga ito,+ 7 palalayasin ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,+ at aalisin ko sa paningin ko ang bahay na pinabanal ko para sa aking pangalan,+ at ang Israel ay magiging usap-usapan* at pagtatawanan ng lahat ng tao.+ 8 At ang bahay na ito ay magiging mga bunton ng guho.+ Ang bawat dadaan dito ay mapapatitig dahil sa pagkagulat at mapapasipol at magsasabi, ‘Bakit ito ginawa ni Jehova sa lupaing ito at sa bahay na ito?’+ 9 At sasabihin nila, ‘Iniwan kasi nila si Jehova na kanilang Diyos, ang naglabas sa kanilang mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, at yumakap sila sa ibang diyos at yumukod at naglingkod sa mga ito. Kaya pinasapit ni Jehova sa kanila ang lahat ng kapahamakang ito.’”+
10 Itinayo ni Solomon ang dalawang bahay, ang bahay ni Jehova at ang bahay* ng hari, sa loob ng 20 taon.+ 11 Si Hiram+ na hari ng Tiro ay nagpadala kay Solomon ng mga kahoy na sedro at enebro at ng lahat ng gintong kailangan nito,+ at binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng 20 lunsod sa lupain ng Galilea. 12 Kaya lumabas si Hiram sa Tiro para tingnan ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon sa kaniya, pero hindi niya nagustuhan ang mga iyon.* 13 Sinabi niya: “Anong klaseng mga lunsod itong ibinigay mo sa akin, kapatid ko?” Kaya ang mga iyon ay tinatawag na Lupain ng Cabul* hanggang ngayon. 14 Samantala, nagpadala si Hiram sa hari ng 120 talento* ng ginto.+
15 Ito ang ulat ng mga ipinatawag ni Haring Solomon sa puwersahang pagtatrabaho+ para maitayo ang bahay ni Jehova,+ ang sarili niyang bahay,* ang Gulod,*+ ang pader ng Jerusalem, ang Hazor,+ ang Megido,+ at ang Gezer.+ 16 (Sinalakay at sinakop ng Paraon na hari ng Ehipto ang Gezer at sinunog iyon, at pinatay rin niya ang mga Canaanita+ na nakatira sa lunsod. Pagkatapos, iniregalo niya iyon* sa anak niya+ nang ikasal ito kay Solomon.) 17 Muling itinayo* ni Solomon ang Gezer, ang Mababang Bet-horon,+ 18 ang Baalat,+ at ang Tamar sa ilang, sa lupain, 19 pati ang lahat ng imbakang lunsod ni Solomon, ang mga lunsod ng karwahe,+ ang mga lunsod para sa mga mangangabayo, at ang anumang gustong ipagawa ni Solomon sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya. 20 Kung tungkol sa lahat ng natira sa mga Amorita, Hiteo, Perizita, Hivita, at mga Jebusita,+ na hindi kabilang sa bayang Israel,+ 21 ang mga inapo nila na naiwan sa lupain—ang mga hindi napuksa ng mga Israelita—ay ipinatawag ni Solomon para sa puwersahang pagtatrabaho bilang mga alipin, at ganito ang kalagayan nila hanggang ngayon.+ 22 Pero walang sinuman sa mga Israelita ang ginawang alipin ni Solomon,+ dahil sila ay kaniyang mga mandirigma, mga lingkod, matataas na opisyal, mga ayudante,* at mga pinuno ng mga tagapagpatakbo niya ng karwahe at ng mga mangangabayo. 23 May 550 pinuno ng mga kinatawang opisyal na namamahala sa gawain ni Solomon; sila ang namamahala sa mga trabahador.+
24 Ang anak na babae ng Paraon+ ay umalis sa Lunsod ni David+ at nagpunta sa sarili niyang bahay na itinayo ni Solomon para sa kaniya; pagkatapos, itinayo ni Solomon ang Gulod.*+
25 Tatlong beses sa isang taon,+ naghahandog si Solomon ng mga haing sinusunog at mga haing pansalo-salo sa altar na itinayo niya para kay Jehova,+ at gumagawa rin siya ng haing usok sa altar, na nasa harap ni Jehova, at natapos niya ang bahay.+
26 Gumawa rin si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber,+ na malapit sa Elot, sa baybayin ng Dagat na Pula sa lupain ng Edom.+ 27 Nagpadala si Hiram ng mga barko at ng sarili niyang mga tauhan,+ makaranasang mga marino, para maglingkod kasama ng mga tauhan ni Solomon. 28 Pumunta sila sa Opir+ at kumuha roon ng 420 talento ng ginto at dinala iyon kay Haring Solomon.