Mga Hukom
9 Nang maglaon, pumunta si Abimelec+ na anak ni Jerubaal sa mga kapatid ng kaniyang ina sa Sikem, at sinabi niya sa kanila at sa buong sambahayan ng lolo niya:* 2 “Pakisuyong tanungin ninyo ang lahat ng pinuno* ng Sikem, ‘Ano ang gusto ninyo, lahat ng 70 anak ni Jerubaal+ ang mamahala sa inyo o isa lang ang mamahala sa inyo? Tandaan ninyong kadugo ninyo ako.’”*
3 At ganoon nga ang sinabi ng mga kapatid ng kaniyang ina sa mga pinuno ng Sikem, at nahikayat silang* sumunod kay Abimelec, dahil ang sabi nila: “Kapatid natin siya.” 4 Pagkatapos ay binigyan nila siya ng 70 pirasong pilak mula sa bahay* ni Baal-berit,+ at ginamit ito ni Abimelec para umupa ng mga sasama sa kaniya, mga lalaking batugan at mayabang. 5 Pagkatapos, pumunta siya sa bahay ng kaniyang ama sa Opra+ at pinatay ang mga kapatid niya,+ ang mga anak ni Jerubaal, 70 lalaki, sa ibabaw ng isang bato. Si Jotam lang na bunsong anak na lalaki ni Jerubaal ang nakaligtas, dahil nagtago ito.
6 At ang lahat ng pinuno ng Sikem at ang buong Bet-milo ay nagtipon malapit sa malaking puno, sa may haligi na nasa Sikem, at ginawa nilang hari si Abimelec.+
7 Nang iulat nila iyon kay Jotam, agad siyang pumunta sa Bundok Gerizim+ at tumayo sa tuktok nito, at sinabi niya sa kanila sa malakas na tinig: “Makinig kayo sa akin, kayong mga pinuno ng Sikem, at makikinig ang Diyos sa inyo.
8 “Minsan, may mga puno na naghahanap ng maghahari sa kanila. Kaya sinabi nila sa punong olibo, ‘Maghari ka sa amin.’+ 9 Pero sinabi sa kanila ng punong olibo, ‘Iiwan ko ba ang langis* ko, na ginagamit sa pagluwalhati sa Diyos at sa mga tao, para iwagayway ang mga sanga ko sa ibabaw ng ibang mga puno?’ 10 Pagkatapos ay sinabi ng mga puno sa puno ng igos, ‘Halika, maghari ka sa amin.’ 11 Pero sinabi sa kanila ng puno ng igos, ‘Iiwan ko ba ang aking matamis at masarap na bunga para iwagayway ang mga sanga ko sa ibabaw ng ibang mga puno?’ 12 Sumunod ay sinabi ng mga puno sa punong ubas, ‘Halika, maghari ka sa amin.’ 13 Sinabi sa kanila ng punong ubas, ‘Iiwan ko ba ang aking bagong alak na nagpapasaya sa Diyos at sa mga tao para iwagayway ang mga sanga ko sa ibabaw ng mga puno?’ 14 Bandang huli, sinabi ng lahat ng iba pang puno sa matinik na halaman, ‘Halika, maghari ka sa amin.’+ 15 Kaya sinabi ng matinik na halaman sa mga puno, ‘Kung talagang pinipili ninyo ako para maghari sa inyo, halikayo, sumilong kayo sa aking lilim. Pero kung hindi, lalabas ang apoy sa matinik na halaman at tutupukin ang mga sedro ng Lebanon.’
16 “Ngayon, naging tapat ba kayo at matuwid nang gawin ninyong hari si Abimelec,+ naging mabuti ba kayo kay Jerubaal at sa sambahayan niya, at napakitunguhan ba ninyo siya gaya ng nararapat sa kaniya? 17 Nang makipaglaban ang aking ama para sa inyo,+ isinapanganib niya ang buhay* niya para mailigtas kayo mula sa kamay ng Midian.+ 18 Pero ngayon ay kinalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama at pinatay ang kaniyang mga anak, 70 lalaki, sa ibabaw ng isang bato.+ Pagkatapos, si Abimelec, na anak ng kaniyang aliping babae,+ ay ginawa ninyong hari sa mga pinuno ng Sikem dahil lang sa kapatid ninyo siya. 19 Oo, kung tapat kayo at ginagawa ninyo ang tama kay Jerubaal at sa kaniyang sambahayan sa araw na ito, magsaya kayo dahil kay Abimelec at magsaya rin siya dahil sa inyo. 20 Pero kung hindi, lumabas sana ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga pinuno ng Sikem at Bet-milo,+ at lumabas sana ang apoy mula sa mga pinuno ng Sikem at Bet-milo at tupukin si Abimelec.”+
21 Pagkatapos ay tumakas si Jotam+ papuntang Beer at tumira doon dahil sa kapatid niyang si Abimelec.
22 Si Abimelec ay namahala* sa Israel nang tatlong taon. 23 Pagkatapos, hinayaan ng Diyos na magkaroon ng alitan si Abimelec at ang mga pinuno ng Sikem, at nagtaksil sila kay Abimelec. 24 Nangyari ito para maipaghiganti ang karahasang ginawa sa 70 anak ni Jerubaal, at papanagutin ang kapatid nilang si Abimelec sa pagpatay sa kanila+ pati na ang mga pinuno ng Sikem sa pagtulong sa kaniya na patayin ang mga kapatid niya. 25 Kaya ang mga pinuno ng Sikem ay naglagay ng mga lalaking tatambang sa kaniya sa tuktok ng mga bundok, at ninanakawan nila ang lahat ng dumadaan sa lansangan. Nang maglaon, iniulat ito kay Abimelec.
26 Pagkatapos, si Gaal na anak ni Ebed at ang mga kapatid niya ay tumawid papunta sa Sikem,+ at ang mga pinuno ng Sikem ay nagtiwala sa kaniya. 27 Nagpunta sila sa bukid at namitas ng mga ubas sa kanilang mga ubasan, pinisa ang mga iyon, at nagdiwang; pagkatapos ay pumasok sila sa bahay ng kanilang diyos+ at kumain at uminom at isinumpa si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal na anak ni Ebed: “Sino ba si Abimelec, at sino ba si Sikem* para paglingkuran natin sila? Hindi ba anak siya ni Jerubaal,+ at hindi ba si Zebul ay opisyal niya? Sa halip, paglingkuran ninyo ang mga anak ni Hamor, na ama ni Sikem! Bakit tayo maglilingkod kay Abimelec? 29 Kung hawak ko lang ang bayang ito, patatalsikin ko si Abimelec.” At sinabi niya kay Abimelec: “Paramihin mo ang mga sundalo mo at harapin mo ako.”
30 Nang mabalitaan ni Zebul na mataas na opisyal ng lunsod ang mga sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, nag-init siya sa galit. 31 Kaya palihim* siyang nagsugo ng mga mensahero kay Abimelec para sabihin: “Si Gaal na anak ni Ebed at ang mga kapatid niya ay nasa Sikem ngayon, at sinusulsulan nila ang lunsod para lumaban sa iyo. 32 Kaya mamayang gabi, magpunta ka at ang mga tauhan mo sa labas ng lunsod at maghintay roon. 33 Bukas, pagsikat ng araw, salakayin ninyo agad ang lunsod; at kapag lumaban siya at ang mga tauhan niya, gawin mo ang lahat para matalo siya.”*
34 Kaya pagsapit ng gabi, si Abimelec at ang lahat ng kasama niya ay lumakad, naghiwa-hiwalay sa apat na grupo, at nagtago muna sa labas ng Sikem bago sumalakay. 35 Nang si Gaal na anak ni Ebed ay lumabas at tumayo sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod, si Abimelec at ang mga kasama niya ay lumabas sa pinagtataguan nila. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul: “May mga taong bumababa mula sa tuktok ng mga bundok.” Pero sinabi ni Zebul sa kaniya: “Anino ng mga bundok ang nakikita mo. Akala mo lang mga tao.”
37 Mayamaya, sinabi ni Gaal: “May mga taong bumababa mula sa gitna ng lupain. Isang grupo ang dumadaan sa may malaking puno ng Meonenim.” 38 Sinabi sa kaniya ni Zebul: “Nasaan ngayon ang sinasabi mong ‘Sino si Abimelec para paglingkuran namin siya?’+ Hindi ba sila ang mga taong itinakwil mo? Harapin mo sila ngayon at labanan.”
39 Kaya pinangunahan ni Gaal ang mga pinuno ng Sikem at nilabanan si Abimelec. 40 Nang tumakas si Gaal, hinabol siya ni Abimelec, at marami ang napatay hanggang sa pasukan ng pintuang-daan.
41 At si Abimelec ay patuloy na tumira sa Aruma, at itinaboy ni Zebul+ si Gaal at ang mga kapatid nito mula sa Sikem. 42 Kinabukasan, ang mga tao ay lumabas ng lunsod, at iniulat ito kay Abimelec. 43 Kaya tinipon niya ang mga tauhan niya, hinati niya sila sa tatlong grupo, at naghintay sila sa labas ng lunsod. Nang makita niya ang mga tao na lumalabas mula sa lunsod, sinalakay niya sila at pinabagsak. 44 Si Abimelec at ang mga grupong kasama niya ay sumalakay at pumuwesto sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod, samantalang ang dalawang grupo ay nakipaglaban sa lahat ng nasa labas ng lunsod, at pinabagsak nila ang mga iyon. 45 Nakipaglaban si Abimelec sa lunsod nang buong araw na iyon at tinalo niya ito. Pinatay niya ang mga tao roon, at giniba niya ang lunsod+ at sinabuyan ng asin.
46 Nang marinig iyon ng lahat ng pinuno sa tore ng Sikem, agad silang pumunta sa kuta ng bahay* ni El-berit.+ 47 Nang iulat kay Abimelec na ang lahat ng pinuno sa tore ng Sikem ay nagsama-sama, 48 si Abimelec at ang lahat ng tauhan niya ay umakyat sa Bundok Zalmon. Kumuha si Abimelec ng palakol, pumutol ng isang sanga ng puno, pinasan ito, at sinabi sa mga tauhan niya: “Kung ano ang nakita ninyong ginawa ko, gawin ninyo agad!” 49 Kaya silang lahat ay pumutol din ng mga sanga at sumunod kay Abimelec. Pagkatapos ay inilagay nila ang mga iyon sa palibot ng kuta at sinilaban ang kuta. Kaya namatay rin ang lahat ng tao sa tore ng Sikem, mga 1,000 lalaki at babae.
50 Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa Tebez; nakipaglaban siya sa Tebez at tinalo iyon. 51 May matibay na tore sa gitna ng lunsod, at ang lahat ng lalaki at babae at ang lahat ng pinuno ng lunsod ay tumakas doon. Ikinandado nila ang pinto ng tore at umakyat sila sa bubungan nito. 52 Sumugod si Abimelec sa tore. Lumapit siya sa pasukan nito para silaban ito. 53 At isa sa mga babae ang nagbagsak ng pang-ibabaw na bato ng gilingan sa ulo ni Abimelec kaya nabasag ang bungo nito.+ 54 Agad niyang tinawag ang tagapagdala niya ng sandata, at sinabi niya rito: “Hugutin mo ang espada mo at patayin mo ako, para hindi nila sabihin, ‘Isang babae ang nakapatay sa kaniya.’” Kaya sinaksak siya ng tagapaglingkod niya, at namatay siya.
55 Nang makita ng mga lalaki ng Israel na si Abimelec ay patay na, umuwi na silang lahat. 56 Sa gayon ay pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa kasamaang ginawa niya sa kaniyang ama nang patayin niya ang 70 kapatid niya.+ 57 At ang lahat ng kasamaan ng mga lalaki ng Sikem ay ibinalik ng Diyos sa kanila.* Kaya ang sumpa ni Jotam+ na anak ni Jerubaal+ ay nangyari sa kanila.