KUTA
Ang terminong Hebreo para sa “kuta” (sa Ingles, fortification) ay may saligang diwa ng isang lugar na di-mapasok at mahirap marating. (Ihambing ang Zac 11:2, tlb sa Rbi8.) Ang mga kuta ng isang bayan ay magastos at mahirap itayo at nangangailangan ng sapat na hukbong pandepensa, kaya naman hindi lahat ng bayan ay nakukutaan. Kadalasan, ang mas malalaking lunsod ay may pader; ang mas maliliit na bayan sa lugar na iyon, kilala bilang mga sakop na bayan, ay walang pader. (Jos 15:45, 47; 17:11) Ang mga tumatahan sa mga bayang ito ay maaaring tumakas patungo sa lunsod na may pader sakaling sumalakay ang kaaway. Sa gayon, ang mga nakukutaang lunsod ay nagsilbing kanlungan para sa mga tao sa lugar na iyon. Pinatitibay rin noon ang mga lunsod na nasa estratehikong lokasyon upang maipagsanggalang ang mga lansangang-bayan, mga pinagmumulan ng tubig, mga rutang patungo sa mga himpilan na pinagtataguan ng mga panustos, at mga linya ng komunikasyon.
Gayon na lamang ang tibay at taas ng mga kuta ng maraming lunsod sa Lupang Pangako anupat ang di-tapat na mga tiktik na isinugo ni Moises upang tiktikan ang Canaan ay nag-ulat na “ang mga nakukutaang lunsod ay napakalalaki” at “nakukutaan hanggang sa langit.” Palibhasa’y walang pananampalataya, sa tingin nila’y hindi magagapi ang mga lunsod.—Bil 13:28; Deu 1:28.
Karaniwan na, ilang akre lamang ang saklaw ng mga lunsod ng mga lupain sa Bibliya. Gayunman, ang ilan ay higit na mas malalaki. Ang mga kabiserang lunsod ng Ehipto, Asirya, Babilonia, Persia, at Roma ay napakalalaki. Ang Babilonya ang isa sa mga lunsod na may pinakamahuhusay na pandepensa noong panahon ng Bibliya. Hindi lamang pagkatibay-tibay ng mga pader nito kundi nasa mga gilid pa ito ng isang ilog na naglaan ng mahusay na bambang na pandepensa at ng suplay ng tubig. Dahil dito, inakala ng Babilonya na kaya niyang hawakan ang kaniyang mga bihag magpakailanman. (Isa 14:16, 17) Ngunit sa isang gabi ay nakuha ang lunsod sa pamamagitan ng estratehiya ni Ciro na Persiano, na naglihis sa Eufrates upang makapasok sa lunsod ang kaniyang mga hukbo sa pamamagitan ng mga pintuang-daan na nasa mga pader sa kahabaan ng mga pantalan.—Dan 5:30.
Tatlong mahahalagang bagay ang kailangan ng isang nakukutaang lunsod: (1) mga pader na magsisilbing harang sa kaaway, (2) mga sandata upang makaganti ang mga hukbong tagapagtanggol at maitaboy nila ang mga sumasalakay, at (3) sapat na suplay ng tubig. Ang mga pagkain ay maaaring imbakin sa panahon ng kapayapaan; ngunit ang isang maaasahan at madaling marating na bukal ng tubig ay mahalaga para makatagal sa pagkubkob ang isang lunsod, gaanuman iyon kahaba.
Mga Bambang at mga Muralya. May ilang lunsod na napalilibutan ng bambang na punô ng tubig, lalo na kung may ilog o lawa sa malapit. Ang Babilonya sa may Eufrates ay isang kilaláng halimbawa nito, gaya rin ng No-amon (Thebes) na nasa mga kanal ng Nilo. (Na 3:8) Kapag walang malapit na katubigan, kadalasan ay iginagawa ang lunsod ng isang tuyong bambang. Nang muling itayo ang Jerusalem, nilagyan ito ng bambang.—Dan 9:25.
Sa gilid naman ng bambang, nagkakaroon ng isang “muralya” na gawa sa bunton ng lupa na dinukal noong hukayin ang bambang. (2Sa 20:15) Kung minsan, ang muralyang ito ay nilalatagan ng mga bato at nagiging isang dahilig na paahon sa pader na itinayo sa ibabaw ng muralya. Sa mga depensa ng lunsod ng Hazor sa gawing kanluran nito, natuklasan ng mga arkeologo ang isang bambang na 80 m (262 piye) ang lapad sa ibabaw, 40 m (131 piye) ang lapad sa ilalim, at mga 15 m (50 piye) ang lalim. Bukod pa rito, ang taas ng muralyang nalikha nang gawin ang bambang ay 15 m (50 piye). Dahil dito, ang tuktok ng muralya, kung susukatin mula sa sahig ng bambang, ay may taas na halos 30 m (100 piye). Sa ibabaw naman nito nakatayo ang pader ng lunsod.—Ihambing ang Aw 122:7.
Sabihin pa, napakahirap akyatin ang muralyang ito, lalo na ng mga pambundol, kung kaya nagtatayo ang mga mananalakay ng isang rampa, o “muralyang pangubkob,” na pinagsasampahan ng mga pambundol. (2Sa 20:15; tingnan ang PAMBUNDOL.) Napakalapad ng bambang kung kaya hindi na gaanong epektibo ang mga pana ng hukbong sumasalakay, at halos walang silbi ang pagpapahilagpos mula sa sahig ng bambang. Sa kabilang dako naman, ang mga nagtatayo ng rampa para sa kanilang mga pambundol ay patuloy na pinupuntirya mula sa mga pader ng lunsod, anupat pinauulanan sila ng mga palaso, mga bato, at kung minsan ay ng mga piraso ng nagliliyab na kahoy. Sabihin pa, hindi lahat ng lunsod ay may mga bambang o mga muralyang paahon, kaya naman ang tanging depensa na inaasahan ng iba ay ang kanilang patindig na mga pader.
Ang mga Pader. Pagkatapos ng bambang at ng muralya, ang pader ang sumunod na bahagi ng mga depensa. Ang ilang mga pader at mga tore ay naglaan ng nakukutaang mga posisyon para sa mga kawal at ng mga silid na mapag-iimbakan at maging ng mga hagdanan patungo sa pinakatuktok. Ang pader noon ay gawa sa malalaking bato, laryo, at lupa. Pagkalaki-laki ng ilan sa mga batong ginamit sa mga pader. Noong una, ang kalakhang bahagi ng mga pader ay gawa sa mga bato na walang argamasa. Nang maglaon, madalas nang gamitin ang argamasa sa pagitan ng mga bato. Upang makagawa ng argamasa, ang luwad ay niyuyurakan ng mga paa at hinahaluan ng tubig, gaya sa paggawa ng mga laryo. Kung hindi ay magbibitak-bitak ito at hihina ang pader na pandepensa.—Ihambing ang Eze 13:9-16; Na 3:14.
Kadalasan, ang sistema ng mga pader ay binubuo ng isang mataas na panloob na pader at isang mababang panlabas na pader. Kung minsan, gumagawa ng isang tuyong bambang sa pagitan ng mga pader na ito. Sa kahabaan ng panlabas na pader ay may mga bastion na alinman sa pabilog o parisukat ang hugis. Ang mga ito ay may pantay-pantay na mga puwang sa tuktok anupat maaaring makapagpahilagpos ang mga mamamana mula sa mga puwang at, kasabay nito, mayroon silang mapagkukublihan laban sa mga palaso ng kaaway at sa mga nagpapahilagpos ng mga bato. Nakaungos ang mga bastion mula sa pader hindi lamang upang lubusang makita ng mga mamamana ang nasa harap nila kundi upang makapagpahilagpos din sila sa kanan o sa kaliwa sa mga tagiliran ng mga hukbo ng kaaway na nagtatangkang umakyat o sumira sa pader.
Mas matibay at mas makapal naman ang panloob na pader. Nang maimbento ang malalaking pambundol, lalo na yaong katulad ng ginagamit noon ng mga Asiryano, mas matitibay at mas makakapal na pader ang itinayo na makatatagal sa pangwawasak ng kasangkapang ito. Isang batong pader sa Tell en-Nasbeh (Mizpa?) ang natuklasang may katamtamang kapal na 4 na m (13 piye), at tinatayang 12 m (39 na piye) ang dating taas nito. Mayroon ding pantay-pantay na mga puwang ang tuktok ng pader na ito, gaya ng halos lahat ng mga pader ng lunsod.
Mga Tore at mga Pintuang-daan. Noon, nagtatayo ng mga tore sa panloob na mga pader (bukod pa sa mga bastion o mga tore na nasa panlabas na mga pader). Mas matataas ang mga ito kaysa sa pader, anupat kung minsan ay nakaungos ang mga ito nang hanggang 3 m (10 piye) mula sa pader. May pantay-pantay na mga puwang ang tuktok ng mga ito at, kung minsan, sa bandang ibaba ng mga puwang ay may mga bukasan na maaaring gamitin ng mga mamamana at ng mga naghahagis ng bato. Dahil ang mga tore ay nakausli sa pader at hindi kailanman nagkakalayo nang mahigit sa dalawang hilagpos ng pana, kundi kadalasan ay mas magkakalapit pa nga, kitang-kita ng mga tagapagtanggol ang buong kahabaan ng pader. Gayundin, ang balkonahe sa tuktok ng tore ay may mga bukasan sa sahig nito upang ang mga pana, mga bato, at mga piraso ng nagliliyab na kahoy ay maiasinta nang deretso sa mga sumasalakay na nasa ibaba. Maraming ulit na binabanggit sa Kasulatan ang mga toreng ito. (Ne 3:1; Jer 31:38; Zac 14:10) Ang mga tore ay nagsilbi ring mga himpilan para sa mga bantay, na maaaring makakita sa kaaway habang papalapit ito mula sa malayo.—Isa 21:8, 9.
Kadalasan, isang citadel ang itinatayo sa pinakamataas na dako ng lunsod. Mayroon itong toreng tanggulan at sariling mga pader, bagaman ang mga ito ay hindi kasinlaki ng mga pader na nakapalibot sa lunsod. Ang citadel ang huling moog na pinanganganlungan at pinaglalabanan. Kapag nabutas ng mga kawal ng kaaway ang mga pader ng lunsod, kailangan nilang makipaglaban sa mga lansangan ng lunsod upang marating ang toreng ito. Gayong uri ng tore ang nasa Tebez, na sinalakay ni Abimelec matapos niyang bihagin ang lunsod anupat doon binasag ng isang babae ang bungo ni Abimelec sa pamamagitan ng paghahagis ng isang pang-ibabaw na gilingang-bato sa kaniyang ulo.—Huk 9:50-54.
Maliban sa mga toreng ito ng lunsod, nagtayo rin ng iba pang mga tore (sa Heb., migh·dalʹ; kapag pangmaramihan, migh·da·limʹ) sa nakabukod na mga lugar. Itinayo ang mga ito bilang “mga himpilan ng pulisya” upang ipagsanggalang ang mga balon o iba pang mga pinagmumulan ng tubig, mga lansangang-bayan, mga hanggahan, mga linya ng komunikasyon, o mga pinagkukunan ng panustos. Nakilala si Haring Uzias ng Juda sa pagtatayo ng mga tore sa Jerusalem at pati sa ilang; lumilitaw na itinayo ang mga ito upang ipagsanggalang ang mga imbakang-tubig na ginawa niya upang mapainom ang kaniyang mga alagang hayop. (2Cr 26:9, 10) Natagpuan sa Negeb ang ilan sa gayong mga tore.
Ang pinakamahinang bahagi ng mga depensa ng isang lunsod ay ang mga pintuang-daan nito; kaya naman ipinagtatanggol ang mga ito nang higit kaysa sa lahat ng iba pang bahagi ng mga pader. Sapat na dami lamang ng mga pintuang-daan ang itinatayo ayon sa pangangailangan ng mga tumatahan sa paglalabas-masok nila sa lunsod kapag panahon ng kapayapaan. Ang mga pintuang-daan ay gawa sa kahoy o sa kahoy at metal, anupat kung minsa’y binabalutan ito ng metal upang huwag tablan ng apoy. Sa arkeolohikal na mga paghuhukay, kadalasan, ang natatagpuang mga pintuang-daan ay bahagyang sunóg, anupat nagpapahiwatig na ginagamit noon ang apoy sa pagtatangkang tupukin ang mga pintuang-daan.—Tingnan ang PINTUANG-DAAN.
Ang ilan sa mga hari ng Juda na kilala sa pagtatayo nila ng mga kuta ay si Solomon, na nagtayo ng “mga nakukutaang lunsod na may mga pader, mga pinto at halang”; si Asa, na nagtayo ng mga lunsod na may ‘mga pader sa palibot at mga tore, mga pintong dalawahan at mga halang’; at si Uzias, na nagtayo ng “mga tore sa ilang” at ng “mga makinang pandigma” sa Jerusalem.—2Cr 8:3-5; 14:2, 6, 7; 26:9-15.
Mga Kuta ng Hukbong Nangungubkob. Kung minsan, ang hukbong nangungubkob ay nagtatayo ng sarili nitong mga kuta sa palibot ng kanilang kampo. Ito ay upang maipagsanggalang ang kampo laban sa mga tagapagtanggol na pupuslit mula sa lunsod na kinukubkob o laban sa mga pagsalakay ng mga kaalyadong nasa labas ng lunsod. Ang nakukutaang mga kampong ito ay maaaring pabilog o biluhaba at napalilibutan ng pader na kadalasan ay may pantay-pantay na mga puwang sa tuktok at mga tore na may gayunding kayarian sa ibabaw. Para sa mga kutang ito, pumuputol sila ng mga punungkahoy anupat kung minsan ay milya-milya ang layo sa lunsod ng pinagkukunan nila ng mga ito. Sa kautusan ni Jehova, tinagubilinan ang mga Israelita na huwag pumutol ng mga namumungang punungkahoy para sa ganitong layunin.—Deu 20:19, 20.
Mga Kuta na may mga Tulos na Matutulis. Noong inihuhula ni Jesu-Kristo ang pagkawasak ng Jerusalem, sinabi niya na ang mga kaaway nito ay magtatayo sa palibot nito ng “kuta na may mga tulos na matutulis,” o, “bakod na mga tulos.” (Luc 19:43, Int) Pinatotohanan ng istoryador na si Josephus na natupad nang eksakto ang hulang ito. Nangatuwiran si Tito na mas mabuti kung magtatayo sila ng kuta upang hindi makalabas ng lunsod ang mga Judio, sa gayon ay mapipilitang sumuko ang mga ito o, kung hindi man, mas madali na nilang makukuha ang lunsod dahil sa ibubunga nitong taggutom. Tinanggap naman ang kaniyang pangangatuwiran, at inorganisa ang hukbo upang isagawa ang proyektong ito. Nagpaligsahan ang mga hukbo at ang iba pang nakabababang mga pangkat ng hukbo upang tapusin ang gawaing ito; bawat indibiduwal ay napasigla ng pagnanais na mapalugdan ang mga nakatataas sa kaniya. Upang mailaan ang materyales para sa pagtatayo ng kutang ito, pinutol ang lahat ng mga punungkahoy sa mga karatig na lupain sa palibot ng Jerusalem hanggang sa distansiya na mga 16 na km (10 mi). Ang kahanga-hanga pa, ayon kay Josephus, sa loob lamang ng tatlong araw ay natapos ang kuta na may haba na mahigit sa 7 km (4.5 mi), isang gawain na karaniwang gugugol nang ilang buwan. Sa labas ng pader ng kutang ito, 13 lugar ang itinayo para sa mga garison, at ang pinagsama-samang sirkumperensiya ng mga ito ay umabot nang mga 2 km (1 mi).—The Jewish War, V, 491-511, 523 (xii, 1, 2, 4).
Mga Tuklas sa Arkeolohiya. Ipinagpatuloy ni Haring Solomon ang mga gawain sa pagtatayo ng kaniyang amang si David at namukod-tangi siya sa kaniyang mga ipinatayo. Bukod sa pagtatayo ng maringal na templo ni Jehova sa Jerusalem, pinatibay niya ang mga pader ng Jerusalem at nagtayo siya ng malalaking kuta sa Hazor, Megido, at Gezer. Nang hukayin ng mga arkeologo ang mga kutang ito, naging giya nila ang pananalita sa Bibliya na nasa 1 Hari 9:15: “At ito ang ulat niyaong mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho na kinalap ni Haring Solomon upang maitayo ang bahay ni Jehova at ang kaniyang sariling bahay at ang Gulod at ang pader ng Jerusalem at ang Hazor at ang Megido at ang Gezer.” Nasumpungan nila na ang mga pintuang-daan ng tatlong lunsod na huling nabanggit ay pawang itinayo ayon sa iisang natatanging plano, anupat ang bawat isa ay 17 m (56 na piye) ang lapad, may pasukan na may parisukat na mga tore sa magkabila at patungo sa isang portiko na 20 m (66 na piye) ang haba at may tatlong silid sa magkabilang panig. Waring kahawig ang mga ito ng paglalarawan sa mga pintuang-daan ng templo sa pangitain ni Ezekiel.—Eze 40:5-16.
Sa ibabaw mismo ng mga pader na itinayo ni Solomon sa Megido at Hazor ay may iba pang mga pader na itinayo, anupat posibleng si Ahab ang nagpagawa nito. Ang mga ito ay mas makakapal at mas matitibay, walang alinlangang dahil ito sa malalaking pambundol ng mga Asiryano na ginagamit na noong panahong iyon.
Ang tubig sa Megido ay nagmumula noon sa isang balon na nasa isang likas na yungib sa kanluraning paanan ng gulod na kinatatayuan ng lunsod. Upang makapagdala ng tubig sa lunsod, gumawa sila ng isang patindig na daanan na 30 m (98 piye) ang lalim, anupat 22 m (72 piye) ng distansiyang ito ang binutas sa taganas na bato; sa ganitong paraan ay naabot nila ang kapantayan ng balon. Mula rito, bumutas sila ng isang pahalang na lagusan na bahagyang nakadahilig at may distansiyang 67 m (220 piye) hanggang sa balon. Dahil palusong ito nang bahagya mula sa balon hanggang sa pinakapuno ng patindig na daanan, umaagos ang tubig papasók sa lunsod sa pamamagitan ng grabidad. Sa labas naman, isang makapal na pader ang kumukulong sa balon.
Mas mahusay na kasanayan sa inhinyeriya ang kinailangan nang sarhan ni Hezekias ang daloy ng tubig na umaagos mula sa Gihon at humukay siya ng isang lagusan na mga 533 m (1,749 na piye) ang haba upang magdala ng tubig sa Jerusalem, anupat nakatagal ang lunsod sa isang mahabang pagkubkob.—2Cr 32:30.
Kadalasan, ang mga imbakang-tubig, kapuwa yaong pampubliko at yaong pang-indibiduwal, ay sa loob ng lunsod itinatayo upang magsuplay ng tubig sa lunsod kapag panahon ng pagkubkob. Sa isang bantayog (matatagpuan ngayon sa Louvre ng Paris) na itinayo ni Mesa na hari ng Moab sa Dibon na nasa Moab, masusumpungan ang ganitong inskripsiyon: “Itinayo ko rin ang mga pintuang-daan nito at itinayo ko ang mga tore nito at itinayo ko ang bahay ng hari, at ginawa ko kapuwa ang mga imbakan nito para sa tubig sa loob ng bayan. At walang imbakang-tubig sa loob ng bayan maging sa akropolis, kaya sinabi ko sa lahat ng taong-bayan, ‘Gumawa ang bawat isa sa inyo ng sarili niyang imbakang-tubig sa kani-kaniyang bahay.’”
Makasagisag na mga Paggamit. Yamang ang mga tore sa ilang ang pinakaligtas na dakong kanlungan sa mga liblib na lugar, makikita natin kung bakit angkop ang sinasabi sa Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.” Makahulugan din ang mga pananalita sa Awit 48: ‘Sa mga tirahang tore ng Sion ay nahayag ang Diyos bilang matibay na kaitaasan. Libutin ninyo ang Sion, at ligirin ninyo ito, bilangin ninyo ang mga tore nito. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa muralya nito. Suriin ninyo ang kaniyang mga tirahang tore, upang maisalaysay ninyo ito sa darating na salinlahi.’ (Ihambing ang Heb 12:22.) Lalo na itong makahulugan para sa mga Judio na tumitingala noon sa pagkalaki-laking moog ng Jerusalem na nasa isang dakong mas mataas kaysa sa halos lahat ng iba pang pangunahing kabiserang lunsod sa kasaysayan ng tao, anupat may matitibay na pader na pandepensa. Sa pamamagitan ng propetang si Zacarias, tinukoy ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ‘isang pader na apoy sa buong palibot’ ng Jerusalem. Nagbibigay ito sa kaniyang bayan ng pampatibay-loob at katiyakan na, bagaman maaaring gibain ang mga pader na bato, si Jehova mismo ang tunay na depensa ng kaniyang mga lingkod.—Aw 48:3, 11-13; Zac 2:4, 5.