Unang Hari
5 Nang mabalitaan ni Hiram na hari ng Tiro+ na si Solomon ang piniling* hari kapalit ng ama nito, pinapunta niya kay Solomon ang mga lingkod niya, dahil si Hiram ay kaibigan ni David+ noon pa man. 2 Ipinasabi naman ni Solomon kay Hiram:+ 3 “Alam mong hindi nakapagtayo ang ama kong si David ng isang bahay para sa pangalan ni Jehova na kaniyang Diyos dahil sa kabi-kabilang pakikipagdigma sa kaniya hanggang sa ilagay ni Jehova ang mga kaaway niya sa ilalim ng mga paa niya.+ 4 Pero ngayon ay binigyan ako ni Jehova na aking Diyos ng kapahingahan mula sa lahat ng nakapalibot na kaaway.+ Walang lumalaban sa akin at walang masamang nangyayari.+ 5 Kaya gusto kong magtayo ng isang bahay para sa pangalan ni Jehova na aking Diyos, gaya ng ipinangako ni Jehova sa ama kong si David. Sinabi Niya: ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono kapalit mo, siya ang magtatayo ng bahay para sa pangalan ko.’+ 6 Utusan mo ngayon ang mga tauhan mo na pumutol ng mga sedro sa Lebanon+ para sa akin. Magtatrabaho ang mga lingkod ko kasama ng mga lingkod mo, at susuwelduhan ko ang mga lingkod mo sa halagang sasabihin mo, dahil alam mong walang isa man sa amin ang marunong pumutol ng mga puno na gaya ng mga Sidonio.”+
7 Tuwang-tuwa si Hiram nang marinig niya ang mga ipinasabi ni Solomon, at sinabi niya: “Purihin nawa ngayon si Jehova dahil binigyan niya si David ng isang matalinong anak na mamamahala sa malaking bayang ito!”+ 8 Kaya ipinasabi ni Hiram kay Solomon: “Nakarating sa akin ang mensahe mo. Ibibigay ko ang lahat ng hinihiling mong kahoy na sedro at enebro.+ 9 Ibababa iyon ng mga lingkod ko mula sa Lebanon hanggang sa dagat, at gagawin kong mga balsa ang mga iyon para maidaan sa dagat hanggang sa lugar na sasabihin mo sa akin. Ipakakalag ko iyon doon para madala ninyo. Kapalit nito, ibibigay mo ang pagkaing hihilingin ko para sa sambahayan ko.”+
10 Kaya ibinigay ni Hiram ang lahat ng kahoy na sedro at enebro na hiniling ni Solomon. 11 At binigyan ni Solomon si Hiram ng 20,000 kor* ng trigo bilang suplay ng pagkain para sa sambahayan nito at 20 kor ng napakagandang klase ng langis ng olibo. Iyan ang ibinibigay ni Solomon kay Hiram taon-taon.+ 12 At binigyan ni Jehova si Solomon ng karunungan, gaya ng ipinangako niya rito.+ Mapayapa ang ugnayan ni Hiram at ni Solomon, at silang dalawa ay gumawa ng kasunduan.*
13 Nagpatawag si Haring Solomon ng mga lalaki para sa puwersahang pagtatrabaho mula sa buong Israel; 30,000 lalaki ang natawag.+ 14 Hali-halili niyang pinapupunta sa Lebanon ang mga ito—10,000 sa bawat buwan. Isang buwan sila sa Lebanon at dalawang buwan sa mga bahay nila; at si Adoniram+ ang namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho. 15 Si Solomon ay nagkaroon ng 70,000 karaniwang manggagawa* at 80,000 tagatabas ng bato+ sa bundok,+ 16 pati ng 3,300 kinatawang opisyal+ na nangangasiwa sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtibag sila ng malalaking bato, mamahaling mga bato,+ para magawa ang pundasyon+ ng bahay sa pamamagitan ng tinabas na mga bato.+ 18 Kaya ang mga tagapagtayo ni Solomon at ang mga tagapagtayo ni Hiram at ang mga Gebalita+ ang nagtabas ng mga bato, at inihanda nila ang mga kahoy at ang mga bato para maitayo ang bahay.