Apocalipsis kay Juan
9 Hinipan ng ikalimang anghel ang trumpeta niya.+ At nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit, at ibinigay sa kaniya ang susi sa hukay ng kalaliman.+ 2 Binuksan niya ang hukay ng kalaliman, at mula sa hukay ay lumabas ang usok na gaya ng usok ng isang malaking hurno, at nagdilim ang araw,+ pati ang hangin, dahil sa usok ng hukay. 3 At sa usok ay may lumabas na mga balang papunta sa lupa,+ at binigyan sila ng awtoridad, na gaya ng awtoridad ng mga alakdan sa lupa. 4 Sinabihan silang huwag pinsalain ang pananim sa lupa o ang anumang berdeng halaman o puno, kundi ang mga tao lang na walang tatak ng Diyos sa noo nila.+
5 At ang mga balang ay binigyan ng awtoridad, hindi para patayin sila, kundi para pahirapan sila nang limang buwan, at ang paghihirap nila ay gaya ng hirap na nararanasan ng isang tao kapag sinaktan ito ng alakdan.+ 6 Sa panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan pero hindi nila ito makikita, at gugustuhin nilang mamatay, pero ang kamatayan ay lalayo sa kanila.
7 At ang mga balang ay mukhang mga kabayong nakahanda sa pakikipaglaban;+ sa mga ulo nila ay may gaya ng koronang ginto, at ang mga mukha nila ay gaya ng sa tao, 8 pero ang buhok nila ay gaya ng buhok ng mga babae. At ang mga ngipin nila ay gaya ng sa leon,+ 9 at may mga baluti sila na gaya ng mga baluting bakal. At ang ingay ng mga pakpak nila ay gaya ng dagundong ng mga karwaheng* hila ng mga kabayong lumulusob sa labanan.+ 10 May buntot din silang may tibo gaya ng sa mga alakdan, at nasa buntot nila ang awtoridad nilang saktan ang mga tao nang limang buwan.+ 11 May hari sila, ang anghel ng kalaliman.+ Sa Hebreo, ang pangalan niya ay Abadon,* pero sa Griego, ang pangalan niya ay Apolyon.*
12 Lumipas na ang isa sa mga kapahamakan. Dalawa pang kapahamakan+ ang darating pagkatapos ng mga ito.
13 Hinipan ng ikaanim na anghel+ ang trumpeta niya.+ At narinig ko ang isang tinig mula sa mga sungay ng gintong altar+ na nasa harap ng Diyos; 14 sinabi nito sa anghel na may trumpeta: “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.”+ 15 At ang apat na anghel na nakahanda na para sa oras at araw at buwan at taon ay kinalagan para patayin ang sangkatlo ng mga tao.
16 Ang bilang ng mga hukbong mangangabayo ay dalawang laksa ng mga laksa;* narinig ko ang bilang nila. 17 At ganito ang hitsura ng mga kabayo sa pangitain at ang mga nakaupo sa mga ito: Sila ay may mga baluting pula na gaya ng apoy at asul na gaya ng jacinto at dilaw na gaya ng asupre; at ang ulo ng mga kabayo ay gaya ng ulo ng leon,+ at sa bibig nila ay may lumalabas na apoy at usok at asupre. 18 Ang sangkatlo ng mga tao ay namatay dahil sa tatlong salot na ito, dahil sa apoy at sa usok at sa asupre na lumalabas mula sa bibig nila. 19 Dahil ang awtoridad ng mga kabayo ay nasa bibig nila at nasa buntot nila; dahil ang buntot nila ay gaya ng ahas at ito ay may ulo, at sa pamamagitan nito ay namiminsala sila.
20 Pero ang mga taong hindi napatay ng mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga gawa ng mga kamay nila; hindi sila tumigil sa pagsamba sa mga demonyo at mga idolong ginto at pilak at tanso at bato at kahoy, na hindi nakakakita o nakaririnig o nakalalakad.+ 21 At hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay o ang kanilang mga espiritistikong gawain o ang kanilang seksuwal na imoralidad* o ang kanilang mga pagnanakaw.