Unang Hari
15 Noong ika-18 taon ni Haring Jeroboam+ na anak ni Nebat, si Abiam ay naging hari sa Juda.+ 2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Maaca+ na apo ni Abisalom. 3 Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanang nagawa ng kaniyang ama, at hindi niya ibinigay ang buong puso niya kay Jehova na kaniyang Diyos; hindi niya tinularan ang ninuno niyang si David. 4 Pero alang-alang kay David,+ binigyan siya ni Jehova na kaniyang Diyos ng isang lampara sa Jerusalem+ sa pamamagitan ng pagpili sa kaniyang anak bilang kahalili niya at pagpapanatiling matatag sa Jerusalem. 5 Dahil ginawa ni David ang tama sa paningin ni Jehova, at hindi niya sinuway ang anumang iniutos ng Diyos sa kaniya sa buong buhay niya, maliban lang sa pangyayari may kaugnayan kay Uria na Hiteo.+ 6 At may digmaan sa pagitan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa buong buhay niya.+
7 Ang iba pang nangyari kay Abiam, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda.+ Nagkaroon din ng digmaan sa pagitan ni Abiam at ni Jeroboam.+ 8 At si Abiam ay namatay,* at inilibing nila siya sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Asa+ ang naging hari kapalit niya.+
9 Nang ika-20 taon ni Haring Jeroboam ng Israel, naging hari ng Juda si Asa. 10 Naghari siya nang 41 taon sa Jerusalem. Ang lola niya ay si Maaca+ na apo ni Abisalom. 11 Ginawa ni Asa ang tama sa paningin ni Jehova,+ gaya ng ninuno niyang si David. 12 Pinalayas niya mula sa lupain ang mga lalaking bayaran sa templo+ at inalis ang lahat ng kasuklam-suklam na idolo* na ginawa ng mga ninuno niya.+ 13 Kahit ang lola niyang si Maaca+ ay inalis niya sa posisyon nito bilang inang reyna, dahil gumawa ito ng kasuklam-suklam na idolo para sa pagsamba sa sagradong poste.* Pinutol ni Asa ang kasuklam-suklam na idolo nito+ at sinunog iyon sa Lambak ng Kidron.+ 14 Pero hindi naalis ang matataas na lugar.+ Gayunman, ibinigay ni Asa ang buong puso niya kay Jehova habang nabubuhay siya. 15 At ipinasok niya sa bahay ni Jehova ang mga bagay na pinabanal niya at ng kaniyang ama—pilak, ginto, at iba’t ibang kagamitan.+
16 Laging may digmaan sa pagitan ni Asa at ni Baasa+ na hari ng Israel. 17 Sinalakay ni Haring Baasa ng Israel ang Juda at pinatibay* ang Rama+ para walang makaalis o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda.+ 18 Kaya kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na natira sa mga kabang-yaman ng bahay ni Jehova at sa mga kabang-yaman ng bahay* ng hari at ibinigay ito sa kaniyang mga lingkod. Pagkatapos, isinugo sila ni Haring Asa sa hari ng Sirya+ na nakatira sa Damasco, si Ben-hadad na anak ni Tabrimon na anak ni Hezion. Ipinasabi niya: 19 “May kasunduan* tayo at ang mga ama natin. Pinadalhan kita ng pilak at ginto bilang regalo. Sirain mo ang kasunduan* ninyo ni Haring Baasa ng Israel, para lumayo na siya sa akin.” 20 Nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa at isinugo ang mga pinuno ng kaniyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at pinabagsak nila ang Ijon,+ Dan,+ Abel-bet-maaca, ang buong Kineret, at ang buong lupain ng Neptali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasa, itinigil niya agad ang pagtatayo* ng Rama at nagpatuloy sa paninirahan sa Tirza.+ 22 Pagkatapos, tinawag ni Haring Asa ang buong Juda—walang sinuman ang naiwan—at kinuha nila ang mga bato at kahoy sa Rama na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at ginamit ito ni Haring Asa para patibayin* ang Geba+ sa Benjamin at ang Mizpa.+
23 Ang iba pang nangyari kay Asa, ang kaniyang kagitingan at ang lahat ng ginawa niya at ang mga lunsod na itinayo* niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. Pero nang matanda na siya, nagkaroon siya ng sakit sa paa.+ 24 At si Asa ay namatay* at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David na kaniyang ninuno; ang anak niyang si Jehosapat+ ang naging hari kapalit niya.
25 Si Nadab+ na anak ni Jeroboam ay naging hari sa Israel noong ikalawang taon ni Haring Asa ng Juda, at namahala siya sa Israel nang dalawang taon. 26 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, at tinularan niya ang kaniyang ama+ at pinagkasala rin ang Israel.+ 27 Nakipagsabuwatan laban sa kaniya si Baasa na anak ni Ahias mula sa sambahayan ni Isacar, at pinatay siya ni Baasa sa Gibeton,+ na sakop ng mga Filisteo, habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton. 28 Pinatay siya ni Baasa nang ikatlong taon ni Haring Asa ng Juda at naging hari ito kapalit niya. 29 Pagkaupo sa trono bilang hari, pinatay ni Baasa ang lahat ng nasa sambahayan ni Jeroboam. Wala siyang itinirang buháy sa sambahayan ni Jeroboam; nilipol niya sila, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng lingkod niyang si Ahias na Shilonita.+ 30 Dahil ito sa mga kasalanan ni Jeroboam at dahil pinagkasala niya ang Israel at lubha niyang ginalit si Jehova na Diyos ng Israel. 31 Ang iba pang nangyari kay Nadab, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 32 At laging may digmaan sa pagitan ni Asa at ni Haring Baasa ng Israel.+
33 Nang ikatlong taon ni Haring Asa ng Juda, si Baasa na anak ni Ahias ay naging hari sa buong Israel; namahala siya mula sa Tirza sa loob ng 24 na taon.+ 34 Pero patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova,+ at tinularan niya si Jeroboam at pinagkasala rin ang Israel.+