Amos
8 Ito ang ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: May isang basket ng prutas na pantag-araw. 2 Pagkatapos ay sinabi niya: “Ano ang nakikita mo, Amos?” Sumagot ako: “Isang basket ng prutas na pantag-araw.” Sinabi ni Jehova sa akin: “Dumating na ang wakas ng bayan kong Israel. Hindi ko na sila pagpapaumanhinan.+ 3 ‘Ang mga awit sa templo ay magiging hagulgol sa araw na iyon,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Ang mga bangkay ay makikitang nagkalat kung saan-saan+—katahimikan!’
4 Pakinggan ninyo ito, kayong nang-aapi ng mahihirap
At sanhi ng wakas ng maaamo sa lupa,+
5 At nagsasabi, ‘Kailan matatapos ang kapistahan ng bagong buwan,+ para makapagtinda tayo ng mga butil,
At ang Sabbath,+ para makapag-alok tayo ng mga butil?
Para mapaliit natin ang panukat na epa*
At mapabigat ang panukat na siklo,*
Para makapandaya tayo sa ating timbangan;+
6 Para mabili natin ang mga dukha kapalit ng pilak
At ang mahihirap kapalit ng isang pares ng sandalyas,+
At maibenta ang mga pinagtahipan ng butil.’
7 Ipinanumpa ni Jehova ang Kaluwalhatian ng Jacob,+
‘Hindi ko kailanman kalilimutan ang lahat ng ginawa nila.+
Hindi ba ang buong lupain ay magiging gaya ng umaapaw na tubig ng Nilo,
At tataas at bababa itong gaya ng Nilo ng Ehipto?’+
9 ‘Sa araw na iyon,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova,
‘Palulubugin ko ang araw sa katanghaliang-tapat,
At padidilimin ko ang lupain sa isang araw na maaliwalas.+
10 Gagawin kong pagdadalamhati ang inyong mga kapistahan+
At ang inyong mga awit ay gagawin kong awit ng pagdadalamhati.
Lalagyan ko ng telang-sako ang lahat ng balakang at kakalbuhin ko ang bawat ulo;
Gagawin ko iyong gaya ng pagdadalamhati para sa kaisa-isang anak na lalaki,
At mapait ang magiging katapusan ng araw na iyon.’
11 ‘Darating ang panahon,’ ang sabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova,
‘Na magpapasapit ako ng taggutom sa lupain,
Hindi ng pagkagutom sa tinapay o pagkauhaw sa tubig,
Kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.+
12 Magpapasuray-suray sila mula sa isang dagat papunta sa isa pang dagat,
At mula sa hilaga hanggang sa silangan.*
Magpaparoo’t parito sila sa paghahanap sa salita ni Jehova, pero hindi nila ito makikita.
13 Sa araw na iyon, hihimatayin ang magagandang dalaga,
Pati ang mga binata, dahil sa pagkauhaw;
14 Ang mga sumusumpa sa pamamagitan ng kasalanan* ng Samaria+ at nagsasabi,
“Sa ngalan ng iyong buháy na diyos, O Dan!”+
At, “sa ngalan ng buháy na daan ng Beer-sheba!”+
Mabubuwal sila at hindi na muling babangon pa.’”+