Bakit Sila Umaalis sa Relihiyon?
NOONG kalagitnaan ng ika-19 na siglo, talagang wala kang mababalitaan na sinabi ng isang residente sa Prussia (ngayo’y hilagaang Alemanya) na siya’y hindi kabilang sa isang partikular na relihiyon. Sa katunayan, kapag nakumberte ka mula sa isang pangunahing relihiyon tungo sa isang di-kasang-ayong relihiyon ay susubaybayan ka na ng mga pulis. Talagang napakalaki na ng ipinagbago ng panahon!
Sa ngayon, napakaraming Aleman ang umaalis sa mga simbahan. Ayon sa ulat, 1 sa 4 ang nagsasabi na sila’y walang relihiyon. Ganito rin ang kalakarang makikita sa Austria at Switzerland. Kung ang pagiging miyembro ang pinakabuhay ng isang relihiyon, kung gayon, gaya ng pagkakasabi ng manunulat na Aleman na si Reimer Gronemeyer, “ang mga relihiyon sa Europa ay naghihingalo na.”
Kung Bakit Tinatanggihan Nila ang Relihiyon
Bakit ba tinatanggihan ng marami ang organisadong relihiyon? Kadalasan, dahil sa pinansiyal, lalo na sa mga lupaing ang mga miyembro ay hinihilingang magbayad ng buwis sa simbahan. Marami ang nagtatanong, ‘Bakit mapapapunta sa simbahan ang aking pinaghirapang salapi?’ Hindi nagugustuhan ng ilan ang napakalalaking kayamanan at kapangyarihan ng simbahan. Malamang na sang-ayon sila kay Kardinal Joachim Meisner ng Cologne, Alemanya, na nagsabing ang kayamanan ng simbahan ang maaaring umakay rito upang bigyan ng higit na pansin ang materyal na mga bagay at “hindi upang taimtim na manampalataya kay Kristo.”
Ang ilan ay umaalis sa kanilang simbahan sapagkat nakikita nilang ito’y matamlay, walang kasigla-sigla, at hindi makapawi sa kanilang pagkagutom sa espirituwal. Sila’y dumaranas ng kagutom na inihula ng propeta na si Amos, “kagutom, hindi sa tinapay, at kauhawan hindi sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Palibhasa’y halos wala silang natatanggap na espirituwal na pagkain mula sa kanilang relihiyon, sila’y nagbibitiw na rito.
Bagaman tunay na mga suliranin ang nakakaharap nila, tama ba na magbitiw na sa lahat ng relihiyon? Gunigunihin ang isang nagugutom na lalaki na nakakita ng sa tingin niya’y isang buong tinapay. Gayunman, nang kanin niya ito, iyon pala’y pinaglagarian lamang. Aalisin na ba niya sa isip ang pagkain at pagpawi sa kaniyang gutom? Hindi, hahanap siya ng tunay na pagkain. Sa katulad na paraan, kung hindi napapawi ng relihiyon ang pagkagutom ng mga miyembro nito sa espirituwal, tatalikuran na ba nila ang relihiyon? O sila ba’y magiging mas matalino anupat hahanap sila ng paraan upang mapawi ang kanilang pagkagutom sa espirituwal? Nagawa na iyan ng marami, gaya ng ipinakikita ng susunod na artikulo.