Liham sa mga Taga-Roma
4 Kung gayon, ano ang sasabihin nating natamo ni Abraham, na ating ninuno?* 2 Halimbawa, kung si Abraham ay ipinahayag na matuwid dahil sa mga gawa, puwede siyang magyabang, pero hindi sa Diyos. 3 Ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova, at dahil dito, itinuring siyang matuwid.”+ 4 Para sa taong nagtatrabaho, ang bayad sa ginawa niya ay nararapat sa kaniya at hindi masasabing walang-kapantay na kabaitan. 5 Pero para sa taong hindi umaasa sa gawa kundi nananampalataya sa Diyos na nagpapahayag sa isang makasalanan bilang matuwid, ang taong iyon ay ituturing na matuwid dahil sa pananampalataya niya.+ 6 Gaya rin ng sinabi ni David tungkol sa kaligayahan ng tao na itinuturing na matuwid ng Diyos pero hindi dahil sa mga gawa: 7 “Maligaya ang mga pinagpaumanhinan sa kasamaan nila at pinatawad sa mga kasalanan nila; 8 maligaya ang tao na ang kasalanan ay hindi na aalalahanin* pa ni Jehova.”+
9 Pero ang kaligayahan bang ito ay para lang sa mga tuli o pati sa mga di-tuli?+ Dahil sinasabi natin: “Dahil sa pananampalataya ni Abraham, itinuring siyang matuwid.”+ 10 Kailan siya itinuring na matuwid? Noong tuli na siya o hindi pa? Noong hindi pa siya tuli. 11 Pagkatapos, tumanggap siya ng isang tanda+—ang pagtutuli—bilang tatak ng pagiging matuwid niya dahil sa kaniyang pananampalataya habang hindi pa tuli, para maging ama siya ng lahat ng may pananampalataya+ na di-tuli at maituring din silang matuwid; 12 at para maging ama siya ng mga tuli, hindi lang ng mga nanghahawakan sa pagtutuli kundi pati ng mga may pananampalatayang gaya ng sa ama nating si Abraham+ habang hindi pa siya tuli.
13 Tinanggap ni Abraham at ng mga supling niya ang pangako na magiging tagapagmana siya ng isang sanlibutan, hindi sa pamamagitan ng kautusan+ kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid dahil sa pananampalataya.+ 14 Dahil kung ang mga nagsasagawa ng kautusan ang mga tagapagmana, nagiging walang silbi ang pananampalataya at walang saysay ang pangako. 15 Sa katunayan, ang Kautusan ay nagbubunga ng poot,+ pero kung saan walang kautusan, wala ring paglabag.+
16 Kaya nga sa pamamagitan iyon ng pananampalataya at sa gayon ay masasabing kapahayagan ng walang-kapantay na kabaitan;+ sa ganitong paraan, naging tiyak ang katuparan ng pangako sa lahat ng supling niya,+ hindi lang sa mga nagsasagawa ng Kautusan kundi pati sa mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham, na ama nating lahat.+ 17 (Gaya nga ng nasusulat: “Inatasan kita bilang ama ng maraming bansa.”)+ Nangyari ito sa harap ng Diyos, na sinampalatayanan niya, na bumubuhay ng mga patay+ at tumatawag* sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon. 18 Kahit parang imposible, umasa pa rin siya at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa, gaya ng sinabi: “Magiging ganiyan karami ang mga supling mo.”+ 19 Alam niya na parang patay na ang katawan niya (dahil mga 100 taóng gulang na siya)+ at na baog si Sara,+ pero hindi nanghina ang pananampalataya niya. 20 Dahil sa pangako ng Diyos, hindi siya nawalan ng pananampalataya at nanghina, kundi naging malakas siya dahil sa pananampalataya kaya naluwalhati niya ang Diyos 21 at naging lubusan siyang kumbinsido na kaya Niyang gawin ang ipinangako Niya.+ 22 Dahil dito, “itinuring siyang matuwid.”*+
23 Pero isinulat ang mga salitang “itinuring siyang matuwid” hindi lang para sa kaniya,+ 24 kundi para din sa atin na ituturing ding matuwid, dahil naniniwala tayo sa Kaniya na bumuhay-muli kay Jesus na ating Panginoon.+ 25 Hinayaan ng Diyos na mamatay siya para sa mga pagkakamali natin+ at binuhay siyang muli para maipahayag tayong matuwid.+