PANTATAK, TATAK
[sa Ingles, seal].
Isang bagay na ginagamit upang mag-iwan ng marka (kadalasa’y sa luwad o pagkit) bilang indikasyon ng pagmamay-ari, pagiging tunay, o kasunduan. Ang sinaunang mga pantatak ay gawa sa isang piraso ng matigas na materyal (bato, garing, o kahoy) na may nakalilok na mga titik o mga disenyo na pabaligtad. Ang mga ito ay may iba’t ibang hugis, gaya ng kono, kuwadrado, silinder, scarab (hugis-uwang), at mga ulo ng hayop. (May kinalaman sa mga singsing na panlagda o pantatak, tingnan ang SINGSING.) Yaong mga hugis-silinder ay karaniwan nang may haba na mula 2 hanggang 4 na sentimetro (0.75 hanggang 1.5 pulgada). Kapag ang isang silinder na may lilok sa palibot nito ay pinagulong sa mamasa-masang luwad, nag-iiwan ito ng isang tuluy-tuloy na marka na parang relyebe. Kadalasan, ang mga silinder na pantatak ay binubutasan nang tagusan sa magkabilang dulo anupat maaaring isabit ang mga ito sa isang panali.
Sa Ehipto at sa Mesopotamia, kabilang sa mga bagay na nakalarawan sa mga pantatak ang mga sagisag ng relihiyon, gayundin ang mga halaman, mga hayop, at mga simpleng tanawin. Sa Babilonyong “Temptation” Seal (British Museum), makikita ang isang punungkahoy na sa isang panig ay may isang lalaking nakaupo at isang babae naman sa kabila, at sa likuran ng babae ay may serpiyenteng nakataas ang ulo. Kadalasan, nakasaad sa mga pantatak ang pangalan at posisyon ng may-ari. Halimbawa, isang pantatak na natagpuan sa Palestina ang kababasahan, “Kay Sema, ang lingkod ni Jeroboam.”—The Biblical World, inedit ni C. Pfeiffer, 1966, p. 515.
Ang mga markang nalilikha ng mga pantatak ay maaaring magsaad ng pagmamay-ari o ng pagiging tunay ng isang bagay at maaaring makahadlang upang huwag pakialaman ang mga dokumento o iba pang mga bagay na tinatakan, kabilang na ang mga supot, mga pinto, at mga libingan. (Job 14:17; Dan 6:17; Mat 27:66) Nang bumili ng isang bukid ang propetang si Jeremias, ang kopya ng kasulatan na may mga lagda ng mga saksi ay tinatakan, ngunit ang ikalawang kopya ay iniwang bukás. Marahil, ginawa ang pagtatatak sa pamamagitan ng pagtutupi sa kasulatan, pagkatapos ay tinalian iyon ng panali, pinatungan naman ang panali ng isang limpak ng pagkit o iba pang malambot na substansiya at saka minarkahan ang malambot na materyal sa pamamagitan ng isang pantatak. Kung sa dakong huli ay may magtatanong tungkol sa katumpakan ng bukás na kopya, maaaring iharap ang kasulatang tinatakan sa harap ng mga saksi. (Jer 32:10-14, 44) Ang taong pinagkatiwalaan ng pantatak ng hari ay maaaring magpalabas ng opisyal na mga batas, anupat ang marka ng pantatak ang magpapatotoo sa pagiging tunay ng mga batas na iyon. (1Ha 21:8; Es 3:10, 12; 8:2, 8, 10) Kapag inilakip naman ng isa ang kaniyang tatak sa isang dokumento, maaari itong mangahulugan na tinatanggap niya ang mga kundisyong nakasaad doon. (Ne 9:38; 10:1) Maraming natagpuang hawakan ng sinaunang mga banga na may mga marka ng pantatak. Ang ilan sa mga markang ito ng pantatak ay nagpapakilala sa may-ari ng mga banga at bumabanggit sa nilalaman ng mga iyon; ang iba naman ay indikasyon ng dami o kalidad ng nilalaman ng mga iyon.
Makasagisag na Paggamit. Maraming makasagisag na pananalitang masusumpungan sa Bibliya ang ibinatay sa aktuwal na mga pinaggagamitan sa mga pantatak. Inihula na ang Mesiyas ay ‘magtitimbre ng tatak sa pangitain at propeta.’ Ang dahilan ay sapagkat sa pamamagitan ng pagtupad niya sa mga hula, titimbrihan ng Mesiyas ang mga ito bilang tunay at kinasihan ng Diyos. (Dan 9:24; ihambing ang Ju 3:33.) Sa diwa naman ng pagiging isang marka ng pagmamay-ari, tinanggap ni Abraham ang pagtutuli bilang “tatak” ng katuwirang taglay niya. (Ro 4:11) Yamang maraming Kristiyanong taga-Corinto ang natulungan ng apostol na si Pablo upang maging mga mananampalataya, sila ay nagsilbing tatak na nagpapatibay sa pagiging tunay ng kaniyang pagka-apostol. (1Co 9:1, 2) Ang unang-siglong mga Kristiyano ay sinasabing “tinatakan” sa pamamagitan ng banal na espiritu, na isang paunang tanda ng kanilang makalangit na mana. (Efe 1:13, 14; 4:30) Ang tatak na ito ay nangangahulugang sila’y pag-aari ng Diyos (2Co 1:21, 22) at nagpapakitang sila’y tunay na nakahanay para sa makalangit na buhay. Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na ang pangwakas na bilang niyaong mga natatakan ay 144,000.—Apo 7:2-4; 9:4.
Sa Bibliya, ang isang bagay na nakasara, nakatago, o lihim ay tinutukoy bilang natatatakan. Ang makahulang mga mensahe ay ‘natatatakan’ habang hindi pa nauunawaan ang mga ito. (Dan 12:4, 9; Apo 5:1; 22:10; ihambing ang Isa 8:16; 29:11.) At si Jehova ay sinasabing ‘naglalagay ng tatak sa palibot ng mga bituin,’ maliwanag na nangangahulugang ikinukubli niya ang mga ito sa paningin sa pamamagitan ng mga ulap.—Job 9:7.
[Larawan sa pahina 841]
Sinaunang silinder na pantatak, kasama ang marka nito sa luwad; nakalarawan dito ang mga mananambang nasa tabi ng punungkahoy, sa ibaba naman ay may mga ibong-tubig