Unang Samuel
9 May isang lalaki mula sa Benjamin na ang pangalan ay Kis,+ anak ni Abiel na anak ni Zeror na anak ni Becorat na anak ni Afias, isang napakayamang Benjaminita.+ 2 May anak siya na ang pangalan ay Saul,+ na bata pa at guwapo—walang ibang Israelita na mas guwapo kaysa sa kaniya—at mas matangkad siya* kaysa sa lahat ng iba pa sa bayan.
3 Nang mawala ang mga asno* ni Kis, sinabi niya sa kaniyang anak na si Saul: “Pakisuyo, isama mo ang isa sa mga tagapaglingkod at hanapin mo ang mga asno.” 4 Dumaan sila sa mabundok na rehiyon ng Efraim at sa lupain ng Salisa, pero hindi nila nakita ang mga iyon. Naglakbay sila sa lupain ng Saalim, pero wala roon ang mga asno. Dumaan sila sa buong lupain ng mga Benjaminita, pero hindi nila nakita ang mga iyon.
5 Nang dumating sila sa lupain ng Zup, sinabi ni Saul sa kasama niyang tagapaglingkod: “Halika, bumalik na tayo, baka sa atin na mag-alala ang ama ko sa halip na sa mga asno.”+ 6 Pero sinabi ng tagapaglingkod: “Teka! May isang lingkod ng Diyos sa lunsod na ito, isang lalaking iginagalang. Nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya.+ Pumunta tayo ngayon doon. Baka maituro niya kung saan tayo dapat pumunta.” 7 Kaya sinabi ni Saul sa tagapaglingkod niya: “Kung pupunta tayo roon, ano ang dadalhin natin sa kaniya? Wala na tayong tinapay; wala tayong maipanreregalo sa lingkod ng tunay na Diyos. Ano ang maibibigay natin sa kaniya?” 8 Muling sumagot ang tagapaglingkod kay Saul: “Heto! Mayroon akong sangkapat na siklong* pilak. Ibibigay ko ito sa lingkod ng tunay na Diyos, at ituturo niya kung saan tayo pupunta.” 9 (Sa Israel noon, ito ang sinasabi ng isang taong sasangguni sa Diyos: “Halikayo, magpunta tayo sa tagakita.”*+ Dahil ang propeta ay tinatawag noon na tagakita.) 10 At sinabi ni Saul sa tagapaglingkod niya: “Maganda ang sinabi mo. Halika na.” Kaya pumunta sila sa lunsod kung nasaan ang lingkod ng tunay na Diyos.
11 Habang naglalakbay sila sa daang paakyat ng lunsod, may nakasalubong silang mga babaeng sasalok ng tubig. Kaya sinabi nila sa mga babae: “Nandito ba ang tagakita?”+ 12 Sumagot ang mga ito: “Oo. Nauna lang siya nang kaunti sa inyo. Bilisan ninyo; dumating siya dito sa lunsod dahil maghahandog+ ngayon ang mga tao sa mataas na lugar.+ 13 Pagpasok ninyo sa lunsod, makikita ninyo siya bago siya umakyat sa mataas na lugar para kumain. Hindi kakain ang bayan hangga’t hindi siya dumarating, dahil siya ang humihiling ng basbas para sa handog. Kapag nagawa na niya iyon, makakakain na ang mga inanyayahan. Kaya lumakad na kayo para makita ninyo siya.” 14 Kaya pumunta sila sa lunsod. Pagdating nila roon, papalapit naman sa kanila si Samuel para salubungin sila at sama-sama silang umakyat sa mataas na lugar.
15 Isang araw bago dumating si Saul, sinabi na ni Jehova kay* Samuel: 16 “Mga ganitong oras bukas, magsusugo ako sa iyo ng isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin.+ Pahiran mo siya ng langis para maging pinuno ng bayan kong Israel,+ at ililigtas niya ang bayan ko mula sa kamay ng mga Filisteo. Dahil nakita ko ang pagdurusa ng bayan ko, at narinig ko ang pagdaing nila.”+ 17 Nang makita ni Samuel si Saul, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Siya ang lalaking tinutukoy ko nang sabihin ko sa iyo, ‘Siya ang mamamahala* sa bayan ko.’”+
18 At nilapitan ni Saul si Samuel sa may pintuang-daan at sinabi: “Puwede po bang magtanong kung saan ang bahay ng tagakita?” 19 Sinabi ni Samuel kay Saul: “Ako ang tagakita. Mauna ka sa akin papunta sa mataas na lugar, at kakain kayong kasama ko ngayong araw.+ Pauuwiin kita bukas ng umaga, at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng gusto mong malaman.* 20 Tungkol sa mga asno na nawala tatlong araw na ang nakararaan,+ huwag ka nang mag-alala, dahil nakita na ang mga iyon. At kanino ba ang lahat ng kanais-nais sa Israel? Hindi ba sa iyo at sa buong sambahayan ng iyong ama?”+ 21 Kaya sumagot si Saul: “Hindi ba mula ako sa Benjamin na pinakamaliit sa mga tribo ng Israel,+ at ang angkan namin ang pinakamababa sa lahat ng angkan sa tribo ng Benjamin? Kaya bakit ninyo sinasabi iyan sa akin?”
22 At isinama ni Samuel si Saul at ang tagapaglingkod nito at dinala sila sa bulwagang kainan at pinaupo sa puwesto na para sa importanteng mga bisita; mga 30 lahat ang naroon. 23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto: “Ilabas mo ang parte na ibinigay ko sa iyo at sinabi kong itabi mo.” 24 Kaya hinango ng tagapagluto ang binti at ang kasama nito at inihain kay Saul. At sinabi ni Samuel: “Ang inireserba ay inihain sa iyo. Kumain ka, dahil inireserba nila iyan sa iyo para sa okasyong ito. Dahil sinabi ko sa kanila, ‘May inanyayahan akong mga bisita.’” Kaya magkasamang kumain sina Saul at Samuel nang araw na iyon. 25 Pagkatapos, bumaba sila mula sa mataas na lugar+ at nagpunta sa lunsod, at patuloy na kinausap ni Samuel si Saul sa bubungan ng bahay. 26 Bumangon sila nang maaga, at nang magbukang-liwayway, tinawag ni Samuel si Saul na nasa bubungan ng bahay: “Maghanda ka na, para makalakad ka na.” Kaya naghanda si Saul at lumabas silang dalawa ni Samuel. 27 Habang bumababa sila sa labas ng lunsod, sinabi ni Samuel kay Saul: “Sabihin mo sa tagapaglingkod+ mo na mauna na siya sa atin,” kaya nauna na ito. “Pero ikaw, dito ka muna, para masabi ko sa iyo ang mensahe ng Diyos.”